Miyerkules, Setyembre 16, 2015

talata 241-245

VIII. REYNA NG LAHAT NG NILALANG

241. Si Maria, ang Inang nag-alaga kay Hesus, ngayon ay nangangalaga ng may pagmamahal ng isang ina at pasakit para sa sugatang mundo. Tulad ng pagdadalamhati ng sugatan niyang puso sa pagkamatay ni Hesus, at ngayon ay namimighati siya sa mga paghihirap ng mga dukhang ipinako sa krus at para sa mga nilalang ng mundong ito na sinira ng kapangyarihan ng tao. Ganap na nagbagong-anyo, nabuhay siya ngayong kasama ni Hesus, at ang lahat ng nilalang ay umaawit hinggil sa kanyang pagkamakatarungan. Siya ang Babae, "dinamitan ng araw, kasama ang buwan na nasa kanyang paanan, at sa kanyang ulo ang koronang may labindalawang bituin" (Rev 12:1). Binuhat siya patungong kalangitan, siya ang Ina at Reyna ng lahat ng nilalang. Sa maluwalhati niyang katawan, kasama ang Kristong Nabuhay Muli, narating ng bahagi ng sangnilikha ang kaganapan ng kariktan nito. Pinahahalagahan niya ang buong buhay ni Hesus sa kanyang puso (sg. Lk 2: 19,51), at ngayon ay nauunawaan ang kahulugan ng lahat ng bagay. Kaya, maaari nating hilingin sa kanya na kayanin nating tingnan ang mundong ito ng may mga mata ng karunungan.

242. Sa kanyang tabi sa Banal na Mag-anak ng Nazareth ay nakatindig ang pigura ni San Jose. Sa pamamagitan ng mga gawa ni San Jose at bukas-palad nitong pakikitungo, iningatan niya at ipinagtanggol sina Maria at Hesus, at inilayo sila sa mga karahasang dulot ng mga di-makatarungan sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila sa Ehipto. Itinanghal ng Ebanghelyo si Jose bilang isang makatarungang tao, masipag at malakas. Subalit nagpakita rin siya ng dakilang kagiliwan, na hindi tanda ng kahinaan kundi ng mga taong tunay na malakas, ganap na gagap ang reyalidad at handang magmahal at maglingkod ng may pagpapakumbaba. Iyon ang dahilan kung bakit ipinahayag siyang tagapangalaga pandaigdigang Simbahan. Siya rin ay nakapagtuturo sa atin kung paano mangalaga; binibigyang-sigla rin niya tayo upang kumilos ng may kabutihang-loob at may pagkagiliw sa pagprotekta sa mundong itong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. 

IX. SA KABILA NG ARAW

243. Sa huli, mahahanap natin sa ating sarili ng harap-harapan ang walang katapusang kariktan ng Diyos (sg. 1 Cor 13:12), at makakayang basahin ng may paghanga at kasiyahan ang misteryo ng sanlibutan, na kasama nating ibabahagi sa walang hanggang kasaganahan. Kahit na naglalakbay tayo ngayon patungo sa sabbath ng kawalang-maliw, ang bagong Herusalem, patungo sa ating tahanan sa kalangitan. Sinabi ni Hesus: "Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay" (Rev 21:5). Ang buhay na walang hanggan ay isang ibinahaging danas ng paghanga, kung saan ang bawat nilalang, na maliwanag na nagbagong-anyo, ay hahantong sa kanyang wastong lugar at may mga bagay na iaalay sa mga dukhang lalaki't babae na lubusan nang mapapalaya. 

244. Samantala, nagsasama-sama tayo upang pangalagaan ang tahanang ito na ipinagkatiwala sa atin, na nababatid na ang lahat ng bagay na umiiral dito ay dadalhin para sa makalangit na piging. Sa pakikipagkaisa sa lahat ng nilalang, naglalakbay tayo sa lupaing ito sa paghahanap sa Diyos, sapagkat "kung ang daigdig ay may simula at kung ito ay nilikha, dapat nating usisain kung sino ang nagbigay ng simula nito, at sino ang Lumikha". [172] Umawit tayo habang naglalakbay. Nawa ang ating pakikibaka at ang ating malasakit sa planetang ito ay hindi alisin ang kagalakan ng ating pag-asa.

245. Ang Diyos, na tinawag tayo para sa mapagkaloob na panata at upang ibigay sa kanya ang ating lahat, ay nag-aalok sa atin ng liwanag at kalakasang kinakailangan upang makapagpatuloy sa ating landas. Sa pusod ng mundong ito, ang Panginoon ng buhay, na umiibig ng labis-labis sa atin, ay laging naririyan. Hindi niya tayo iniwan, hindi niya tayo pinabayaang mag-isa, sapagkat tahasan niyang pinag-isa ang kanyang sarili sa ating sangkalupaan, at ang kanyang pag-ibig ay laging nanghihikayat sa ating maghanap ng bagong pamamaraan pasulong. Purihin siya!

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento