Martes, Hulyo 14, 2015

talata 146-150

146. Sa ganitong kahulugan, napakahalaga nito upang ipakita ang di pangkaraniwang pag-aalaga sa mga pamayanan ng lumad at sa kanilang katutubong kaugalian. Di lamang sila isang minorya kasama ang iba, kundi dapat sila'y pangunahing kapareha sa diyalogo, lalo na kung ang ipinapanukala'y malalaking proyektong nakakaapektosa kanilang lupain. Para sa kanila, ang lupa ay hindi isang kalakal kundi isang kaloob ng Diyos at mula sa kanilang mga ninunong namahinga na roon, isang sagradong pook kung saan kailangan nilang makipag-ugnayan upang mapanaitili ang kanilang identidad at kahalagahan. Kapag nanatili sila sa kanilang lupain, sila mismo ang pinakamahusay na nangangalaga nito. Gayunpaman, sa iba't ibang panig ng mundo, ginigipit sila upang lisanin na nila ang kanilang mga lupain para gamitin sa mga proyektong pang-agrikultura at pagmimina na isinasagawa nang hindi iniisip kung mawawasak ang kalikasan at kultura. 

III. ANG EKOLOHIYA NG PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY

147. Kasama sa totoong kaunlaran ang mga pagsisikap na maisagawa ang makabuluhang pagpapahusay sa kalidad ng buhay ng tao, at kinakailagang isaalang-alang nito ang mga tagpuan kung saan namumuhay ang tao. Naiimpluwensyahan ng mga tagpuang ito ang pamamaraan kung paano tayo mag-isip, makadama at kumilos. Sa ating mga silid, tahanan, pagawaan at kapitbahayan, ginagamit natin ang ating kapaligiran bilang paraan ng pagpapahayag ng ating identidad. Ginagawa natin ang lahat ng pagsisikap upang makaangkop sa ating kapaligiran, ngunit kapag iyon ay walang kaayusan, magulo, o puno ng ingay at kapangitan, ang gayong lubhang nakakapukaw ang nagpapahirap sa atin upang magsama-sama at maging masaya.

148. Ipinapakita ng mga tao at grupong tumutugon sa limitasyon ng kapaligiran ang kahanga-hangang pagkamalikhain at pagiging mapagbigay sa pamamagitan ng pagbabawas ng masamang epekto sa kanilang paligid at pagkatutong umakma ang kanilang buhay sa gitna ng kaguluhan at kawalan ng katiyakan. Halimbawa, sa ilang pook, kung saan ang harapan ng mga gusali'y napabayaan na, ipinakita ng mga tao ang mahusay na pangangalaga sa loob ng kanilang mga tahanan, o kaya'y nasiyahan na kabaitan at pagiging palakaibigan ng iba. Ang isang malusog na buhay panlipunan ay maaaring magpakinang sa isang animo'y masamang kapaligiran. Paminsan-minsan ang kapuri-puring ekolohiya ng tao ang ginagawa ng mga dukha sa kabila ng maraming paghihirap. Ang pakiramdam ng pagkayamot sanhi ng dami ng tao sa mga pook tirahan ay nakokontra kapag nabuo ang isang malapit ang mainit na ugnayan, kapag nabuo ang mga pamayanan, kapag ang limitasyon ng kapaligiran ay napunuan sa loob ng bawat tao na nadaramang tangan sa loob ng talakupan ng pagkakaisa at pagiging kasama. Sa ganitong paraan, saanman nagmistulang impyerno sa lupa ang daidig ay magiging pook na may dignidad ang buhay. 

149. Ang matinding karukhaang dinaranas sa mga pook na kulang sa pagakkaisa, malawak na mga espasyo o may kakayahang magsama-sama, ay maaaring humantong sa malulupit na pangyayari at sa pagsasamantala ng mga pusakal na organisasyon. Sa mabubuway na kapitbahayan sa mga malalaking lungsod, ang araw-araw na danas ng pagsisikip at panlipunang di-pagkakakilanlan ay nakalilikha ng pagkadama ng pagkadurog na pinagmumulan naman ng mga masasamang kaugalian at karahasan. Gayunpaman, nais kong igiit na laging napapatunayang mas makapangyarihan ang pag-ibig. Maraming taong nas ganitong kalagayan ang kayang magbuo ng pagkakaisa at pagsasamahan kung saan pinapalitan ang pagsisikip ng karanasan ng isang pamayanan kung saan ang dingding ng kasakiman ay nadurog na habang ang mga balakid ng pagkamakasarili'y napagtagumpayan. Ang karanasang ito ng kaligtasang mula sa pagkakapatiran ay madalas na nakabubuo ng mga malikhaing ideya para sa pagpapahusay ng isang gusali o ng isang kapitbahayan. [117]

150. Pag tiningnan ang ugnayan sa pagitan ng buháy na espasyo at pag-uugali ng tao, yaong mga nagdisenyo ng mga gusali, kapitbahayan, mga pampublikong espasyo at kalunsuran, ay dapat maakit sa iba't ibang disiplinang makakatulong sa ating maunawaan ang proseso ng pag-iisip ng tao, simbolikong wika at paraan ng pagkilos. Hindi sapat na hagilapin lang ang kariktan ng disenyo. Mas mahalaga pa rin ang serbisyong maihahandong natin sa isa pang uri ng kariktan: ang kalidad ng buhay ng tao, ang kanilang pag-angkop sa kapaligiran, pakikipagharap at parehong pagtutulungan. Dito rin, nakikita nating napakahalaga na isinasaalang-alang ng pagpaplano sa kalunsuran ang mga pananaw ng mga maninirahan sa mga pook na ito.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento