Lunes, Agosto 31, 2015

talata 191-195

191. Kapag natatalakay ang mga usaping ito, may ilang ang kapwa nila'y inaakusahan ng di-makatuwirang pagtatangkang hadlangan ang progreso at pag-unlad ng tao. Ngunit dapat tayong lumago sa pag-iisip na ang pagbagal sa bilis ng produksyon at pagkonsumo minsan ay tumutungo sa ibang anyo ng progreso at pagsulong. Maraming pagsisikap na itaguyod ang tuluy-tuloy na paggamit ng likas yaman ang hindi aksaya ng salapi, kundi pamumuhunan na kayang magbigay ng iba pang pang-ekonomikong benepisyo sa kainamang panahon. Kung ating titingnan sa mas malaking larawan, makikita natin ang mas sari-sari at makabagong mga paraan ng produksyon na may mababang epekto sa kapaligiran ay maaaring mapatunayang sadyang kapaki-pakinabang. Ito'y pagiging bukas sa iba't ibang posibilidad na hindi nasasangkot ang makapigil-hiningang pagkamalikhain ng tao at ang mga mithiin nito ng progreso, ngunit sa halip ay itinutuon ang enerhiyang ito sa mga bagong daluyan.

192. Halimbawa, isang landas ng produktibong pagsulong, na mas malikhain at mas maganda ang tuon, ang makapagwawasto sa kasalukuyang pagkakaiba sa pagitan ng labis na teknolohikal na pamumuhunan sa pagkonsumo at hindi sapat na pamumuhunan sa paglutas ng mga kagyat na suliranig kinakaharap ng sangkatauhan. Maaari itong makabuo ng matalino't kapaki-pakinabang na pamamaran ng muling paggamit, pag-aayos at pagreresiklo, at maaari rin nitong mapabuti pa ang kahusayan ng enerhiya ng kalunsuran. Ang pagkaproduktibo ng samutsaring uri ay nagbibigay ng ganap na posibilidad sa pagkamalikhain ng tao upang makalikha at makagawa ng mga pagbabago, habang kasabay noon ang pagprotekta sa kapaligiran at paglikha ng maraming pinangmumulan ng trabaho. Ang pagkamalikhaing tulad nito ay magiging karapat-dapat na pagpapahayag ng pinakamarangal nating katangian ng tao, sapagkat nagsisikap tayong nag-iisip,ng matapang at may pananagutan sa pagtaguyod ng isang tuluy-tuloy at patas na pag-unlad sa loob ng konteksto ng isang mas malawak na konsepto ng kalidad ng pamumuhay. Sa kabilang banda, upang makatagpo na ng mga bagong pamamaraan ng pandarambong sa kalikasan, para lamang sa mga bagong mamimili ng kalakal at mabilis na kita, na, sa mga tuntunin ng tao, ay hindi gaanong karapat-dapat at malikhain, at mas paimbabaw.

193. Sa alinmang pangyayari, kung may ilang kasong isinasangkot ng tuluy-tuloy na pag-unlad ang mga bagong anyo ng paglagi, kung gayon sa ibang kaso, ang naririyang walang kabusugan at iresponsableng paglagong nalikha ng maraming dekada, dapat din nating pag-isipan na ikahon ang paglago sa pamamagitan ng pagtatakda ng ilang rasonableng limitasyon at maging ang paghanap sa ating mga hinakbang bago mahuli ang lahat. Alam natin kung gaanong hindi sustenable ang mga pag-uugali ng mga taong palaging kumukunsumo at sumisira, habang ang iba'y hindi pa rin nabubuhay sa paraang karapat-dapat sa kanilang makataong dangal. Ito ang dahilan kung bakit dumating na ang panahong dapat tanggapn ang pagbaba ng paglago sa ilang bahagi ng mundo, upang makapagbigay ng pangangailangan sa iba pang lugar upang makaranas din ng malusog na paglago. Sinabi ni Benedicto XVI na "ang mga lipunang may abanteng teknolohiya ay dapat na handang makahimok ng mas mahinahong paraan ng pamumuhay, habang binabawasan ang paggamit ng enerhiya at napapabuti ang kahusayan nito". [135]

194. Para sa mga susulpot na bagong modelo ng progreso, may pangangailangang baguhin "ang mga modelo ng daigdigang pag-unlad"; [136] nangangailangan ito ng isang responsableng pagninilay hinggil sa "kahulugan ng ekonomya at mga layunin nito nang may pagtinging owasto ang madepektong paggawa at hindi tamang paggamit". [137] Hindi sapat na mabalanse, sa kainamang panahon, ang proteksyon ng kalikasan na may ganansya sa pananalapi, o ang pagpapanatili ng kapaligiran ng may pag-unlad. Ang mga hakbanging nasa kalahatian na'y nagpapaantala lamang sa hindi mapipigil na sakuna. Sa payak na salita, bagay itong nagbibigay muli ng kahulugan sa ating pagkaunawa sa kaunlaran. Hindi maituturing na kaunlaran ang pangteknolohiya at pang-ekonomyang pagsulong na sa paggising nito'y walang iniiwang isang magandang daigdig at isang makabuluhan at mataas na kalidad ng buhay. Sa katunayan, madalas na ang kalidad ng buhay ng mga tao ay totoong lumiliit - dahil sa pagkasira ng kapaligiran, ang mababang kalidad ng pagkain o ang pagkaubos ng likasyaman - sa gitna ng paglago ng ekonomya. Sa kontekstong ito, ang pagtalakay sa sustenableng paglago ay nagiging isang pamamaraan ng pagkagambala ng pansin at pag-aalok ng paliwanag. Nakukuha nito ang wika at halaga ng ekolohiya sa mga kategorya ng pananalapi at teknokrasya, at ang pananagutang panlipunan at pangkapaligiran ng pangangalakalan na nababawasan ang serye ng pangangalakalan at mga hakbangin ng pagdagdag ng imahe.

195. Ang prinsipyo ng pagmamaksimisa ng tubo, na kadalasang nakahiwalay sa iba pang mga konsiderasyon, ay sumasalamin sa hinid pagkakaunawaan sa pinakakonsepto ng ekonomya. Habang lumalaki ang produksyon, munting malasakit ang naibibigay kung ito man ay gugulin sa mga likasyaman sa panghinaharap o sa kalusugan ng kapaligiran; hangga't nagpapalaki ng produksyon ang pagpawi ng isang kagubatan, walang kumakalkula ng mga nangyayaring pgkalugi sa pagkatuyot ng mga lupain, ang pinsalang idinudulot sa saribuhay o lumalalang polusyon. Sa isang salita, tumutubo ang mga kalakalan sa pagkalkula at pagbayad lamang ng kasamang gugulin.Ngunit yaon lang pag "ang pang-ekonomiya at panlipunang mga gugulin ng paggamit ng mga ibinahaging likasyamang pangkapaligiran ay kinikilala ng may transparesya at ganap na nilikha ng mga taong may napapala dito, hindi ng ibang tao o mga susunod na salinlahi", [138] na maituturing na etikal ang mga aksyong iyon. Isang pantulong na pamamaraan ng pangangatwiran, na nagbibigay ng isang dalisay na istatikong pagtatasa ng reyalidad na magsisilbi sa kasalukuyang mga pangangailangan, ay nangyayari na maging ang likasyaman ay inilaan ng merkado o ng sentral na pagpaplano ng estado.

Itutuloy...

Martes, Agosto 25, 2015

talata 186-190

186. Sinasabi sa Deklarasyon sa Rio ng 1991 na "kung saan may mga banta ng seryoso o pagkasirang wala nang lunas, hindi dapat gamiting dahilan ang kawalan ng lubusang katiyakang pang-agham bilang dahilan upang ipagpaliban ang mga hakbanging kapaki-pakinabang" [132] na pumipigil sa pagkasira ng kapaligiran. Nagagawa ng prinsipyo ng pag-iingat na ito na maprotektahan ang mga pinakamadaling matamaang mga tao at limitado ang kakayahang depensahan ang kanilang interes at tipunan ang mga hindi mapag-aalinlanganang katibayan. Kung iminumungkahi ng obhetibong impormasyon na magreresulta ito sa isang malubha at di-na-mapapanumbalik na pagkasirang wala nang lunas, ang proyekto'y dapat nang itigil o kaya'y baguhin, kahit wala pang di-mapag-aalinlanganang patunay. Dito'y epektibo nang nabaligtad ang pasanin ng katibayan, dahil sa mga ganitong kaso, dapat dalhin ang mga obhetibo at konklusibong demonstrasyon upang ipakitang ang mga mungkahing aktibidad ay hindi magdudulot ng malubhang pinsala sa kapaligiran o sa mga naninirahan doon.

187. Hindi ito nangangahulugan ng pagsalungat sa anumang inobasyon sa teknolohiya na magdadala ng pagbuti ng kalidad ng buhay. Ngunit nangangahulugan ito ang tubò ay hindi ang natatanging pamantayan na dapat isaalang-alang, at na, kapag nakita na ang makabuluhang mga bagong impormasyon, dapat isagawa ang isang muling pagtatasa, na kasangkot ang lahat ng interesadong panig. Ang resulta'y maaaring isang desisyon na huwag magpatuloy sa isang hátag na proyekto, upang baguhin ito o upang isaalang-alang ang mga alternatibong panukala.


188. May ilang mga isyung pangkapaligiran na hindi madaling makapagtamo ng malawak na pinagkasunduan. Dito'y masasabi kong muli na hindi ipagpapalagay ng Simbahan na malutas ang mga usaping pang-agham o upang palitan ang pulitika. Ngunit nagmamalasakit akong maghikayat ng isang matapat at lantarang debate upang hindi sirain ng mga partikular na interes o ideolohiya ang pangkalahatang kagalingan.


IV. PAMPULITIKA AT PANG-EKONOMYANG PAG-UUSAP NA ISASAKATUPARAN NG TAO


189. Hindi dapat mapasailalim ng ekonomya ang pulitika, o kaya'y ang ekonomya'y mapasailalim sa dikta ng isang itinulak-na-paghusay na modelo ng teknokasya. Sa kasalukuyan, pag tiningnan ang pangkalahatang kagalingan, may agarang pangangailangang ang pulitika at ekonomya'y pumasok sa isang tahasang pag-uusap para sa paglilingkod sa buhay, lalo na sa buhay ng tao. Ang pagsagip sa mga bangko sa anumang pamamaraan, na ginagawang ang publiko ang magsakripisyo, tumatalima sa isang pangako ng kumpanya na repoasuhin at repormahin ang buong sistema, ay nagpapatunay lamang ng ganap na kapangyarihan ng sistemang pinansyal, isang kapangyarihang walang kinabukasan at magdudulot lamang ng bagong krisis matapos ang isang mabagal, magastos at tanging malinaw na pagbuti. Ang krisis pinansyal ng 2007-08 ay nagbigay ng pagkakataong bumuo ng isang bagong ekonomya, na mas masigasig sa mga etikal na prinsipyo, at mga bagong pamamaraan ng pangangasiwa ng mga hindi praktikal na gawaing pinansyal at tunay nayaman. Subalit di kasama ang tugon sa krisis ang pag-isipang muli ang mga nalipasan-sa-panahong mga pamantayan na patuloy pang namamayagpag sa mundo. Hindi laging makatwiran ang produksyon, at karaniwang nakatali ito sa mga pagbabagu-bagong pang-ekonomya na nagtatalaga sa mga produkto ng halagang hindi palaging tumutugma sa tunay nilang halaga. Madalas itong humahantong sa labis-labis na produksyon ng ilang mga kalakal, na walang kinakailangan epekto sa kapaligiran at ng may negatibong resulta sa pangrehiyunal na ekonomya.[133] Ang pinansyal na pagbulukok ay maaari ding maging isang produktibong pagbulusok. Ang problema ng totoong ekonomya ay hindi pa malakas na hinaharap, gayong ito ang tunay na ekonomyang nagsasagawa ng sari-saring uri at posible ang pagpapabuti sa produksyon, tumutulong sa mga kumpanya upang maayos na gumana, at nagbibigay-daan sa mga maliliit at katamntamang negosyo na mapabuti at makalikha ng trabaho.


190. Dito rin, dapat laging isaisip na "ang proteksyon sa kapaligiran ay hindi matitiyak lamang sa batayan ng pinansyal na kalkulasyon ng gugulin at benepisyo. Ang kapaligiran ay isa lamang sa mga bagay na hindi sapat na maipagsasanggalang o maitataguyod ng pwersa ng merkado". [134] Sa muli, dapat nating itakwil ang mahiwagang ideya ng merkado, na nagmumungkahing malulutas lang ang mga problema sa pamamagitan ng pagtataas ng kinikita ng mga kumpanya o indibidwal. Makatotohanan bang umasa na yaong mga nahuhumaling sa pagpapalaki ng kinikita ay titigil na pagnilayan ang pagkasira ng kapaligiran na iiwan nila para sa mga susunod na salinlahi? Kung saan tanging mahalaga ang kinikita, maaaring walang pagninilay hinggil sa mga ritmo ng kalilasan, ang mga pinagdaanan nitong pagkabulok at pagpapanibagong-buhay, o ang pagiging kumplikado ng ekosistema na maaaring malubhang mapabagsak ng pakikialam ng tao. Dagdag pa, sa malaon ay itinuturing ang saribúhay na isang lagakan ng pang-ekonomiyang likasyamang magagamit para mapagsamantalahan, nang walang seryosong pagninilay sa mga totong halaga ng mga bagay-bagay, ang kanilang kabuluhan sa mamamayan at kultura, o sa alalahanin at pangangailangan ng mga mahihirap.


Itutuloy...

Lunes, Agosto 24, 2015

talata 181-185

181. Dito, mahalaga ang pagtutuluy-tuloy, pagkat ang mga polisiyang kaugnay ng nagbabagong klima at proteksyon sa kapaligiran ay hindi mababago sa bawat pagpapalit ng pamahalaan. Kinakailangan ng sapat na panahon ang mga resulta at kinakailangan ng agarang panggugol na maaaring hindi makabuo ng kongkretong epekto sa loob ng termino ng isang pamahalaan. Iyan ang dahilan, na kapag wala ang tulak ng publiko at ng mga sibikong institusyon, laging nag-aatubiling makialam ang mga awtoridad-pulitikal, paano pa kaya kung may agarang pangangailangang dapat magawa. Upang angkinin nila ang mga pananagutan at guguling kinakailangan, tiyak na makikipagbanggan ang mga pulitika ng kaisipan ng madaliang ganansya at resultang nangingibabaw sa kasalukuyang ekonomya at pulitika. Ngunit kung sila'y matatapang, patutunayan nila ang kanilang dignidad na ibinigay ng Diyos at iiwanan ang isang testimonya hinggil sa pananagutang walang pag-iimbot. Sadyang kinakailangan ang isang malusog na pulitika, may kakayahang repormahin at makipagtulungan sa mga institusyon, itinataguyod ang mga pinakamagagandang ginawa at napagtatagumpayan ang labis-labis na presyon at pagiging tuod ng burokrasya. Maidaragdag, na kahit ang mga pinakamahuhusay na mekanidmo'y maaaring masira kapag walang makabuluhang layunin at kagawian, o isang tunay at malalim na humanismo upang magsilbing batayan ng isang marangal at mapagbigay na lipunan.

III. TALAKAYAN AT TRANSPARENSIYA SA PAGBUBUO NG MGA PASIYA

182. Isang pagtatasa ng epektong pangkapaligiran ng pakikipagsapalaran sa negosyo at proyekto na nangangailangan ng transparensya ng mga prosesong pultikal na sangkot ang malayang palitan ng kuro-kuro. Sa kabilang bansa, ang mga anyo ng katiwalian na itinatago ang totoong epektong pangkapaligiran ng isang hátag na proyekto, bilang kapalit ng pabor, ay karaniwang lumilikha ng mga paimbabaw na kasunduan na nabibigong mag-ulat ng angkop at nagpapahintulot ng malawakang debate.

183. Ang pagtatasa ng epektong pangkapaligiran ay hindi dapat dumatal matapos magbalangkas ng isang mungkahing o ang panukala para sa isang partikular na polisiya, plano o prograam. Dapat na maging bahagi ito ng proseso sa simula pa lang, at maisagawa sa pamamaraang interdisiplinaryo, transparensiya at malaya sa lahat ng pang-ekonomiko at pampulitikang presyon. Dapat nakaugnay ito sa pag-aaral sa mga kalagayan sa paggawa at posibleng epekto sa kalusugang pampisikal at pangmental ng mamamayan, sa lokal na ekonomiya at sa kaligtasan ng publiko. Kaya ang mga pang-ekonomyang pagbawi'y makatotohanang matataya, na isinasaalang-alang ang mga potensyal na senaryo at ang mga napapanahong pangangailangan para sa higit pang pamumuhunan upang maiwasto ang mga posibleng di-inaasahang epekto. Dapat marating ang konsensus sa pagitan ng iba't ibang magkakabakas, na makapagbibigay ng samo't saring pagtugon, solusyon at alternatiba. Dapat may ispesyal na pwesto sa talahanayan ang lokal na populasyon; inaalala nila ang kanilang sariling kinabukasan at ng kanilang mga anak, at maaaring isaalang-alang ang mga layuning lumalampas sa agarang pang-ekonomyang interes. Dapat huimnto na tayong isipin sa mga tuntunin ng "pakikialam" upang sagipin ang kapaligiran bilang pabor sa mga polisiyang binuo at pinagdebatihan ng lahat ng mga interesadong panig. Ang pakikilahok ng huli ay nagsasangkot din sa pagiging lubusang nabigyang kaalaman tungkol sa ganitong mga proyekto at ang iba't ibang mga panganib at posibilidad nito; kabilang dito di lang ang mga paunang desisyon kundi pati na rin ang iba't-ibang sumunod na mga aktibidad at patuloy na pagsubaybay. Kinakailangan ang katapatan at katotohanan sa mga talakayang pang-agham at pampulitika; di ito dapat malimitahan sa isyu kung pinahihintulutan ba ng batas ang isang partikular na proyekto o hindi.

184. Sa harap ng mga posibleng panganib sa kapaligiran na maaaring makaapekto sa pangkalahatang kabutihan sa kasalukuyan at sa hinaharap, ang mga desisyon ay dapat ginawa "batay sa paghahambing ng mga panganib at benepisyong naki-kinita para sa iba't ibang mga posibleng alternatibo". [131] Lalo na kung iyan ang kaso kapag ang isang proyekto ay maaaring humantong sa mas matinding paggamit sa mga likasyaman, mas mataas na antas ng emisyon o pagtatapon, pagdami ng basura, o may makabulugang pagbabago sa tanawin, sa mga tahanan ng mga protektadong espésye o pampublikong mga espasyo. Ang ilang proyekto, kung di sapat na napag-aralan, ay maaaring malalim na makaapekto sa kalidad ng buhay ng isang lugar dahil sa naiibang mga salik tulad ng di inaasahang polusyon sa ingay, ang paglubog ng nakikitang kaligiran, ang pagkawala ng kabutihan ng kultura, o ang mga epekto ng paggamit ng enerhiyang nukleyar. Nagiging maalwan sa kultura ng konsyumerismo, na inuuna ang madaling ganansya at pribadong interes, na tatakan na lamang ang mga awtorisasyon o upang magtago ng impormasyon. 

185. Sa anumang talakayan hinggil sa isang mungkahing pakikipagsapalaran, ilang mga usapin ang dapat itanong upang mapagnilayan kung ito'y nakapag-aambag ba o hindi sa tunay na kinakailangang pag-unlad. Ano ang magagawa nito? Bakit? Saan? Kailan? Paano? Para kanino? Ano ang mga panganib? Magkano ang mga gugulin? Sino ang mga magbabayad ng guguling iyon at paano? Sa ganitong pagninilay, dapat na magkaroon ng mas mataas na prayoridad ang ilang usapin. Halimbawa, batid nating di sapat ang tubig na kailangang-kailangang likasyaman at isang pangunahing karapatan na nagbibigay katwiran sa paggampan ng iba pang karapatang pantao. Ang hindi mapag-aalinlanganang katotohanang ito'y sasapaw sa iba pang pagtatasa sa epektong pangkapaligiran sa isang rehiyon.

Itutuloy...

Lunes, Agosto 10, 2015

talata 176-180

II. PAG-UUSAP PARA SA MGA BAGONG POLISIYANG PAMBANSA AT LOKAL

176. Hindi lamang may mga panalo at natalo sa pagitan ng mga bansa, kundi sa mismong mga mahihirap na bansa. Kaya kinakailangang matukoy ang iba't ibang pananagutan. Hindi na simpleng matutugunan lamang ang mga usaping kaugnyan sa kapaligiran at pang-ekonomyang pag-unlad sa pananaw ng pagkakaiba-iba ng pagitan ng mga bansa; nananawagan din sila ng mas malawak na atensyon sa mga patakaran sa antas pambansa at lokal.

177. Kung isasaalang-alang ang totoong potensyal upang maling magamit ang kakayahan ng tao, hindi na mapagsasawalang bahala ng mga indibidwal na estado ang kanilang pananagutan sa pagpaplano, koordinasyon, pangangasiwa at pagpapatupad sa loob ng kani-kanilang mga hangganan. Paano mapaplano at papoprotektahan ng isang lipunan ang kinabukasan nito sa gitna ng patuloy na pagbubuo ng mga inobasyong pangteknolohiya? Isang mapanghahawakang pinagmumulan ng pangangasiwa at koordinasyon ay ang batas, na siyang naglatag ng mga patakaran para sa katanggap-tanggap na gawi na hinggil sa kabutihang panlahat. Ang mga limitasyong dapat ipataw ng isang malusog, matanda na at malayang lipunan ay yaong may kaugnayan sa pag-intindi sa hinaharap at seguridad, kagawiang pinatakaran, napapanahong pagpapatupad, ang pagwawaksi sa katiwalian, epektibong mga tugon sa mga di kanais-nais na di inaasahang epekto ng mga proseso ng produksyon, at angkop na pakikialam kung saan may sangkot nang mga potensyal o di tiyak na panganib. May isang lumalagong batas na humaharap sa pagbabawas ng polusyon sa pamamagitan ng gawaing pangkalakalan. Ngunit hindi umiiral ang mga balangkas pampulitika at institusyonal upang maiwasan lamang ang mga masamang nakagawian, ngunit upang itaguyod na rin ang mga pinakamahuhusay na kagawian, upang pasiglahin ang pagkamalikhain sa paghahanap ng mga bagong solusyon at upang tumulong sa insiyatiba ng mga indibidwal o pangkat.

178. Nahihimok na magsagawa ng pangmabilisang paglago ang pulitikang nag-iisip ng agarang resulta, na sinusuportahan ng mga sektor ng tagakonsumo sa populasyon. Bilang tugon sa interes na panghalalan, nag-aatubili ang mga pamahalaan na mabalisa ang publiko ng mga hakbanging makaaapekto sa antas ng pagkonsumo o magkaroon ng panganib para sa dayuhang pamumunuhunan. Inaantala ng mahinang pagtingin sa kapangyarihang pampulitika ang pagsama ng masinop na dyendang pangkapaligiran sa loob ng pangkalahatang adyenda ng mga pamahalaan. Kaya nakakaligtaan nating "mas masaklaw ang panahon kaysa espasyo", [130] na tayo'y mas laging epektibo kapag bumubuo tayo ng prosesp kaysa tanganan ang mga panunungkulan sa kapangyarihan. Nahahayag ang totoong kasanayang pambayan kapag, sa mga panahon ng kahirapan, itinataguyod natin ang mga dakilang prinsipyo at mag-iisip ng pangmatagalang pangkalahatang kagalingan. Hindi ito nakikitang madali ng mga kapangyarihang pampulitika sa gawain ng pagbubuo ng bansa.

179. Sa ilang pook, isinusulong ang mga kooperatiba upang samantalahin ang mga nababagong pinagkukunan ng enerhiya upang tiyakin ang lokal na sariling kasapatan at maging ang pagbebenta ng labis na enerhiya. Ang simpleng halimbawang ito'y nagpapakitang, habang pinatutunayan ng umiiral na kaayusan ang kawalan nito ng kapangyarihang tindigan ang pananagutan nito, may magagawang tunay na kakaiba ang mga lokal na indibidwal at mga pangkat. Naihahasik nila ang mas malawak na kahulugan ng pananagutan, matinding kahulugan ng bayanihan, kahandaang maprotektahan ang kapwa, diwa ng pagkamalikhain at malalim na pag-ibig sa tinubuang lupa. Iniisip din nila kung anong kanilang maipapamana sa kanilang mga anak at mga apo. Ang mga mabubuting kaugaliang ito'y malalim na nakaugat sa mga katutubo. Dahil ang pagpapatupad ng batas ay paminsan-minsang hindi angkop dahil sa katiwalian, dapat igiit ang pagpwersa ng publiko upang maisagawa ang mapagpasyang aksyong pampulitika. Ang lipunan, sa pamamagitan ng mga samahang di-pampamahalaan (NGOs) at mga pangkat tagapamagitan, ay dapat maggiit sa mga gobyerno na isulong ang mas mahigpit na regulasyon, pamamaraan at mga kontrol. Hangga't hindi nakokontrol ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika - pambansa, pangrehiyon at pambayan - di magiging posible ang pagkontrol ng pinsala sa kapaligiran. Mas epektibo rin ang mga lokal na batas, kung may mga kasunduang umiiral sa pagitan ng mga kalapit na pamayanang sumusuporta sa parehong mga patakarang pangkapaligiran.

180. Walang mga magkakatulad na resipe, dahil ang bawat bansa o rehiyon ay may sariling mga problema at mga limitasyon. Totoo rin na ang realismong pampulitika ay maaaring manawagan ng transisyunal na mga hakbangin at mga teknolohiya, basta't kasama nito ang unti-unting pagbabalangkas at pagtanggap ng mga umiiral na obligasyon. Kasabay nito, sa pambansa at lokal na antas, kayrami pang dapat gawin, tulad ng pagtataguyod ng mga pamamaraan ng pagtitipid ng enerhiya. Kasama rito ang pagpabor sa anyo ng produksyong pang-industriya na may maksimum na kahusayan ng enerhiya at ang maliitan nang paggamit ng mga hilaw na materyales, inaalis sa pamilihan ang mga produktong hindi gaanong mahusay sa enerhiya o mas nakakapagparumi, pagpapabuti ng sistema ng transportasyon, at paghihikayat ng pagtatayo at pagkukumpuni ng mga gusali na may layuning bawasan ang pagkonsumo ng mga ito ng enerhiya at ang antas ng polusyon. Ang mga pampulitikang gawain sa lokal na antas ay maaari ding akayin tungo sa pagbabago ng pagkonsumo, pagbubuo ng ekonomya ng pagtatapon ng basura at pagreresiklo, pagprotekta ng mga tiyak na espésye at pagpaplano ng isang samutsaring agrikultura at ang pagpapalit-palit ng mga pananim. Ang agrikultura sa mas mahihirap na rehiyon ay maaaring mapabuti sa pamamagitan ng pamumuhunan sa imparstrukturang pangnayon, isang mas mahusay na samahan ng mga lokal o pambansang pamilihan, mga sistema ng patubig, at ang pagbubuo ng mga pamamaraan ng sustenableng agrikultura. Maaaring humikayat ng mga bagong anyo ng kooperasyon at samahang pampamayanan upang maipagtanggol ang interes ng maliliit na manlilikha at mapangalagaan ang mga lokal na ekosistema mula sa pagkawasak. Tunay nga, kayrami pang magagawa!

Itutuloy...

Miyerkules, Agosto 5, 2015

talata 171-175

171. Ang istratehiya ng pagbili at pagbebenta ng mga "carbon credit" ay maaaring humantong sa isang bagong anyo ng haka-hakang pagtingin o ispekulasyon na hindi makakatulong sa pagbabawas ng dapog o emisyon ng maruming gas sa buong mundo. Ang sistemang ito animo'y nagbibigay ng mabilis at madaling solusyon sa pagkukunwaring may tiyak na pangakong gagawin sa kapaligiran, ngunit di kayang pahintulutan ang mga marahas na pagbabago na kinakailangan ng kasalukuyang kalagayan. Kundi, baka ito'y simpleng pakana na nagpapahintulot ng pagpapanatili ng labis-labis na pagkonsumo ng ilang mga bansa at saray.

172. Para sa mga mahihirap na bansa, ang prayoridad ay dapat mapawi ang napakatinding kahirapan at pagtataguyod ng panlipunang pag-unlad ng kanlang mamamayan. Kasabay noon, dapat nilang kilalanin ang nakakahiyang antas ng pagkonsumo ng ilang may pribilehiyong sektor sa kanilang populasyon at sa paglaban sa katiwalian nang mas epektibo. Gayundin naman, sila'y patungo sa pagbuo ng di gaanong nagpaparuming anyo ng produksyon ng enerhiya, ngunit upang magawa ito kinakailangan nila ang tulong ng mga bansang nakaranas na ng malaking pag-unlad sa kapinsalaan ng patuloy na polusyon ng planeta. Ang pagkuha ng bentahe ng masaganang enerhiyang solar ay nangangailangan ng pagbubuo ng mga mekanismo at subsidyong magpapahintulot sa mga papaunlad na bansa na magkaroon ng naililipat na teknolohiya, tulong teknikal at mapagkukunang pinansyal, ngunit sa pamamaraang iginagalang ang kanilang kongkretong kalagayan, pagkat "ang pagkakatugma ng [imprastruktura] sa konteksto kung saan dinisenyo ang mga ito na hindi palaging angkop na natatasa". [128] Ang halaga nito'y magiging mababa, kung ikukumpara sa panganib na dulot ng pagbabago sa klima. Sa anumang pangyayari, ang mga ito'y pangunahing pagpapasiyang etikal, na nag-uugat sa pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng tao.

173. Agarang kinakailangan ang mga maaaring gawing pandaigdigang kasunduan, dahil hindi laging kayang epektibong makialam ang mga lokal na awtoridad. Ang ugnayan sa pagitan ng mga estado ay dapat gumagalang sa kalayaan ng bawat isa, subalit dapat maglatag din ng kapwa sinang-ayunang pamamaraan ng pag-iwas sa mga kalamidad sa rehiyon na sa huli'y makakaapekto sa lahat. Ang mga pandaigdigang pinatakarang kaugalian ay kinakailangan upang maipataw ang mga pananagutan at mapigilan ang mga hindi katanggap-tanggap na mga kilos, halimbawa, kapag nagtapon na ng mga kontaminadong basura ang mgamakapangyarihang kumpanya o mga ndustriyang nagpaparumi sa mga pook na malayo sa dalampasigan sa ibang mga bansa.

174. Banggitin din natin ang sistema ng pamamahala sa mga karagatan. Umiiral ang iba't ibang mga pandaigdigan at pangrehiyonal na kumbensyon, ngunit ang pagkapira-piraso at ang kakulangan ng istriktong mekanismo ng regulasyon, kontrol at kaparusahan na humahantong sa pagbalewala sa ganitong mga pagsisikap. Kinakatawan ng lumalagong problema ng mga basura sa katubigan at sa proteksyo ng lantad na karagatan ang mga partikular na hamon. Ang kinakailangan, sa epekto, ay isang kasundugan ng mga sistema ng pamamahala para sa buong nasasaklaw ng "daigdigang panlahat".

175. Ang katulad ng pag-iisip na nakaharang sa paggawa ng kinakailangang mga pasiya upang baligtarin ang kalakaran ng pag-iinit ng mundo ay nakaharang din sa pagkakamit ng layuning mapawi ang kahirapan. Ang isang mas responsableng pangkalahatang pagtugon ang kinakailangan sa kinakaharap na mga problema: ang pagbabawas ng polusyon at ang pagpapaunlad ng mas mahihirap na bansa at rehiyon. Nasasaksihan ng ikadalawampu't isang siglo, habang pinananatili ang sistema ng pangangasiwang namana nito sa nakaraan, ang panghihina ng kapangyarihan ng mga nasyon-estado, pangunahin dahil sa mga sektor pang-ekonomya at pampinansya, na dahil transnasyunal, ay maaaring mangibabaw sa pampulitika. Sa mga ganitong kalagayan, mahalagang magsagawa ng mas malakas at mas mahusay na mga organisadong institusyong pang-internasyunal, kung saan ang mga responsable ay patas na itinalaga sa pamamagitan ng mga kasundigan sa pagitan ng mga pambsang pamahalaan, at binigyan ng kapangyarihang magpataw ng parusa. Tulad ng pinagtibay ni Benedict XVI sa pagpapatuloy ng mga katuruan ng Simbahan: "Upang pangasiwaan ang pandaigdigang ekonomya; upang pasiglahin ang mga ekonomyang tinamaan ng krisis; upang maiwasan ang anumang pagkasira ng kasalukuyang krisis at ang ibubungang mas matinding kawalan ng balanse; ang magdala ng makabuluhan at napapanahong pag-aalis ng mga armas, seguridad sa pagkain at kapayapaan; upang tiyakin ang proteksyon ng kapaligiran at upang ayusin ang mga paglikas: sa lahat ng ito, may agarang pangangailangan ng isang totoong pandaigdigang pampulitikang awtoridad, tulad ng ipinahiwatig ilang taon na ang nakararaan ng nauna sa aking Banal na Juan XXIII". [129] Nagkaroon din ng bagong importansya ang diplomasya sa pagbubuo ng mga pandaigdigang istratehiya na maaaring mahulaan ang mga malulubhang suliraning nakaaapekto sa ating lahat.

Itutuloy...