Lunes, Setyembre 7, 2015

talata 221-225

221. Ang iba't ibang paniniwala, na nabuo sa pagsisimula ng Ensiklikong ito, ay maaaring makatulong sa atin upang mapagyaman ang kahulugan ng pagpapanibagong ito. Kabilang dito ang kamalayang sinasalamin ng bawat nilalang ang anumang sa Diyos at may mensaheng ipinararating sa atin, at ang katiyakang tangan ni Kristo sa kanyang sarili ang materyal na mundong ito at ngayon, muling binuhay, ay may presensya sa  bawat nilalang, na pinaliligiran ng kanyang pag-ibig at pinapasok ito ng kanyang liwanag. Gayundin naman, nariyan ang pagkilalang nilikha ng Diyos ang daigdig, isinulat ito sa isang kaayusan at isang dinamismong ang sangkatauhan ay walang karapatang tanggihan. Nabasa natin sa Ebanghelyo na sinabi ni Hesus sa mga ibon sa himpapawid na "walang isa man sa kanila ang nakakaligtaan sa harap ng Diyos" (Lukas 12:6). Kaya paano natin maaaring maabuso o mapinsala sila? Hiniling ko sa lahat ng Kristyano na kilalanin at masiglang isabuhay ang dimensyong ito ng kanilang pagpapanibago. Nawa ang kapangyarihan at liwanag ng biyayang ating natatanggap ay maging patunay din ng ating pakikipag-ugnayan sa iba pang nilikha at sa mundong nakapaligid sa atin. Sa ganitong paraan, makatutulong tayo sa pangangalaga ng dakilang pakikipagkapatiran sa iba pang nilalang na nagniningning na kinakatawan ni San Francisco ng Assisi.

IV. KAGALAKAN AT KAPAYAPAAN

222. Iminumungkahi ng Kristyanong ispiritwalidad ang isang alternatibong pagkaunawa sa kalidad ng pamumuhay, at nanghihikayat ng isang pambihira at mapagnilay na paraan ng pamumuhay, yaong may kakayahang magkaroon ng taos na kaligayahan nang malaya sa pagkahumaling sa pagkonsumo. Dapat tayong kumuha ng sinaunang aralin, na matatagpuan sa iba't ibang relihiyosong tradisyon at maging sa Bibliya. Ito ang paniniwalang "ang kakaunti ang siyang nakararami". Ang walang tigil na pagbaha ng mga bagong kalakal ay maaaring makataranta sa puso at makapigil sa atin upang itampok ang bawat bagay at bawat sandali. Upang mapayapang itanghal ang bawat reyalidad, gaano man ito kaliit, ay nagbubukas sa atin ng pang-unawang ng mas malawak at pansariling katuparan. Iminumungkahi ng Kristyanong ispiritwalidad ang isang paglagong may tanda ng kahinahunan at ng kakayahang maging masaya sa maliit. Ang pagbabalik na iyon sa pagiging payak ang nagpapahintulot sa atin upang tumigil at ikalugod ang mumunting bagay, ang pagtanaw ng utang na loob sa mga inilaang pagkakataon ng buhay sa atin, upang maging ispiritwal na hiwalay sa anumang tinataglay natin, at huwag malugmok sa kalungkutan dahil sa anumang kulang sa atin. Nagpapahiwatig itong pag-iwas sa dinamika ng pamamahala at sa pagtitipon lamang ng kagalakan.

223. Nakapagpapalaya ang gayong pagtitimpi, kapag isinabuhay ng malaya at alam. Hindi iyon mas maliit na pamumuhay o ang isa'y nabubuhay nang di gaanong marubdob. Sa kabaligtaran, isa itong pamamaraan ng pamumuhay ng ganap. Sa katotohanan, yaong mas nagagalak at mas namumuhay ng mabuti sa bawat sandali ay yaong mga taong isinuko na ang paghahanap dito at doon, na palaging nakatanghod sa kung ano ang wala sila. Naranasan nila kung ano ang kahulugan ng pagpapahalaga sa bawat tao at sa bawat bagay, na pinag-aaralan ang lubos na pagkilala sa mga pinakasimpleng bagay at paano nila ikalulugod ang mga iyon. Kaya naibubuhos nila ang mga pangangailangang hindi kasiya-siya, nababawasan ang kanilang pagkahumaling at pagkapagal. Kahit nabubuhay sa kaunti, nabubuhay sila ng tuluy-tuloy, lalo na kung nililinang nila ang ibang kaluguran at mahagilap ang kasiyahan sa pangkapatirang paghaharap, sa pagsisilbi, sa paglilinang ng kanilang talino, sa musika at sining, sa pakikipag-ugnayan sa kalikasan, sa panalangin. Ang kaligayahan ay nangangahulugang pag-alam na limitahan ang ilang pangangailangang nakapagpapababa sa atin, at pagiging bukas sa marami pang iba't ibang pagkakataong ibinibigay ng buhay.

224. Hindi itinatangi sa nakaraang dantaon ang pagtitimpi at pagpapakumbaba. At gayunpaman, kapag may pangkalahatang panlulupaypay sa pagsasakatuparan ng ilang kagalingan sa sarili't panlipunang pamumuhay, nagiging sanhi ito ng kawalan ng balanse, kasama na yaong pangkapaligiran. Kaya ito ang dahilan kung bakit hindi na sapat ang magsalita lamang hinggil sa integridad ng ekosistema. Dapat matapang tayong magsalita hinggil sa integridad ng buhay ng tao, ng pangangailangang itaguyod at pagkaisahin ang lahat ng mga dakilang kabutihan. Kapag nawala na ang ating kabaabang-loob, at alipinin ng ng mga posibilidad ng walang hanggang karungunan sa lahat ng bagay, hahantong tayo sa pamiminsala sa lipunan at sa kapaligiran. Hindi madaling itaguyod ang ganitong tipo ng malusog na pagpapakumbaba o masayang pagtitimpi kapag itinuring natin ang ating sarili na may awtonomiya, kapag hindi natin isinama ang Diyos sa ating buhay o pinalitan natin siya ng ating sariling pagkaako, at iisiping ating pansariling damdamin ang makapagsasabi kung ano ang tama at ano ang mali.

225. Sa kabilang banda, walang sinuman ang makapaglilinang ng isang matino at kasiya-siyang buhay nang walang kapayapaan sa kanyang sarili. Ang sapat na pagkaunawa sa ispiritwalidad ay naglalaman ng pagpuno ng kungano ang kahulugan ng kapayapaan, na higit pa kaysa kawalan ng digmaan. Ang panloob na kapayapaan ay malapit na nakaugnay sa pangangalaga ng ekolohiya at ng pangkalahatang kagalingan dahil, sa totoong pamumuhay, makikita ito sa isang balanseng sama-samang pamumuhay nang may kakayahang mamangha na nagdadala sa atin sa isang mas malalim na pag-unawa sa buhay. Ang kalikasan ay puno ng mga salita ng pag-ibig, ngunit paano natin sila pakikinggan sa gitna ng patuloy na ingay, walang hinto at nakagugulo ng puso't isipan,o ang pagsamba sa itsura? Maraming tao ngayon ang nakadarama ng malalim na kawalan ng balansa na nagtutulak sa kanila sa mga gawaing nakatataranta at nakadarama silang sila'y abala, na laging nagmamadali kung saan humahantong sila sa panliligalig sa lahat ng bagay sa kanilang paligid. Nakaapekto rin ito kung paano nila itrato ang kapaligiran. Kabilang sa isang mahalagang ekolohiya ang paglalaan ng sapat na panahon upang makabawi sa mapayapang pakikipagkasundo sa sangnilikha, na sumasalamin sa ating pamumuhay at pamantayan, at pinagninilayan ang Lumikhang naninirahan kasama natin at sa paligid natin, kung saan ang kanyang presensya "ay hindi dapat inimbento, kundi natagpuan, nabunyag". [155]

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento