Huwebes, Hulyo 9, 2015

talata 111-115

111. Hindi mapapaliit ang kulturang pang-ekolohiya sa serye ng agaran at unti-unting pagtugon sa mga kagyatang problema ng polusyon, pagkabulok na pangkapaligiran at ang pagkasira ng likasyaman. Kailangan ng natatanging paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, isang paraan ng pag-iisip, mga polisiya, programang pang-edukasyon, estilo ng pamumuhay at ispiritwalidad na sama-samang bubuo ng pagtutol sa pag-atake ng teknokratikong modelo. Kung hindi, kahit na ang pinakamahusay na pang-ekolohiyang inisyatiba ay makikitang naiipit din sila sa kaparehong pandaigdigang lohika. Ang maghanap lamang ng teknikal na remedyo sa bawat lumitaw na problemang pangkalikasan ay paghiwalay sa kung anong sa reyalidad ay magkakakonekta at ikubli ang totoo at pinakamalalim na problema ng pandaigdigang sistema.


112. Gayunman muli nating lalawakan pa ang ating pananaw. May kalayaan tayong kinakailangan upang takdaan at pangasiwaan ang teknolohiya; magagamit natin ito upang magsilbi sa iba pang tipo ng progreso, kung saan mas malusog, mas makatao, mas panlipunan, mas makabuluhan. Paminsan-minsan naman ay nagaganap ang kalayaan mula sa nangingibabaw na teknokratikong modelo, halimbawa, kapag ginamit na ng kooperatiba ng mga maliliit na tagalikha ang di nagpaparuming moda ng produksyon at pinili ang hindi pangkonsumong modelo ng pamumuhay, libangan at pamayanan. O kaya'y kapag ang teknolohiya'y pangunahing nakadirekta sa paglutas ng mga kongkretong problema ng tao, na totoong nakakatulong sa kanila upang mabuhay ng mas marangal at di gaanong nagdurusa. O kaya naman kapag ang pagnanais na makalikha at mapagnilayan ang kariktan ay mapaglabanan ang reduksyunismo sa pamamagitan ng isang uri ng kaligtasang nagaganap sa kariktan at sa mga nagmamasid dito. Isang tunay na sangkatauhan, na nananawagan ng isang bagong sintesis, ay tila baga nananahan sa gitna ng ating kulturang panteknolohiya, na halos di pansin, tulad ng ambong marahang tumutulo sa ilalim ng isang pintuang nakapinid. Tatagal ba ang pangako, sa kabila ng lahat, kung saan lahat ng matwid ay nagsisipagbalikwas sa matinding pagtutol? 


113. Nariyan din ang katotohanang ayaw na ng taong maniwala sa isang masayang kinabukasan; wala na silang bulag na pagtitiwala sa isang mas magandang bukas batay sa kasalukuyang kalagayan ng mundo at ng ating teknikal na kakayahan. Nariyan na rin ang lumalagong kamalayan na ang siyentipiko at panteknolohiyang pag-unlad ay hindi maaaring ihambing sa pagsulong ng sangkatauhan at ng kasaysayan, isang lumalagong kamalayan na nakasalalay saanman ang daan patungo sa mas magandang bukas. Ito'y hindi upang tanggihan ang mga posibilidad na patuloy na iniaalok sa atin ng teknolohiya. Subalit malaki ang ipinagbago ng sangkatauhan, at ang pagkaipon ng patuloy na mga bagong karanasan ang nag-angat sa mga panlabas na anyong humihila sa atin patungo sa isang direksyon. Magiging mahirap ang sandaling paghinto at mabawi ang kalaliman sa buhay. Kung sumasalamin sa arkitektura ang diwa ng isang panahon, ang ating mga dambuhalang istruktura at mapapanglaw na silid ang nagpapahayag ng diwa ng daigdigang teknolohiya, kung saan ang patuloy na pagbaha ng mga bagong produkto ay umiiral kasabay ng isang nakababagot na iisang kalakaran. Huwag natin itong bitawan, at patuloy tayong mamangha sa layunin at kahulugan ng samutsaring bagay. Kung hindi'y binibigyang katwiran lang natin ang kasalukuyang kalagayan at kailangan natin ng bagong anyo ng pagtalikod sa katotohanan upang makatulong sa ating tiisin ang kawalan.


114. Ipinapakita ng lahat ng ito ang kagyat na pangangailan nating sumulong na patungo sa isang mapangahas na rebolusyong pangkultura. May kinikilingan ang agham at teknolohiya; mula sa umpisa hanggang sa matapos ang isang proseso, samutsaring layunin ang nagaganap at nagkakaroon ng iba't ibang hugis. Walang nagmumungkahing bumalik tayo sa Panahon ng Bato, ngunit dapat magdahan-dahan tayo at masdan ang reyalidad sa ibang paraan, upang makaangkop sa mga positibo at sustenableng progresong naisagawa, kundi upang bawiin din ang mga kaugalian at mga dakilang layuning naitaboy palayo ng ating di masawatang kahibangan sa karangalan.


III. ANG KRISIS AT EPEKTO NG MODERNONG ANTOPOSENTRISMO


115. Ang modernong antroposentrismo'y balintunang nagdulo sa pagpapahalaga sa kaisipang teknikal kaysa reyalidad, pagkat "nakikita ng isipang teknolohikal ang kalikasan bilang isang walang buhay na kaayusan, isang malamig na lupon ng katotohanan, na basta 'nariyan na lang', bilang isang kasangkapang nagagamit, bilang hilaw na materyales na mapupukpok sa kapaki-pakinabang na hugis; tinitingnan nito ang kalawakan kapara ng 'espasyo' lang kung saan maitatapon ang mga bagay ng may ganap na pagwawalang-bahala". [92] Kaya nalagay sa alanganin ang tunay na dignidad ng mundo. Kapag nabigo ang sangkatauhang makita ang kanilang tunay na kinalalagyan sa mundo, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili at humahantong sila sa pagkilos laban sa kanilang sarili. "Hindi lang ibinigay ng Diyos ang daigdig sa tao, na dapat gumamit dito ng may paggalang sa totoong magandang layuning ipinagkaloob dito, ngunit, ang tao ay kaloob din ng Diyos sa kapwa tao. Kaya dapat niyang igalang ang likas at mabuting kaayusang ipinagkaloob sa kanya". [93]


Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento