Huwebes, Hulyo 30, 2015

talata 166-170

166. Sa buong mundo, may nagawang mahahalagang pagsulong ang kilusang ekolohikal, salamat sa mga pagsisikap ng iba't ibang organisasyon ng lipunang sibil. Imposibleng banggitin sila dito lahat, o repasuhin ang kasaysayan ng kanilang mga inambag. Ngunit salamat sa kanilang mga pagpupunyagi, ang mga usaping pangkapaligiran ay lumalawak na nailalagay sa mga pampublikong adyenda at humihimok nang mas malayong pagtanaw. Sa kabila nito, ang nakaraang Daigdigang Pagpupulong hinggil sa kapaligiran ay hindi nagbunga ng tulad sa inaasahan dahil, sa kakulangan ng pampulitikang saloobin, di nila narating ang totoong makahulugan at epektibong mga pandaigdigang kasunduan hinggil sa kapaligiran.

167. Mahalagang banggitin ang Daigdigang Pagpupulong noong 1992 sa Rio de Janeiro. Ipinahayag nitong "ang mga tao ang sentro ng alalalahanin para sa likaskayang pag-unlad". [126] Sa pagbanggit sa Pahayag sa Stockholm noong 1972, idinambana nito ang pandaigdigang kooperasyon upang pangalagaan ang ekosistema ng buong daigdig, ang obligasyon ng mga taong sanhi ng polusyon upang panagutan ang mga pinsala nito, at ang tungkuling tasahin ang epekto sa kapaligiran ng mga isinagawang proyekto at gawain. Itinatakda nito ang layunin ng paglimita sa konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera, sa pagsisikap na mabaligtad ang takbo ng daigdigang pag-iinit. Nagbabalangkas na rin ito ng isang adyenda na may plano ng pagkilos at isang malawakang pagpupulong hinggil sa saribúhay, at nagsaad ng mga prinsipyo hinggil sa mga gubat. Bagamat ang malawakang pagpupulong ay totoong hakbang pasulong, at tila tinatadhana sa panahong iyon, masagwa ang pagpapatupad ng mga kasunduang iyon, dahil sa kakulangan ng angkop na mekanismo sakaling makaligtaan, pana-panahong pagsusuri at mga parusa sa kaso ng mga hindi-tumalima. Ang mga prinsipyong ipinahayag nito ay naghihintay pa rin ng isang mahusay at nakakaangkop na pamamaraan ng praktikal na pagsasakatuparan.

168. Ang mga positibong karanasan hinggil dito, mababanggit natin, halimbawa, ang Kombensyong Basel hinggil sa mga mapanganib na basura, sa sistema nito ng pag-uulat, mga pamantayan at pagkontrol. Nariyan din ang pinagtibay na Kombensyon hinggil sa pandaigdigang kalakalan ng mga nanganganib na espésye ng mga ilahas na fauna at flora, kung saan kasama rin ang pagbisita sa mismong mga pook upang mapatunayan ang epektibong pagtalima. Maraming salamat sa Kumbensyon ng Vienna para sa proteksyon ng ozone layer at ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng Montreal Protocol at mga amyenda nito, ang problema sa pagnipis ng suson nito ay mistulang pumasok na sa yugto ng resolusyon. 

169. Habang dapat pagtuunan ng pansin ang proteksyon ng saribúhay at mga usaping kugnay ng desertipikasyon, nagiging hindi gaanong mahalaga ang progreso. Hinggil naman sa pagbabago ng kilima, nakalulungkot na kakaunti lamang yaong paglago. Ang pagbabawas ng mga greenhouse gas ay nangangailangan ng katapatan, katapangan at pananagutan, higit sa lahat sa bahagi ng mga bansang mas makapangyarihan at siyang lalong nagdudumi sa kapaligiran. Ang Kumperensya ng United Nations hinggil sa Likaskayang Pag-unlad, “Rio+20” (Rio de Janeiro 2012), ay nagpaabot ng dokumentong naglalaman ng malawakan ngunit di epektibong resulta. Hindi makapagsagawa ng makabuluhang progreso ang mga pandaigdigang negosasyon dahil sa mga paninindigang tinanganan ng mga bansang inuna ang kanilang pambansang interes kaysa pandaigdigang kagalingan ng lahat. Yaong mga magdurusa sa mga kahihinatnan ng kung ano ang itinatangka nating itago ay hindi malilimtan ang kabiguang ito ng budhi at pananagutan. Kahit na nang inihahanda pa lang ang Ensiklikong ito, tumitindi na ang debate. Tayong mga mananampalataya'y hindi mabibigong hilingin sa Diyos ang isang positibong kalalabasan ng kasalukuyang mga talakayan, upang ang mga susunod na salinlahi'y hindi pagdusahan ang mga epekto ng ating di mabuting payo ng pagkaantala.

170. Ang ilang mga istratehiya upang mapababa ang mga emisyon ng maruruming gas ay nag-aanyaya ng pagsasapandaigdigan ng mga guguling pangkapaligiran, na ipinagsasapalaran ang pagpapataw sa mga bansang may kakaunting likasyaman ng mabibigat na pangako upang mabawasan ang mga dapog o emisyon kung ikukumpara sa mga nasa mas industriyalisadong bansa. Ang pagpapataw ng mga gayong hakbangin ay nagpaparusa sa mga bansang mas nangangailangan ng pag-unlad. Isa pang dagdag na kawalang katarungan ang naisagawa sa pagkukunwaring pinoprotektahan ang kapaligiran. Dito rin, sa dulo'y ang mga dukha ang siyang nagdurusa. Dagdag pa, dahil mas mararamdaman sa matagal na panahon ang mga epekto ng pagbabago sa klima, kahit na isagawa na ngayon ang mahihigpit na hakbangin, ang mga bansang may kakaunting likasyaman ay nangangailangan ng tulong upang makaangkop sa mga epektong nangyayari na, at siyang nakaaapekto sa kanilang mga ekonomya. Sa ganitong konteksto, kinakailangan ng isang magkakapareho at magkakaibang pananagutan. Tulad ng ipinahayag ng mga obispo ng Bolivia, "ang mga bansang nakinabang mula sa mataas na antas ng industriyalisasyon, sa kapinsalaan ng malawak na emisyon ng mga greenhouse gas' ay may mas malaking pananagutan upang makapagbigay ng kalutasan sa mga suliraning kanilang idinulot". [127]

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento