Martes, Hulyo 7, 2015

talata 101-105

IKATLONG KABANATA


ANG PINAG-UGATANG PANTAO NG KRISIS SA EKOLOHIYA


101. May kahirapang mailawaran ang mga sintomas kung walang pagkilala sa pinagmulang kagagawan ng tao hinggil sa krisis sa ekolohiya. Naging pilipit na ang ilang paraan ng pagkakaunawa sa buhay at gawain ng tao, na naging dahilan ng malubhang kapinsalaan ng ating mundo. Tumigil muna kayâ tayo sandali at pagnilayan ito? Sa yugtong ito, iminumungkahi kong pagtuunan natin ang nangingibabaw na teknokratikong modelo at ang kinatatayuan ng sangkatauhan at ng gawain ng tao sa mundo.


I. ANG TEKNOLOHIYA, PAGKAMALIKHAIN AT KAPANGYARIHAN


102. Pumasok na ang sangkatauhan sa bagong yugto kung saan ang ating teknikal na kadalubhasaan ang nagdala sa atin sa sangangdaan. Tayo ang mga benepisyaryo ng dalawang siglo ng malalaking daluyong ng pagbabago: ang aparato ng singaw, ang daangbakal, ang telegrapo, kuryente, mga awto, eroplano, industriya ng kemikal, modernong medisina, teknolohiya ng impormasyon at, nito lamang, ang rebolusyong didyital, robotika, bayoteknolohiya, at nanoteknolohiya. Tama lamang na magsaya sa mga pag-unlad na ito at maging masigla sa napakalawak na mga posibilidad kung saan patuloy silang nagbubukas bago tayo, pagkat "ang agham at teknolohiya ay mga nakamamanghang produkto ng pagkamalikhaing kaloob ng Diyos sa tao". [81]. Ang modipikasyon ng kalikasan para sa layuning kapaki-pakinabang ay nagpatanyag sa pamilya ng tao mula sa umpisa; ang mismong teknolohiya'y "nagpapahayag ng panloob na tensyon na nagtulak sa tao na unti-unting pagtagumpayan ang mga materyal na limitasyon". [82] nalutas ng teknolohiya ang di mabilang na kasamaan na ginamit upang makapinsala at malimitahan ang sangkatauhan. Paanong hindi natin mararamdamang magpasalata at pahalagahan ang mga pag-unlad na ito, lalo na sa larangan ng medisina, pagiinhinyero, at komunikasyon? Paanong hindi natin kikilalanin ang ginawa ng maraming mga siyentipiko at inhinyero na nagbigay ng mga alternatibo upang mangyari ang sustenableng pag-unlad?


103. Pag napangasiwaan ng tama, makalilikha ang teknosiyensya ng mahahalagang pamamaraan ng pagpapahusay ng kalidad ng buhay ng tao, mula sa kapaki-pakinabang na mga domestikong kagamitan hanggang sa malalaking sistema ng transportasyon, mga tulay, mga gusali at mga pampublikong lugar. Nakalilikha rin ito ng sining at nalulong din ang mga tao sa materyal na mundo upang "makalundag" sa mundo ng kariktan. Sinong tatanggi sa rikit ng isang sasakyang panghimpapawid o napakatayog na gusali? Gumagamit na rin ng mga bagong teknolohiya ang mga mahahalagang gawa ng sining at musika. Kaya, ang rikit na inilaan ng isang gumagamit ng mga bagong instrumentong teknikal at sa pagninilay sa gayong kariktan, nangyayari ang isang kabuuang paglundag, na nagreresulta sa isang kaganapang natatangi sa tao. 


104. Gayunman, dapat din nating matantong ang enerhiyang nukleyar, bayoteknolohiya, teknolohiya ng impormasyon, kaalaman ng ating DNA, at iba pang kakayahang nakamit natin, ang nagbigay sa atin ng matinding kapangyarihan. Mas tiyak, ibinigay nila sa mga may kaalaman, at lalo na sa likasyamang pang-ekonomya na magagamit nila, ang nakakapukaw na pangingibabaw nila sa buong sangkatauhan at sa buong mundo. Hindi pa nagkakaroon ng gayong kapangyarihan ang sangkatauhan para pangibabawan ang sarili, ngunit walang nagtiyak na magagamit ito ng tama, lalo na kung isasaalang-alang natin kung paano ito ginagamit sa kasalukuyan. Kailangan nating isipin ang pagbagsak ng mga bombang nukleyar sa kalagitnaan ng ikadalawampung siglo, o ang pagtanggal sa teknolohiya kung saan ang mga ito'y ginamit ng Nazismo, Komunismo at iba pang rehimeng totalitaryano upang pumatay ng milyun-milyong tao, ang walang masabi sa paparaming lagakan ng nakamamatay na sandatang mayroon para sa modernong digmaan. Nakaninong mga kamay nakasalalay ang mga kapangyarihang ito, o ito'y basta na lang magwawakas? Lubhang mapanganib kung magkakaroon nito ang iilang pulutong lang ng tao.


105. May kagawiang paniwalaang ang bawat pagtaas ng antas ng kapangyarihan ay mangahulugang "paglaki ng mismong kaunlaran", isang pag-abante sa "seguridad, pagiging kapaki-pakinabang, kapakanan at kalakasan; ... ang pagkaunawa sa mga bagong kabuluhan sa daloy ng kultura', [83] na tila baga ang reyalidad, kabutihan at katotohanan ay kusang dumadaloy mula sa naturang panteknolohiya at pang-ekonomyang kapangyarihan. Ang totoo'y ang "kotemporaryong tao ay hindi nasanay kung paano gamitin ang kapangyarihan ng wasto", [84] sapagkat ang napakalawan nating kaunlarang panteknolohiya ay hindi nalalangkapan ng pagsulong sa pananagutan, kaugalian at budhi ng tao. Ang bawat panahon ay nagkakaroon lang ng kaunting kamalayan sa kanyang sariling mga limitasyon. Maaaring hindi pa natin nagagagap ang kabigatan ng mga kinakaharap nating hamon. Lumalaki ang panganib sa araw-araw na hindi ginagamit ng tao ang kanyang kapangyarihan ng tamâ"; ang epekto, "hindi naisasaalang-alang ang kapangyarihan kung pag-uusapan ang pananagutan sa pagpipilian na likas sa kalayaan" dahil ang "tanging pamantayan ay kinuha mula sa di umano'y pangangailangan, mula sa alinman sa pagiging gamit o katiyakan nito". [85] Ngunit hindi ganap na nakapagsasarili ang tao. Naglalaho ang ating kalayaan kapag napasakamay ito ng bulag na pwersa ng kawalang malay, ng kagyat na pangangailangan, ng sariling interes, at ng karahasan. Sa ganitong dahilan, hubad tayo at nalalantad sa harap ng ating papalaking kapangyarihang kapos sa kakayahang makontrol ito. May mga ilan tayong mabababaw na pamamaraan, ngunit hindi natin masasabing mayroon tayong masiglang etika, isang kultura at ispiritwalidad na totoong kayang magtakda ng limitasyon at magturo sa malinaw na isip ng pagpipigil sa sarili.


Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento