Huwebes, Hulyo 2, 2015

talata 61-65

61. Sa maraming mga kongkretong usapin, ang Simbahan ay walang dahilang magbigay ng depinidong opinyon; alam niyang dapat hikayatin ang mga eksperto sa matapat na debate, habang iginagalang ang mga naiibang pananaw. Ngunit kailangan lang nating titigan ang mga katotohanan upang makitang ang tahanan nating lahat ay bumabagsak na sa malubhang pagkasira. Ipinakikita sa atin ng pag-asa na laging may paraan upang makalabas sa mga problemang ito, na lagi nating mababago ang ating mga hakbang, na lagi tayong may magagawa upang malutas ang ating mga suliranin. Nakakakita pa rin tayo ng mga palatandaan na umaabot na ang mga bagay sa mga punto ng pagkawasak, dahil sa mabilis na hakbang ng pagbabago at kalagayang marawal; maliwanag ito sa mga malalaking kalamidad, pati na rin sa panlipunan at pinansyal na krisis, sapagkat ang mga problema ng mundo'y hindi masusuri o maipaliliwanag ng nag-iisa. Maraming rehiyon ngayon ang nasa matinding panganib at, bukod sa lahat ng mga hula-hula ng pagkagunaw, ang kasalukuyang pandaigdigang sistema ay sadyang hindi sustenable kung pag-uusapan ang ilang mga pananaw, dahil tumigil na tayong mag-isip ng mga layunin ng aktibidad ng tao. "Kung pagmamasdan natin ang mga rehiyon ng ating planeta, agad nating makikitang binigo ng sangkatauhan ang inaasahan ng Diyos". [35]

IKALAWANG KABANATA

ANG EBANGHELYO NG PAGLIKHA

62. Bakit ang dokumentong ito, na ipinahahayag sa lahat ng taong may mabuting kalooban, ay nagsama ng kabanata hinggil sa paniniwala ng mananampalataya? Lubos kong nalalaman na sa larangan ng pulitika at pilosopiya naririyan ang mga taong pirming itinatanggi ang ideya ng isang Manlilikha, o itinuturing itong walang katuturan, at agad nang binabalewala bilang walang katwiran ang mayamang ambag na magagawa ng mga relihiyon tungo sa makabuluhang ekolohiya at sa ganap na pagsulong ng sangkatauhan. Ang iba naman ay tinitingnan lamang ang relihiyon bilang isang subkulturang dapat payagan. Gayunpaman, ang agham at relihiyon, kasama ang kanilang natatanging pagtugon sa pag-unawa sa reyalidad, ay maaaring lumahok sa matinding talakayanag kapaki-pakinabang sa kanila.

I. ANG LIWANAG NA IDINUDULOT NG PANANAMPALATAYA

63. Dahil sa pagiging kumplikado ng krisis sa ekolohiya at sa samutsari nitong sanhi, dapat nating mapagtantong hindi lilitaw ang mga solusyon sa isang paraan lamang ng pagpapaliwanag at pag-iibang anyo ng reyalidad. Dapat ipakita rin ang paggalang sa samutsaring yamang pangkultura ng iba't ibang tao, ang kanilang sining at panulaan, ang kanilang panloob na buhay at ispiritwalidad. Kung totoong inaalala nating makabuo ng ekolohiyang kayang lutasin ang mga pinsalang nagawa natin, walang sangay ng agham at walang anyo ng karunungan ang dapat kaligtaan, at kasama na riyan ang relihiyon at ang wikang nakapatungkol dito. Bukas ang Simbahang Katoliko sa mga pag-uusap ng may kaisipang pilosopikal; ito'y nagagawa niya upang makalikha ng samutsaring sintesis sa pagitan ng pananampalataya at katwiran. Ang pagyabong ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan ay kumakatawan sa mga gayong sintesis kung pag-uusapan ang mga panlipunang usapin; ang katuruang ito'y inanyayahang pagyamanin sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga bagong hamon.

64. Dagdag pa, bagamat tinatanggap ng Ensiklikong ito ang pakikipagtalakayan sa lahat upang sama-sama nating hanapin ang landas ng paglaya, nais kong mula sa simula'y ipakita kung paanong ang pananampalataya'y maiaalay sa mga Kristyano, pati na rin sa iba pang naniniwala, ang sapat na motibasyon upang ingatan ang kalikasan at lalo na ang mga pinaka-bulnerable nilang mga kapatid. Kung ang simpleng katotohanang ang pagiging tao'y nagpapakilos sa kanila upang pangalagaan ang kapaligiran kung saan sila'y bahagi, ang mga Kristyano naman ay "napagtatanto ang kanilang pananagutan sa mga nilikha, at ang kanilang tungkulin sa kalikasan at sa Lumikha, bilang mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya". [36] Mabuti para sa sangkatauhan at sa buong sandaigdigan kung tayong mga mananampalataya ay mas kinikilala ang ekolohiyang pangakong nagmumula sa ating mga paniniwala.

II. ANG KARUNUNGAN NG MGA BIBLIKAL NA SALAYSAY

65. Nang hindi inuulit ang buong teolohiya ng paglikha, matatanong natin kung ano ang masasabi ng mga dakilang salaysay na biblikal hinggil sa ugnayan ng tao sa daigdig. Sa unang salaysay ng paglikha sa Aklat ng Genesis, kasama sa plano ng Diyos ang paglikha sa sangkatauhan. Matapos malikha ang lalaki at babae, "Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa, at pinagmasdang napakaganda niyon" (Gen 1:31). Itinuturo ng Bibliya na bawat lalaki at babae ay nilikha mula sa pag-ibig at ginawa sa imahe at pagkakatulad sa Diyos (sg. Gen 1:26). Ipinakita nito sa atin ang malaking dangal ng bawat tao, "na hindi lang siya isang bagay, kundi isang tao. May kakayahan siya sa sariling-kaalaman, sa sariling-pag-angkin at sa malayang pagbigay ng sarili at pagpasok sa pakikipagkaisa sa ibang tao". [37] Ipinahayag ni San Juan Paolo II na ang ispesyal na pagmamahal sa Lumikha para sa bawat tao "ay magdudulot sa kanya ng isang walang katapusang karangalan." [38] Yaong mga nakatuon sa pagtatanggol sa dignidad ng tao ay matatagpuan sa pananampalatayang Kristyano ang mga pinakamalalim na dahilan ng ganitong ganap na pagkilos. Gaano kahanga-hanga ang katiyakang ang bawat buhay ng tao ay hindi nakalutang sa laot ng walang kapag-a-pag-asang kaguluhan, sa mundong pinangungunahan ng purong kapalaran o ng walang katapusang pabalik-balik na siklo! Masasabi sa bawat isa sa atin ng Lumikha: "Bago ka pa malagay sa sinapupunan, kilala na kita" (Jer 1:15) Ipinagbuntis tayo sa pag-ibig ng Diyos, at sa dahilang ito, bawat isa sa atin ay bunga ng isipan ng Diyos. Bawat isa sa atin ay ipinagkaloob, bawat isa sa atin ay minamahal, bawat isa sa atin ay kinakailangan". [39]

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento