Biyernes, Hulyo 3, 2015

talata 66-70

66. Naglalaman ang mga salaysay sa paglikha sa aklat ng Genesis, sa kanilang sariling simboliko at naratibong wika, ng malalalim na katuruan hinggil sa pag-iral ng tao at ng pangkasaysayang reyalidad nito. Iminumungkahi nilang ang buhay ng tao'y nakatuntong sa tatlong batayan at mahigpit na nakapulot na ugnayan: sa Diyos, sa ating mga kapitbayan at sa mismong daigdig. Ayon sa Bibliya, ang tatlong mahahalagang ugnayang ito ay nabasag na, kapwa palabas at sa loob natin. Ang pagkasirang ito'y kasalanan. Ang pagkakasundong ito sa pagitan ng Lumikha, ng sangkatauhan at ng nilikha bilang kabuuan ay nilansag ng ating pag-aakalang mahahalinhan sa pwesto ang Diyos at tinatanggihang kilalanin ang ating limitasyon bilang nilalang. Dahil dito'y naging baliko ang ating mandatong "pamamahalaan" ang daigdig (sg. Gen 1:28), upang "pagyamanin ito at pangalagaan (Gen 2:15). Bilang resulta, ang orihinal na maayos na ugnayan sa pagitan ng tao at ng kalikasan ay naging gusot (sg. Gen 3:17-19). Mahalagang ang pagkakatugmâ ng mga karanasan ni San Francisco ng Assisi sa lahat ng mga nilalang ay makikitang isang pagpapahilom sa pagkasirang iyon. Tinanganan naman ni San Buenaventura na, sa pamamagitan ng pangkalahatang rekonsiilyasyon sa bawat nilalang, kahit papaano'y bumalik si San Francisco sa kalagayan ng orihinal na kawalang malay. [40] Ito'y napakalayo sa kalagayan natin ngayon, kung saan nahahayag ang mga kasalanan sa lahat ng mga mapanirang lakas sa mga digmaan, sa samutsaring anyo ng karahasan at pang-aabuso, ang pag-iwan sa mga pinakamahihina, at mga pag-atake sa kalikasan.

67. Hindi tayo Diyos. Narito na ang mundo bago pa ang tao at ito'y ipinagkaloob sa atin. Ito'y nagpapahintulot sa atin na sagutin ang mga bintang na ang kaisipang Judaeo-Kristyano, sa batayan ng salaysay sa Genesis na nagbibigay sa tao na "pamahalaan" ang daigdig (sg. Gen 1:28), ang nahikayat sa walang habas na pagsasamantala sa kalikasan sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya bilang mapaghari-harian at mapanira sa kalikasan. Hindi ito ang wastong interpretasyon ng Bibiliya tulad ng pagkakaunawa ng Simbahan. Bagamat totoong tayong mga Kristyano paminsan-minsan ay namamali sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, sa ngayon apat nating matinding itakwil ang kaisipang ang ating pagkakalikha sa imahen ng Diyos at pagbibigay ng pamamahala sa daigdig ay nagbibigay-katwiran sa ganap na pangingibabaw sa iba pang nilalang. Ang mga tekstong bibllikal ay dapat basahin sa kanilang konteksto, ng may angkop na ermenyútikó, na kinikilalang sinasabi sa ating "pagyamanin at pangalagaan" ang halamanan ng daigdig (sg. Gen 2:15). Ang "pagpapayaman" ay tumutukoy sa paglilinang, pag-aararo o pagtatrabaho, habang ang "pangangalaga" ay nangangahulugang pag-iingat, pagtatanggol, pangangasiwa at pagpapanatili. Nagpapahiwatig ito ng ugnayan ng isa't isa sa pananagutan sa pagitan ng tao at ng kalikasan. Ang bawat pamayanan ay maaaring kumuha mula sa ipinagkakaloob ng daigdig anuman ang kailangan nito upang mabuhay, ngunit may tungkulin din itong protektahan ang daigdig at tiyaking namumunga ito para sa mga susunod na salinlahi. "Ang daigdig ay sa Panginoon" (Ps 24:1); sa kanya nagmumula "ang daigdig at lahat ng nasa loob nito" (Dt 10:14). Kaya itinatatwil ng Diyos ang anumang pahayag ng ganap na pag-aari: "Ang lupa ay hindi dapat ipagbili ng palagian pagkat ang lupang ito'y akin; pagkat kayo ay mga dayuhan at pansamantala lang tumitigil dito kasama ko" (Lev 25:23).

68. Ang pananagutang ito para sa daigdig ng Diyos ay nangangahulugang ang tao, na pinagkaloob ng talino, ay dapat igalang ang mga batas ng kalikasan pati na ang maselang balanseng umiiral sa pagitan ng mga nilalang sa mundong ito, pagkat "ipinag-utos niya at sila'y nilikha; at itinatag sila ng panghabampanahon; inayos niya ang kanilang mga hangganan at nagtakda ng batas na hindi mapasusubalian" (Ps 148:5b-6. Ang mga batas na matatagpuan sa Bibliya ay hinggil sa ugnayan, hindi lamang ng mga indibidwal, kundi ng iba pang nilalang. "Hindi mo dapat tingnan ang buriko ng iyong kapatid o ang pagkahulog ng kanyang palakol sa daan at pigilan ang iyong pagtulong... Sakaling makita mo ang isang pugad ng ibon sa anumang puno o sa lupa, may inakay na o itlog at ang kanilang ina'y lumilimlim sa mga inakay o sa mga itlog; huwag mong kukunin ang ina kasama ang mga inakay" (Dt 22:4, 6). Kasama ng mga linyang ito, ang pamamahinga sa ikapitong araw ay hindi lamang para sa mga tao. kundi upang "ang iyong palakol at iyong buriko ay makapagpahinga" (Ex 23:12). Ang maliwanag, ang Bibliya'y walang lugar para sa malupit na antroposentrismo na walang malasakit sa ibang nilikha.

69. Sama-sama sa aming obligasyon upang gamitin ng may pananagutan ang mga nilikha ng daigdig, tinawag tayo upang kilalanin na ang iba pang mga buhay na nilalang ay may sariling halaga sa mata ng Diyos: "sa kanilang pag-iral lamang ay binabasbasan nila siya at pinapupurihan siya", [41] at kaya, "nagagalak ang Panginoon sa kanyang mga ginawa" (Ps 104:31). Dahil sa ating natatanging dignidad at ang kaloob sa ating katalinuhan, tinawag tayo upang igalang ang sangnilikha at ang mga katutubo nitong batas, dahil "ang Panginoon sa pamamagitan ng karungungan ay nilikha ang daigdig" (Prov 3:19). Sa ating panahon, hindi sinasabi lang ng Simbahan na ang ibang nilalang ay ganap na nakapailalim sa kagalingan ng tao, na animo'y wala silang halaga sa kanilang sarili at maaaring tratuhin sa kung ano ang nais natin. Itinuro ng mga obispong Aleman na, kapag inaalala ang iba pang nilalang, "sinasabi natin ang pangunguna ng pagiging nilalang kaysa sa gamit nito sa atin". [42] Maliwanag at mariing pinuna ng Katekismo ang maling antroposentrismo: "Nag-aangkin ang bawat nilalang ng sarili nitong partikular na kabutihan at kaganapan... Ang bawat samutsaring nilalang, na ninais ang sarili nitong pag-iral, ay sumasalamin sa sarili nitong paraan ng pagbanaag sa walang hanggang karunungan at kabutihan ng Diyos. Kaya dapat igalang ng tao ang natatanging kabutihan ng bawat nilalang, upang maiwasan ang pagkakagulo ng gamit ng mga bagay". [43]

70. Sa kwento ni Cain at Abel, nakita natin kung paanong ang inggit ay nagtulak kay Cain na makagawa ng matinding inhustisya laban sa kanyang kapatid, na naging dahilan upang masira ang ugnayan nina Cain at ng Diyos, at sa pagitan ni Cain at ng lupa kung saan siya naglaho. Maliwanag itong makikita sa madulaing pagtatagpo ng Diyos at ni Cain. Tinanong ng Diyos: "Nasaan ang kapatid mong si Abel?" Sumagit si Cain na hindi niya alam, at iginiit ng Diyos: "Anong ginawa mo? Nananaghoy sa akin ang tinig mula sa lupa ng dugo ng iyong kapatid. At ngayon ay isinumpa ka mula sa lupa" (Gen 4:9-11). Ang pagpapabaya sa tungkuling maglinang at panatilihin ang tamang ugnayan sa aking kapitbahay, kung saan ang pangangalaga at pag-iingat na aking pananagutan, ay nakasira sa aking ugnayan sa aking sarili, sa kapwa, sa Diyos at sa daigdig. Kapag pinabayaan ang lahat ng mga relasyong ito, kapag hindi na nananahan ang katarungan sa lupain, sinasabi sa atin ng Bibliya na nanganganib ang mismong buhay. Makikita natin ito sa kwento ni Noah, kung saan nagbanta ang Diyos na pabayaan ng sangkatauhan dahil sa palagian nitong kabiguan na tuparin ang mga rekisitos ng katarungan at kapayapaan: "Ipinasiya kong lipulin na ang lahat ng nilalang; pagkat ang daigdig ay puno na ng karahasan dahil sa kanila" (Gen 6:13). Ang mga sinaunang kwentong ito, na punung-puno ng simbolismo, ay saksi sa matibay na paniniwalang pinagsasamahan natin ngayon, na ang lahat ng bagay ay magkaugnay, at ang totoong pangangalaga sa ating sariling buhay at sa ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan ay hindi maihihiwalay sa pagkakapatiran, katarungan at katapatan sa kapwa.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento