Sabado, Hulyo 4, 2015

talata 76-80

III. ANG MISTERYO NG SANLIBUTAN

76. Sa tradisyong Judaeo-Kristyano, ang salitang "paglikha" ay may mas malawak na kahulugan kaysa "kalikasan", dahil may kinalaman ito sa magiliw na plano ng Diyos kung saan bawat nilikha ay may sariling halaga at kabuluhan. Ang kalikasan ay karaniwang nakikita bilang isang sistemang napag-aaralan, nauunawaan at napamamahalaan, samantala ang paglikha naman ay nanununawaan bilang isang kaloob mula sa nakadipang kamay ng Ama ng lahat, at bilang reyalidad ay natatanglawan ng pag-ibig na nananawagan ng sama-sama sa atin patungo sa panglahatang pagkakaisa.

77. "Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nayari ang langit" (Ps 33:6). Ipinahahayag nito sa atin na nabuo ang mundo bilang resulta ng isang desisyon, hindi mula sa kaguluhan o nagkataon lang, at mas higit itong dinarakila. Ang nilikhang salita ay nagpapahayag ng malayang pagpapasya. Ang sanlibutan ay hindi lumitaw bilang resulta ng hindi makatwirang kapangyarihan, pagpapakita ng lakas o pagnanais na igiit ang sarili. Ang paglikha'y nasa kaayusan ng pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ang pangunahing kalakasan sa lahat ng bagay na nilikha: "Pagkat minahal mo ang lahat ng bagay na umiiral, at wala kang kinamuhian sa lahat ng bagay na iyong ginawa; pagkat hindi mo lilikhain ang anumang iyong kinamumuhian" (Wis 11:24). Kaya ang bawat nilikha ang siyang pakay ng pagkagiliw ng Ama, at inilatag ang kinalalagyan nito sa mundo. Kahit ang panandaliang buhay ng pinakamababa mang nilikha ang siyang pakay ng kanyang pagmamahal, at kahit sa ilang saglit na pag-iral, nilulubos ng Diyos ang pagmamahal dito. Si San Basilio ang Dakila ay inilarawan ang Lumikha bilang "hindi masukat na kabutihan", samantalang sinabi ni Dante Alighieri ang "pag-ibig na nagpagalaw sa araw at mga bituin". [45] Samakatwid, maaari tayong pumaitaas mula sa mga bagay na niliha "patungo sa kadakilaan ng Diyos at sa kanyang mapagmahal na kahabagan". [46]

78. Kasabay nito, iniisip ng mga Judaeo-Kristyano ang muling pagpapaliwanag sa kalikasan. Habang patuloy na humahanga sa dingal at kalawakan nito, hindi na nito nakikitang banal ang kalikasan. Pag ginawa ito, binibigyang-diin nito ang higit pang panaangutan ng tao sa kalikasan. Ang muling pagkatuklas na ito sa kalikasan ay hindi na dahil sa kalayaan at pananagutan ng tao, na bilang bahagi ng mundo, ay may tungkuling linangin ang kanilang abilidad upang protektahan ito at paunlarin ang kakayahan nito. Kung kinikilala natin ang kahalagahan at karupukan ng kalikasan at, kasabay nito, ang kakayahang ipinagkaloob ng sa atin ng Diyos, maaari na nating iwan ang modernong alamat ng walang-katapusang materyal na pag-unlad. Isang marupok na mundo, na ipinagkatiwala ng Diyos sa pag-iingat ng tao, ay humahamon sa ating magbalangkas ng matalinong pamamaraan ng pangangasiwa, pagpapaunlad at pagtatakda ng ating kalakasan.

79. Sa sanlibutang ito, na inugit ng bukas at nakapagbabatirang sistema. maaari nating unawaan ang di mabilang na anyo ng ugnayan at pakikilahok. Inaakay tayo nitong isipin ang kabuuan bilang bukas sa transendensya ng Diyos, kung saan ito yumayabong. Pinahihintulutan tayo ng pananampalataya upang ipaliwanag ang kahulugan at di malirip na kagandahan ng kung anong naisisiwalat. Malaya tayong gamitin ang ating talino sa mga bagay na positibong umuusbong, o kaya'y pagdaragdag ng bagong sakit, bagong dahilan ng pagdurusa at totoong dagok. Ito ang nangyayari upang ang kagalakan at dula ng kasaysayan ng tao, kung saan ang kalayaan, paglago, kaligtasan at pag-ibig ay mamumulaklak, o tutungo sa panghihina o pagkasira ng isa't isa. Hinahagilap ng gawain ng Simbahan hindi lamang ang paalalahanan ang bawat isa ng tungkulin sa pangangalaga sa kalikasan, kundi kasabay nito'y "sa pangkalahatan ay dapat niyang protektahan ang tao mula sa sarili nitong pagkasira". [47]

80. Subalit ang Diyos, na nagnanais na gumawa kasama tayo at umaasa sa ating pakikipagtulungan, ay mailalabas ang kabutihan mula sa kasamaang ginawa natin. "Sinasabing mayroong walang katapusang pagkamalikhain ang Banal na Espiritu, na angkop sa banal na kaisipan, na batid kung paano luluwagan ang pisi ng pakikipag-ugnayan ng tao, kasama na ang pinakamasalimuot at hindi maunawaan". [48] Nilikha ang mundong nangangailangan ng pag-unlad, sa ilang paraan ay tinakdaan ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamaraang ang karamihan ng mga bagay na iniisip nating masamâ, mapanganib o pinagmumulan ng pagdurusa, sa katotohanan ay bahagi ng sakit ng pagkasilang na ginagamit niya upang dalhin tayo upang makipagtulungan sa Lumikha. [49] Lubusang naroroon ang Diyos sa bawat nilikha, nang hindi nakikialam sa pagsasarili ng kanyang nilikha, at nagpalitaw ito sa nararapat na awtonomya ng mga ugnayan sa mundo. [50] Ang kanyang banal na presensya, na nagtitiyak sa ikabubuhay at paglago ng bawat nilikha, "ay ipinagpapatuloy ang mga ginawa ng paglikha". [51] Pinunô ng Espiritu ng Diyos ang sanlibutan ng mga posibilidad at kaya, mula sa puso ng mga bagay-bagay, may mga bagong laging lilitaw: "Ang kalikasan ay walang iba kundi isang uri ng sining, na tinatawag na sining ng Diyos, na itinanim sa maraming bagay, kung saan ang mga bagay na iyon ay tumungo sa isang takdang wakas. Ito'y tila baga mga gumagawa ng barko na binigyan ang troso ng kakayahang kumilos ng kusa upang magsaanyong barko". [52]

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento