Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 86-90

86. Ipinapakita ng sanlibutan sa kabuuan, sa lahat ng masagana nitong ugnayan, ang hindi masasaid na yaman ng Diyos. Matalinong itinalâ ni Santo Tomas Aquinas ang pagkarami-rami at pagkakaiba-iba "ay nanggagaling mula sa layunin ng unang kinatawan" na nagnanais na "kung ano ang kapos sa isa  sa representasyon sa banal na kabutihan ay maaaring ibigay ng iba", [60] hangga't ang kabutihan ng Diyos "ay hindi kayang angkop na katawanin ng iba pang nilalang". [61] Kaya dapat nating maunawaan ang samutsaring bagay sa kanilang maramihang relasyon. [62] Mas nauunawaan nating mabuti ang kahalagahan at kahulugan ng bawat nilalang kung pagninilayan nating kabilang sila sa kabuuan ng plano ng Diyos. Tulad ng itinuturo ng Katekismo: "Ninanais ng Diyos ang pagtutulungan ng sangnilikha. Ang araw at ang buwan, ang sedro at ang maliit na bulaklak, ang banoy at ang langay-langayan: ang tanawing ang kanilang hindi mabilang na samutsaring buhay at hindi nila pagkakapare-pareho ay nagsasabi sa ating walang nilalang na kayang makapag-isa. Nabubuhay ang bawat nilalang na umaasa sa bawat isa, upang maging ganap ang bawat isa, sa paglilingkod sa bawat isa". [63]

87. Kapag nakikita natin ang Diyos na sumasalamin sa lahat ng umiiral, napapakislot ang ating puso upang purihin ang Panginon dahil sa lahat ng kanyang nilalang at sambahin siya kaisa nila. Ang damdaming ito'y mahahagilap sa nakamamanghang pahayag sa awit ni San Francisco ng Assisi:

Purihin ka, aking Panginoon, kasama ang lahat ng iyong nilalang,
lalo na ang Kapatid na Araw,
na siyang adlaw at sa pamamagitan nito'y ibinigay mo ang liwanag.
At siya'y maganda at makinang ng may dakilang kariktan, 
at naglalatag ng pagkakatulad sa iyo, Kataas-taasan.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Buwan at mga bituin,
sa kalangitan ay inayos mo silang malinaw at natatangi at maganda.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Hangin,
at sa pamamagitan ng himpapawid, maulap at mapayapa, at sa bawat uri ng panahon
kung saan ibinigay mo ang ikabubuhay ng iyong mga nilalang.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Tubig,
na lubhang kapaki-pakinabang at mapagkumbaba at natatangi at malinis.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Apoy,
sa pamamagitan mo'y nagliliwanag ang gabi,
at siya'y maganda at mapaglaro at matipuno at malakas". [64]

88. Tinukoy ng mga obispo ng Brazil na ang kalikasan sa kabuuan ay hindi lamang ipinahahayag ang Diyos kundi batayan din ng kanyang presensya. Nananahan ang Espiritu ng buhay sa bawat nabubuhay na nilalang at tinatawag tayong pumasok sa pakikipagrelasyon sa kanya. [65] Ang pagkakatuklas sa presensyang ito ay umaakay sa atin upang linangin ang "mga kabutihang pang-ekolohiya". [66] Ito'y hindi para kaligtaan na may walang katapusang distanya sa pagitan ng Diyos at ng mga bagay sa mundong ito, kung saan hindi nag-aangkin ng kanyang kalubusan. Kung hindi'y wala tayong gagawing anumang maganda sa mga mismong nilalang, dahil mabibigo tayong kilalanin ang kanilang karapatan at angkop na kinalalagyan. Magtatapos lang tayong masyadong humihiling sa mga ito ng mga bagay, na dahil sa kanilang kaliitan, ay hindi nila maibibigay sa atin.

V. ISANG PANGKALAHATANG PAGKAKAISA

89. Ang mga bagay na nilikha sa mundong ito ay hindi malaya sa pag-aari: "Pagkat lahat ng iyon ay sa iyo, O Panginoon, na iniibig ang mga nangabubuhay" (Wis 11:26). Ito ang batayan ng ating paniniwalang, bilang bahagi ng sanlibutan, na tinawag ng isang Ama upang mabuhay, lahat tayo'y pinag-ugnay ng hindi nakikitang mga bigkis at magkasamang binuo ang isang uri ng pangkalahatang pamilya, isang dakilang pagkakaisa na nagpunô sa atin ng isang banal, magiliw at mapagkumbabang paggalang. Dito'y nais kong uliting "Pinaglapit tayong mabuti ng Diyos sa mundong ginagalawan upang madama natin ang pagkatuyo ng lupa na halos isa nang pisikal na karamdaman, at ang pagkalipol ng isang espésye bilang isang masakit na pagpapapangit". [67]

90. Ito'y hindi para hilahin ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa iisang antas o pagkaitan ang sangkatauhan ng kanilangnatatanging halaga at ang malaking pananagutang kaakibat nito. Hindi rin ito nagpapahiwatig ng pagkabanal ng daigdig na pipigil sa atin upang kumilos higgil doon at maprotektahan iyon sa kanyang karupukan. Hahantong ang gayong pagkaunawa sa paglikha ng mga bagong kawalan ng balanse na maglilihis sa atin mula sa reyalidad na humahamon sa atin. [68] Minsan, makakakita tayo ng pagkahumaling na pabulaanan ang anumang kadakilaan ng tao; mas maraming sagisag na ipinakikita sa pagprotekta ng iba pang espésye kaysa pagtatangol sa dignidad kung saan ibinabahagi ito ng buong sangkatauhan ng pantay-pantay. Kaya dapat tayong magmalasakit kung hindi'y hindi tatratuhin nang maganda ang iba pang nilalang. Ngunit dapat tayong lubusang magngitngit sa malaking hindi pagkakapantay-pantay na kinakaharap natin, kung saan patuloy nating pinahihintulutan ang ibang ang turing sa kanilang sarili'y mas karapat-dapat sila kaysa iba. Bigo tayong makita na ang iba'y nakukulapulan ng malubha at masamang kahirapan, nang walang malalabasan, habang ang iba'y wala ni bahagyang ideya kung anong gagawin sa kanilang pag-aari, na palalong nagpapakita ng kanilang inaakalang superyoridad, at nag-iwan ng laksa-laksang basura, na kung ito ang kaso sa maraming lugar, na makasisira sa planeta. Sa palagiang gawi, patuloy nating hinahayaan ang iba sa pagturing sa kanilang sarili na mas makatao sila kaysa iba, na tila baga isinilang silang may mas maraming karapatan kaysa iba.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento