Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 91-95

91. Hindi magiging totoo ang kahulugan ng malalim na pagkakaisa hinggil sa buong kalikasan kung ang ating puso'y dahop sa lambing, habag at malasakit sa ating kapwa tao. Ito'y malinaw na hindi nakatutugon sa paglaban sa pagkalakal ng nanganganib na espésye habang nananatiling ganap na walang malasakit sa pangangalakal ng tao, walang pakialam sa mga mahihirap, o nagtatangkang sirain ang ibang taong itinuturing na hindi kanais-nais. Isinusubo nito ang totoong kahulugan ng ating pakikibaka alang-alang sa kapaligiran. Hindi nagkataon lang na, sa awit kung saan pinuri ni San Francisco ang Diyos para sa kanyang mga nilalang, ay kanyang sinabi: "Purihin ka aking Panginoon, sa pamamagitan ng mga nagbigay ng kapatawaran para sa iyong pag-ibig". Ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kaya ang pagmamalasakit sa kapaligiran ay kailangang samahan ng taos-pusong pag-ibig para sa ating kapwa at isang matibay na pangakong lutasin ang mga problema ng lipunan.

92. Dagdag pa, kapag ang ating puso'y tunay na bukas sa pangkalahatang pagkakaisa, ang kahulugang ito ng kapatiran ay hindi pagbubukod sa wala. Sumusunod dito na ang ating kawalang-malasakit o kalupitan sa kapwa nilalang ng mundong ito sa malao't madali'y makaaapekto sa pakikitungo natin sa ating kapwa tao. May isang puso lang tayo, at ang kaparehong pagkaaba na aakay sa atin upang abusuhin ang isang hayop, hindi magtatagal, ay magpapakita ng ating ugnayan sa ating kapwa tao. Ang bawat kalupitan sa anumang nilikha ay "salungat sa dignidad ng tao". [69] Kayhirap na ituring nating kaibig-ibig tayo kapag ipinagwalang-bahala natin ang anumang aspeto ng reyalidad: "Ang kapayapaan, katarungan at ang pangangalaga ng sangnilikha ang tatlong ganap na magkakaugnay na paksa, na hindi maihihiwalay at ituring na indibidwal nang hindi na muling babagsak sa reduksyonismo". [70] Ang lahat ng bagay ay magkaugnay, at tayong mga tao'y nagkakaisa bilang magkakapatid sa isang kahanga-hangang peregrinasyon, na sama-samang hinabi ng pag-ibig ng Diyos sa bawat kanyang nilalang at siya ring nagbuklod sa atin sa mairuging paggiliw sa kapatid na araw, kapatid na buwan, kapatid na ilog at inang daigdig.

VI. ANG KARANIWANG DESTINASYON NG MGA KALAKAL

93. Nananampalataya man o hindi, sumasang-ayon tayo ngayon na ang daigdig ay mahalagang ibinahaging pamana, kung saan ang mga bunga'y para sa kagalingan ng lahat. Para sa mga nananampalataya, ito'y naging usapin ng katapatan sa Lumikha, [agkat ang Diyos ang lumikha ng mundo para sa lahat. Kaya ang bawat pang-ekolohiyang pagtugon ay nangangailangang isama ang panlipunang pananaw na inaalala ang pangunahing mga karapatan ng mahihirap at mga hindi nabibiyayaan. Ang prinsipyo ng pagpapailalim ng pribadong pagmamay-ari sa pangkalahatang destinasyon ng mga kalakal, at kaya ang karapatan ng bawat isa sa kanilang gamit, ay isang gintong batas ng panlipunang gawi at "ang unang prinsipyo ng kabuuang kaayusang etikal at panlipunan". [71] Hindi kinikilala ng tradisyong Kristyano ang karapatan sa pribadong pag-aari bilang ganap o hindi malalabag, at ipinagdiinan ang panlipunang layunin ng lahat ng anyo ng pribadong pag-aari. Matinding pinagtibay muli ni San Juan Paolo II ang aral na ito, at ipinahaya na "Ibinigay ng Diyos ang daigdig sa buong sangkatauhan para sa ikabubuhay ng lahat ng kasapi nito, nang walang sinumang inihihiwalay o kinakampihan". [72] Matitinding pananalita ang mga ito. Itinala niyang "ang tipo ng kaunlarang hindi gumagalang at nagtataguyod ng karapatang pantao - personal at panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika, kasama na ang karapatan ng mga bansa at ng smga tao - ay hindi tunay na  karapat-dapat sa tao". [73] Malinaw niyang ipinaliwanag na "tunay ngang ipinagtatanggol ng Simbahan ang lehitimong karapatan sa pribadong pag-aari, subalit may kalinawan din niyang ipinangangaral na laging may panlipunang pagsasangla ng lahat ng pribadong pag-aari, upang ang mga kalakal ay magsilbi sa pangkalahatang layuning ibinigay ng Diyos sa kanila". [74] Kaya, iginiit niya, "ito'y hindi sang-ayon sa plano ng Diyos na ang kaloob na ito'y gamitin sa pamamaraang ang makikinabang lang ay iilan". [75] Nananawagan ito ng malubhang usapin hinggil sa hindi makatarungang kaugalian sa bahagi ng sangkatauhan. [76]

94. Ang mayaman at ang mahihirap ay may pantay na dignidad, pagkat "ang Panginoon ang lumikha sa kanilang lahat" (Prov 22:2). "Nilikha niya mismo ang maliliit at malalaki" (Wis 6:7), at "ginawa niyang sumikat ang araw sa kasamaa at sa kabutihan" (Mt 5:45). Ito'y may praktikal na kahihinatnan, tulad ng tinukoy ng mga obispo ng Paraguay: "Ang bawat magbubukid ay may likas na karapatang mag-angkin sa makatwirang pamamahagi ng lupa kung saan maiaiatyo niya ang kanyang tahanan, makagagawa ng ikabubuhay para sa kanyang pamilya at isang buhay na ligtas. Dapat magarantiyahan ang karapatang ito upang ang pagsasaganap nito'y hindi isang guniguni lang kundi totoo. Nangangahulugan itong bukod sa pag-aangkin ng ari-arian, ang mga tao sa kanayunan ay dapat madaling makakuha ng pamamaraan ng teknikal na edukasyon, kredito, seguro at pamilihan". [77]

95. Ang likas na kapaligiran ay kolektibong kabutihan, ang patrimonya ng buong sangkatauhan at pananagutan ng lahat. Kung gagawing nating sarili ang ilang bagay, ito'y upang pangasiwaan lang iyon para sa kapakinabangan ng lahat, Dahil pag hindi natin ginawa, inaatang natin sa ating budhi ang kabigatan ng hindi pagtanggap sa buhay ng iba. Ito ang dahilan kung bakit tinanong ng mga obispong taga-New Zealand kung ano ang kahulugan ng utos na "Huwag kang papatay" kung ang "dalawampung bahagdan ng populasyon ng mundo ay kumokonsumo ng likasyaman sa bilis na inaagawan ang mahihirap na bansa at ang mga susunod na henerasyon ng kanilang pangangailangan upang mabuhay". [78]

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento