Sabado, Hulyo 4, 2015

talata 71-75

71. Bagamat "ang kasamaan ng tao ay malaki sa lupa" (Gen 6:5) at ang Panginoon "ay nagsisi na nilikha niya ang tao sa lupa" (Gen 6:6), gayunman, sa pamamagitan ni Noah, na nananatiling walang bahid ng kasalanan at makatarungan, nagpasya ang Diyos na buksan ang isang landad ng kaligtasan. Sa ganitong paraan ay binigyan niya ang sangkatauhan ng pagkakataong makapagsimula ng bago. Nangyari ito dahil sa isang mabuting taong magbabalik ng pag-asa! Malinaw na ipinakikita ng tradisyong biblikal na ang ganitong pagbabago ay nangangailangan ng pagbawi at paggalang sa indayog na isinulat ng kamay ng Lumikha sa kalikasan. Nakita natin ito, halimbawa, sa batas ng Sabat. Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang ginawa. Inutusan niya ang Israel na ilaan ang bawat ikapitong araw ay gawing araw ng pahinga, ang Sabat, (sg. Gen 2:2-3; Ex 16:23; 20:10). Katulad niyon, bawat pitong taon, isang taon ng sabatikal ang inilalaan para sa Israel, bilang kumpletong pahingan para sa lupa (sg. Lev 25:1-4), kung kailan ipinagbabawal ang pagtatanim at ang pag-aani naman ay yaon lamang kinakailangan upang mabuhay at mapakain ang buong pamilya (sg. Lev 25:4-6). Nagkaroon ng batas na ito bilang pagtatangkang tiyakin ang balanse at pagiging patas ng kanilang mga relasyon sa kapwa at sa lupain kung saan sila nakatira at nagtatrabaho. Kasabay nito, kinikilala rin na kaloon ng lupa kasama ang mga bunga nito ay para sa lahat. Yaong naglilinang at nangangalaga sa lupa ay naobligang ibahagi ang mga bunga nito, lalo na sa mga mahihirap, sa mga balo, mga ampon at mga dayuhang nasa kalagitnaan nila: "Kapag nag-ani kayo sa inyong lupain, huwag kayong mag-ani sa iyong bukid hanggang sa kanyang hangganan, ni huwag tipunin ang mga nangalaglag matapos ang anihan. At huwag ninyong simutin ang inyong ubasan, ni huwag pupulutin ang mga bungang nahulog sa inyong ubasan; iwan ninyo iyon para sa mga dukha at sa mga tagaibang bayan" (Lev 19:9-10).

72. Madalas ipayo sa atin ng Awit na purihin ang Diyos na Lumikha, 'siyang naglatag ng lupa sa katubigan, para sa kanyang matatag na pag-ibig magpakailanman' (Ps 136:6). Inaanyayahan din nila ang ibang nilalang na samahan tayo sa papuring ito: "Purihin siya, araw at buwan, purihin siya, lahat kayong nagniningning na bituin! Purihin siiya, kayong napakataas na kalangitan, at kayong katubigang nasa ibabaw ng kalangitan! Hayaan nyong purihin nila ang pangalan ng Panginoon, dahil siya ang nag-aatas at sila ang nilalang" (Ps 148:3-5). Hindi lang tayo umiiral dahil sa malakas na kapangyarihan ng Diyos; nabubuhay tayong kasama niya at katabi niya. Kaya nga sinasamba natin siya.

73. Inaanyayahan tayo ng mga sulatin ng mga propeta na hanapin ang panibagong kalakasan sa panahon ng pagsubok sa pamamagitan ng pagninilay sa napakamakapangyarihang Diyos na lumikha ng sanlibutan. Gayunman, ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos ay hindi magdadala sa atin upang takasan ang pagkagiliw niya bilang ama, pagkat sa kanya'y magkarugtong ang pagmamahal at kalakasan. Sa katunayan, nangangailangan ang buong kasiglahan ng ispiritwalidad ng kapwa pagtanggap ng banal na pag-ibig at pagsamba, nananalig sa Panginoon dahil sa kanyang walang hanggang kapangyarihan. Sa Bibliya, ang Diyos na nagpapalaya at nagliligtas ay siya ring Diyos na lumikha ng sanlibutan, at ang dalawang banal na pamamaraang ito ng pagkilos ay may ugnayang matapat at hindi mapaghihiwalay: "O, Panginoong Diyos! Ikaw na siyang lumikha ng kalangitan at sandaigdigan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong nakadipang bisig! Walang napakahirap para sa iyo... Dinala mo ang iyong mamamayang Israel palabas ng lupain ng Ehipto nang maraming sagisag at kababalaghan" (Jer 32:17, 21). "Ang Panginoong ang walang hanggang Diyos, ang Lumikha ng dulo ng daigdig. Hindi siya nananamlay ni napapagod; ang kanyang pang-unawa'y hindi kayang saliksikin. Binibigyan niya ng lakas yaong nananamlay, at ng lakas yaong nanghihina" (Is 40:28b-29).

74. Ang naranasan ng pagkakadakip ng mga taga-Babylonia ang nagbunsod ng krisis ispiritwal na humantong sa mas malalim na pananampalataya sa Diyos. Ngayon ang kanyang pagkamalikhaing kapangyarihang walang hanggang ay binigyan ng angkop na pagpapahalaga upang hikayatin ang mga tao upang magkaroon ng pag-asang muli sa gitna ng kanilang kahabag-habag na kalagayan. Ilang siglo ang nagdaan, sa ibang panahon ng pagsubok at pag-uusig, nang ang Imperyong Romano'y magpataw ng lubusang kapangyarihan, muling makatatagpo ng aliw at pag-asa ang mga mananampalataya sa lumalagong pagtitiwala ng napakamakapangyarihang Diyos: "Dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong pamamaraan!" (Rev 15:3). Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan mula sa wala ay namagitan sa mundong ito at napagtagumpayan ang anumang anyo ng kasamaan. Malulupig din ang inhustisya.

75. Ang ispiritwalidad na kinakalimutan ang Diyos bilang napakamakapangyarihan at Lumikha ay hindi katanggap-tanggap. Iyan ang dahilan kung sinasamba natin ang mga makamundong kapangyarihan, o ang ating sarili na inaagaw ang kinalalagyan ng Diyos, kahit sa puntong inaangkin na ang walang katapusang karapatan upang yurakan at tapak-tapakan ang kanyang mga nilikha. Ang pinakamabuting paraan upang ibalik ang mga tao sa kanilang karapat-dapat na kalagyan, ang tapusin ang kanilang pag-angkin sa lubusang pamamahala sa buong daigdig, ay ang muling magsalita hinggil sa anyo ng Ama na lumikha at tanging nag-aangkin ng mundo. Kung hindi'y palaging igigiit ng tao ang kanilang sariling batas at interes sa reyalidad.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento