Miyerkules, Hulyo 1, 2015

talata 51-55

51. Naaapektuhan ng kawalang katarungan, hindi lamang ang mga indibidwal, kundi ang buong bansa; iginigiit sa atin ito upang isaalang-alang natin ang isang etika sa pandaigdigang ugnayan. Ang totoong "utang pang-ekolohiya" ay umiiral, lalo na sa pagitan ng pandaigdigang hilaga (mayayamang bansa) at timog (mahihirap na bansa), na kaugnay sa komersyal na kawalan ng balanse na may mga epekto sa kapaligiran, at sa hindi pantay na paggamit ng likasyaman ng ilang bansa sa mahabang panahon. Ang pagluluwas ng hilaw na materyales upang masiyahan ang pamilihan ng industriyalisadong hilaga ay nakapinsala sa lokal, tulad halimbawa ng polusyon ng asogo sa pagmimina ng ginto o polusyon ng dioksidyo ng asupre sa pagmimina ng tanso. May matinding pangangailangang tantyahin ang paggamit ng espasyong pangkapaligiran sa buong mundo para sa paglalagak ng mga latak ng gaas na naipon na ng dalawang siglo at lumilikha ng kalagayang nakaaapekto ngayon sa lahat ng bansa sa mundo. Ang pag-iinit na sanhi ng malawakang pagkonsumo sa bahagi ng ilang mayayamang bansa ay may matinding balik sa mahihirap na pook sa daigdig, lalo na sa Aprika, kung saan ang pagtaas ng temperaturo, kasama ang tagtuyot ay napatunayang nagwasak sa pagsasaka. Nariyan din ang pagkasirang dahilan ng pagluluwas ng solidong basura at likidong lason sa papaunlad na bansa, at dahil sa polusyong nilikha ng mga kumpanyang pinatatakbo sa mga di-p-gaanong maunlad na bansa sa pamamaraang hindi nila gagawin sa kanilang tahanan, sa mga bansa kung saan pinalalago nila ang kanilang puhunan: "Itinatala natin na kadalasang ang mga negosyong tumatakbo sa ganitong paraan ay ang mga multinasyunal. Ginagawa nila rito ang mga bagay na hindi nila gagawin sa mga maununlad na bansa o yaong tinatawag na unang daigdig. Sa pangkalahatan, matapos itigil ang kanilang aktibidad at umalis, iniwan nila ang malaking pagkakautang na pantao at pangkapaligiran tulad ng kawalan ng trabaho, pinabayaang bayan, pagkasira ng mga likas na reserba, deporestasyon, ang pamumulubi ng agrikultura at lokal na pagpaparami ng paninda, malaking guwang, mga sirang burol, maruruming ilog at mangilan-ngilang gawaing panlipunan na hindi na sustenable". [30]

52. Ang utang-panlabas ng mahihirap na bansa ay naging paraan ng pagkontrol sa kanila, ngunit hindi ito ang usapin kung pag-uusapan ang utang-pang-ekolohiya. Sa iba't ibang pamamaraan, patuloy ang mga papaunlad na bansa, kung saan makita ang mga napakahahalagang reserba ng biyospero, sa pagpapaningas ng kaunlaran ng mayayamang bansa kahit mapinsala ang kanilang kasalukuyan at kinabukasan. Ang lupain ng mga katimugang mahihirap ay mayaman at kadalasang hindi marumi, bagamat ang madaling pagkuha sa pag-aari ng mga kalakal at likasyaman para sa mahahalagang pangangailangan ay ipinagbawal ng isang sistema ng ugnayang komersyal at pagmamay-ari na ang istruktura ay masama. Dapat tumulong ang mauunlad na bansa upang mabayaran ang utang na ito ng makabuluhang paglimita sa kanilang pagkonsumo ng hindi-nababagong enerhiya at sa pamamagitan ng pagtulong sa mga mahihirap na bansa upang suportahan ang mga polisiya at programa ng sustenableng pag-unlad. Ang mahihirap na pook at bansa ay di gaanong kayang makaangkop sa mga bagong modelo para mabawasan ang epekto sa kapaligiran dahil sa kakulangan nila ng  kakayahang paunlarin ang mga kinakailangang proseso at pati na ang gastusin nito. Dapat patuloy tayong magkaroon ng kamalayan na, hinggil sa pagbabago ng klima, may iba't ibang pananagutan. Tulad ng sinabi ng mga obispo ng Estados Unidos, mas malaking atensyon ang dapat ibigay sa "mga pangangailangan ng mahihirap, mahihina at madaling masalanta, sa balitaktakang kadalasang pinangingibabawan ng mga may mas makapangyarihang interes". [31] Dapat nating patatagin ang paniniwalang tayo'y isang pamilya ng sangkatauhan. Walang mga hangganan o hadlang, pampulitika man o panlipunan, kung saan maaari tayong makapagkubli, maliit din ang espasyo para sa globalisasyon ng pagwawalang-bahala.

VI. MAHIHINANG TUGON

53. Ang mga kalagayang ganito ang sanhi upang ang ating kapatid na daigdig, kasama ang mga pinabayaan ng mundo, ay managhoy, nagsusumamong ibahin na natin ang takbo ng mundo. Ang tahanan natin ay hindi nasaktan at inabuso ng matindi kundi nitong nakalipas na dalawang daang taon. Gayunman, tinawag tayong instrumento ng Diyos ating Ama, upang ang ating planeta'y maging kung ano ang kanyang nais nang nilikha niya ito at tumugon sa kanyang balaka para sa kapayapaan, kagandahan at kaganapan. Ang problema'y kulang pa tayo ng kinakailangang kultura upang maharap ang krisis na ito. Kulang tayo ng lideratong kayang lumikha ng bagong landas at makamit ang pangangailangan ng kasalukuyan ng may pagmamalasakit sa lahat at ng walang sinasabing hindi maganda sa mga susunod na henerasyon. Ang pagtatatag ng isang ligal na balangkas na maaaring magtakda ng malinaw na mga hangganan at magtiyak ng proteksyon ng ekosistema ay naging lubhang kailangan; kundi, ang bagong kaayusan ng kapangyarihan batay sa pang-teknolohiya pang-ekonomyang disenyo na maaaring puspusan hindi lamang sa ating pulitika kundi sa kalayaan at katarungan din.

54. Kapansin-pansin kung gaano kahina ang mga pampulitikang tugon sa pandaigdigan. Ang kabiguan ng pandaigdigang pagpupulong hinggil sa kapaligiran ay naging simpleng ang ating pulitika'y nakapailalim lang sa teknolohiya at pananalapi. Napakaraming ispesyal na interes, at ang mga pang-ekonomyang interes ay madaling natatapos sa pagbalewala sa pangkalahatang kagalingan at pagmanipula ng mga impormasyon upang ang kanilang sariling mga balak ay hindi maapektuhan. Iginigiit ng Dokumentong Aparecida na "ang interes ng mga grupong pang-ekonomya na wala-sa-katwirang binubuwag ang pinagmumulan ng buhay ay hindi dapat mangibabaw sa pagtrato sa mga likasyaman". [32] Ang alyansa sa pagitan ng ekonomya at teknolohiya ay natatapos sa pagtaboy sa anumang hindi kaugnay sa kanilang agarang interes. Samakatuwid, ang maaring asahan ng isang tao ay isang mababaw na panganagtwiran, manaka-nakang pagtulong ng pilantropo at walang interes na pagpapahayag ng pagmamalasakit para sa kapaligiran, yayamang ang anumang totoong pagtatangka ng mga grupo sa lipunan na magsimula ng pagbabago ay tinitingnang kayamot-yamot batay sa romantikong ilusyon o isang balakid na maaaring dayain.

55. Unti-unting nagsasagawa ng makabuluhang pag-unlad ang ilang mga bansa, na isinusulong pa ang mas epektibong pagkontrol at pagtatrabaho upang labanan ang mga katiwalian. Dapat magkaroon ng papalagong pang-ekolohikal na sensitibidad ang mga tao ngunit hindi ito nagtagumpay na mapalitan ang masasama nilang kaugalian sa pagkonsumo na, imbes na mabawasan, ay lalo pang lumalaki. Isang simpleng halimbawa ay ang paglaki ng paggamit at kuryente ng aircondition. Ang pamhilihan, na agarang nagbebenipisyo sa pagbebenta, ay nagpapasigla ng mas malaking pangangailangan. Ang tagalabas na tumitingin sa ating daigdig ay mamamangha sa gayong pag-uugali, na sa pana-panahon ay lumilitaw na nakasisira sa sarili.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento