Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 96-100

VII. ANG TITIG NI HESUS

96. Kinuha ni Hesus ang pananampalatayang biblikal sa Diyos na Lumiha, ipinagdiinan ang batayang katotohanan: Ang Diyos ang Ama (sg. Mt 11:25). Sa pakikipag-usap sa kanyang mga alagad, aanyayahan sila ni Hesus upang kilalanin ang ugnayang pagkaama ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Kumikilos ng may pagmamahal paaalalahan niya sila na bawat isa sa kanila ay mahalaga sa mata ng Diyos: "Hindi ba't ibinebenta ang limang langaylangayan sa halagang dalawang sentimo? At wala mang isa sa kanila ang kinalimutan sa harap ng Diyos" (Lk 12:6). "Masdan nyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila nagtatanim o nag-aani o nagtitipon sa mga kamalig, gayunman, pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit" (Mt 6:26).

97. Nagawang anyayahan ng Panginoon ang iba na maging masigasig sa kagandahang mayroon ang mundo sapagkat siya mismo ay may matapat na ugnayan sa kalikasan, binibigyan ito ng pansing punumpuno ng pagkagiliw at paghanga. Habang patungo siya sa buong lupain, madalas siyang tumitigil upang pagnilayan ang kagandahang inihasik ng kanyang Ama, at inanyayahan ang kanyang mga alagad na damhin ang banal na mensahe sa mga bagay-bagay: "Itaas ang inyong mga mata, at masdan kung paanong ang mga bukid ay namuti na sa pag-ani" (Jn 4:35). "Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang bukid; iyon ang pinakamaliit sa lahat ng binhi, ngunit kapag lumago na ito, ito ang pinakamalaki sa lahat ng halaman" (Mt 13:31-32).

98. Namuhay si Hesus ng may ganap na pagkakaisa sa sangnilikha, at ang iba ay namangha: "Anong uri ng tao ito, na sinusunod siya maging nng mga hangin at ng dagat?" (Mt 8:27). Ang kanyang hitsura'y hindi tulad ng isang mabalasik (asetiko) na nakabukod sa mundo, o ng isang kaaway sa magagandang mga bagay sa buhay. Hinggil sa kanyang sarili'y sinabi niya: "Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinabi nila, 'Tingnan ninyo, isang matakaw at isang lasenggo!'" (Mt 11:19). Kaylayo niya sa mga pilosopiyang nanghahamak ng katawan, usapin at mga bagay sa mundo. Ang mga gayong di malusig na dualismo, gayunman, ay nag-iwan ng marka sa ilang Kristyanong palaisip sa daloy ng kasaysayan at nagpapangit sa Ebanghelyo. Gumawa si Hesus gamit ang kanyang mga kamay, sa araw-araw na pakikialam sa mga bagay na nilikha ng Diyos, kung saan nagbigay siya ng hitsura sa pamamagitan ng kanyang kadalubhasaan. Kapansin-pansing halos ang buong buhay niya ay nakatuon sa mga gawaing ito sa isang payak na buhay na hindi na nakapukaw ng paghanga: "Hindi baga ito ang karpintero, ang anak ni Maria?" (Mk 6:3). Sa ganitong paraan, ginawa niyang banal ang paggawa ng tao at nilangkapan ito ng espesyal na kahulugan para sa ating pag-unlad. Tulad ng ipinangaral ni San Juan Paolo II, "sa pagtitiis sa mabibigat na trabaho kasama ang Kristo na ipinako sa krus para sa atin, kahit paano'y nakipagtulungan ang tao sa Anak ng Diyos para matubos ang sangkatauhan". [79]

99. Sa Kristyanong pagkaunawa sa mundo, ang tadhana ng lahat ng nilalang ay nakaugnay sa misteryo ng Kristo, na naroroon na mula sa umpisa: "Ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya" (Col 1:16). [80] Ibinunyag ng prologo ng Ebanghelyo ni Juan (1:1-8) ang malikhaing gawa ng Kristo bilang Banal na Salita (Logos). Ngunit, sa hindi inaasahan, nagpatuloy ang prologo sa pagsasabing ang Salitang iyon din ay "naging laman" (Jn 1:14). Isang Persona ng Trinidad ang pumasok sa nalikhang kosmos, inihagis iyon sa kanyang pulutong, maging sa kurus. Mula sa pag-uumpisa ng daigdig, ngunit lalo na sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, ang misteryo ng Kristo ay gumagalaw sa kubling pamamaraan sa isang likas na mundo sa kabuuan, ng hindi sinasagkaan ang awtonomiya nito.

100. Hindi lang sinasabi ng Bagong Tipan sa atin ang hinggil sa Hesus sa lupa at ang kanyang kongkreto at mapagmahal na ugnayan sa daigdig. Ipinakikita rin niyon na siya'y pumailanlang at maluwalhati, na naroroon sa buong sangnilikha sa pamaamgitan ng kanyang pangkalahatang Pagkapanginoon: "Sapagkay sa kanya ang buong kapuspusan ng Diyos ay naulugod na manahan, at sa pamamagitan niya'y iugma sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, maging sa lupa o sa langit, na nakikipagkapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang kurus" (Col 1:19-20).. Iniaakay tayo nito upang ituon ang ating titig sa katapusan ng panahon, kung saan inihahatid ng Anak ang lahat ng bagay sa kanyang Ama, upang "ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa (1 Cor 15:28). Kaya, ang mga nilalang ng mundong ito ay hindi na lumilitaw sa atin sa ilalim lang ng likas na pagbabalatkayo pagkat ang Isang nagbangon ay misteryosong tinatanganan sila sa kanya at nagtutulak sa kanila patungo sa kaganapan bilang kanilang layunin. Ang pinakabulaklak ng kabukiran at ang mga ibon kung saan ang kanyang mga mata bilang tao ay nagninilay at humahanga ay nagtataglay ngayon ng kanyang nagliliwanag na presensya.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento