Biyernes, Setyembre 4, 2015

talata 206-210

206. Ang pagbabago ng paraan ng pamumuhay ang maaaring makapagbigay ng malusog na pwersang dapat tiisin ng mga nagtatangan ng kapangyarihang pampulitika, pang-ekonomya at panlipunan. Ito ang mga nakamit ng kilusang konsyumer nang boykotin nila ang ilang mga produkto. Napatunayang matagumpay sila sa pagbago ng pamamaraan ng pagpapatakbo ng negosyo, na nagtutulak sa mga ito na isaalang-alang ang mga bakas pangkapaligiran at ang padron nito ng produksyon. Kapag naapektuhan ng panlipunang pwersa ang kanilang kinikita, maliwanag na naghahanap ng naiibang paraan ang negosyo upang makapaglikha ng produkto. Ipinapakita nito sa atin ang malaking pangangailangan para sa kahulugan ng panlipunang pananagutan sa bahagi ng mga mamimili. "Ang pagbili ay laging isang moral - at hindi lamang simpleng pang-ekonomya - na pagkilos". [146]. Sa kasalukuyan, sa isang salita, "ang usapin ng pagkasira ng kalikasan ay humahamon sa atin upang suriin ang ating paraan ng pamumuhay". [147]

207. Sinasabi sa atin ng Tsarter ng Daigdig na iwan ang yugto ng sariling pagkawasak at lumikha ng bagong simula, ngunit hindi pa rin tayo nakakapagbuo ng pandaigdigang kamalayang kinakailangan upang matamo ito. Dito'y uulitin ko yaong matapang na hamon: "Hindi pa nangyayari sa kasaysayan, kumakaway sa atin ang pangkalatang tadhana upang hagilapin ang bagong simula... Gawing natin ang ating panahon ay maalala sa pagpukaw ng bagong pamimitagan sa buhay, isang matatag na pasiya upang makamit ang pagkatuluy-tuloy, ang pagpapasigla ng pakikibaka para sa katarungan at kapayapaan, at ang masayang pagdiriwang ng buhay". [148]

208. Palagi tayong may kakayanang magtungo sa labas ng ating sarili upang tumungo sa ating kapwa. Hangga't di natin ito gagawin, ang kapwa nilalang ay hindi makikilala sa kanilang tunay na kahalagahan; hindi tayo nababahala sa pangangalaga ng mga baga para sa kapakanan ng kapwa; bigo tayong magtakda ng limitasyon sa ating sarili upang maiwasan ang paghihirap ng iba o ang pagkasira ng ating kapaligiran. Ang walang pag-iimbot na malasakit sa kapwa, at ang pagtanggi sa bawat anyo ng pagiging makasarili at sariling-higop, ay mahalaga kung talagang nais nating pangalagaan ang ating mga kapatid at ang likas na kapaligiran. Iniaakma tayo ng mga kaugaliang ito patungo sa kinakailangang moral sa pagtatasa ng epekto ng ating bawat pagkilos at sariling pagpapasiya sa mundong nakapaligid sa atin. Kung ating masusupil ang indibidwalismo, tunay ngang kaya nating makapagbuo ng iba't ibang paraan ng pamumuhay at magdala ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. 

II. PANGANGARAL PARA SA KASUNDUAN SA PAGITAN NG SANGKATAUHAN AT KAPALIGIRAN

209. Ang kamalayan sa kalubhaan ng kasalukuyang krisis sa kultura't ekolohiya ay dapat maisalin tungo sa bagong kaugalian. Maraming tao ang nakaaalam na ang ating kasalukuyang progreso at ang pagkakamal lamang ng mga bagay at kasiyahan ay hindi sapat upang bigyang kahulugan at kagalakan ang puso ng tao, subalit pakiramdam nila'y hindi nila kayang talikdan kung anong itinakda ng merkado sa kanilang harapan. Sa mga bansang yaong lumilikha ng pinakamalaking pagbabago sa gawi ng mga konsumador, may bagong ekolohikal na sensitibidad at diwang mapagbigay ang mga kabataan, at ang ilan sa kanila ay kahanga-hangang nagsusumikap upang maprotektahan ang kapaligiran. Kasabay nito, sila ay lumaki sa isang kapaligirang may matinding konsyumerismo at kasaganahan na nagpapahirap sa kanilang bumuo ng iba pang kaugalian. Nahaharaop tayo sa isang edukasyong mapanghamon.

210. Pinalawak ng edukasyong pangkapaligiran ang mga layunin nito. Sapagkat sa simula ito'y pangunahing nakasentro sa impormasyong pang-agham, pagpapaangat ng kamalayan at ang pag-iwas sa panganib na pangkapaligiran, maaari nitong maisama ang pagpuna sa mga "mito" ng pagkamoderno na nakabatay sa kaisipang utilitaryan (indibidwalismo, walang limitasyong pag-unlad, kumpetisyon, konsyumerismo, ang merkadong hindi pinatakaran). Hinahangad din nitong maibalik sa iba't ibang antas ng ekolohikal na ekwilibriyo, nagtatatag ng pagkakaisa sa ating mga sarili, sa kapwa, sa kalikasan at sa iba pang nabubuhay na nilalang, at sa Diyos. Dapat pangasiwaan ng pangkapaligirang edukasyon ang paggawa ng hakbang tungo sa pagpapasigla na nagbibigay sa etikang pang-ekolohiya ng malalim nitong kahulugan. Kailangan nito ng mga edukador na kayang makapagbuo ng etika ng ekolohiya, at pagtulong sa kapwa, sa pamamagitan ng epektibong pagtuturo, sa paglago ng pagkakaisa, pananagutan at mapag-alalang pangangalaga.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento