Martes, Setyembre 15, 2015

talata 236-240

236. Doon sa Eukaristiya matatagpuan ng lahat ng nilalang ang napakadakilang pagpaparangal. Ang biyaya, kung saan maaaring tiyak na ipakilala ang sarili, ay nakatagpo ng hindi madadaig na pagpahayag pag naging tao mismo ang Diyos at inialay ang sarili bilang pagkain ng kanyang mga nilikha. Pinili ng Panginoon, sa paghantong sa misteryo ng pagkakatawang-tao, upang maabot ang ating matalik na kaibuturan sa pamamagitan ng isang piraso ng bagay. Hindi siya dumating mula sa itaas, kundi mula sa loob, dumating siya upang siya'y ating matagpuan sa ating daigdig. Sa Eukaristiya, natamo na'y lubusan; iyon ang buhay na sentro ng sanlibutan, ang umaapaw na pag-ibig at ng hindi masasaid na buhay. Kasama ng nagkatawang-taong Anak, na naroroon sa Eukaristiya, nagpapasalamat sa Diyos ang buong kosmos. Tunay ngang ang mismong Eukaristiya'y isang pagkilos ng pandaigdigang pag-ibig: "Opo, pandaigdigan! Dahil kahit na ito'y ipinagdiwang sa mapagkumbabang dambana ng isang simbahan sa nayon, palaging sa ilang paraan ang Eukaristiya'y ipinagdiriwang sa damban ng mundo". [166] Sumama sa langit at lupa ang Eukaristiya; ito'y niyayapos at tumatagos sa lahat ng nilikha. Ang daigdig na lumitaw mula sa mga kamay ng Diyos ay bumabalik sa kanya ng may pinagpala't sama-samang pagpuri: sa tinapay ng Eukaristiya, "ang paglikha ay inaasahang patungo sa pagiging dakila, patungo sa banal na piging ng kasal, patungo sa pakikipagkaisa sa mismong Lumikha". [167] Sa gayon, ang Eukaristiya ay isa ring piagmumulan ng liwanag at nilalayon para sa ating pagmamalasakit sa kapaligiran, inaakay tayo upang maging katiwala ng lahat ng sangnilikha.

237. Sa araw ng Linggo, ang pakikilahok natin sa Eukaristiya ay may espesyal na kahalagahan. Ang araw ng Linggo, tulad ng Sabbath ng mga Hudyo, ay nangangahulugang isang araw upang paghilumin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating sarili, sa ating kapwa at sa mundo. Ang araw ng Linggo ang araw ng Muling Pagkabuhay, ang "unang araw" ng bagong nilikha, na ang unang bunga ay ang nabuhay na sangkatauhan ng Panginoon, ang panata ng huling pagbabagong-anyo ng lahat ng nalikhang reyalidad. Ipinahahayag din nito "ang walang hanggang pamamahinga ng tao sa Diyos". [168] Sa ganitong paraan, inilalakip sa ispiritwalidad Kristyano ang halaga ng pamamahinga at kasiyahan. Madalas tayong kumilos na ang pagninilay na pahinga ay isang bagay na walang bunga at hindi kinakailangan, subalit may kinalaman ito sa mismong bagay na napakahalaga tungkol sa paggawa: ang kahulugan nito. Tinawag tayo na isama sa ating trabaho ang kahalagahan ng pagtanggap at pabuya, na lubos na naiiba mula sa payak na kawalang pagkilos. Sa halip, isa itong pamamaraan ng paggawa, na bumubuo ng bahagi ng ating pinakadiwa. pinoprotektahan nito ang pagkilos ng tao mula sa pagiging hungkag na aktibismo; pinipigilan din nito ang di-mapigil na kadakiman at pagkakahiwalay na ginagawa tayong palahanap ng sariling pakinabang kahit mapinsala pa ang iba. Ipinagbabawal ng batas sa lingguhang pamamahinga na magtrabaho sa ikapitong araw, "upang makapagpahinga ang iyong baka at ang iyong bisiro, at ang anak ng iyong lingkod na babae, at ang dayo, ay mapreskuhan" (Ex 23:12). Iminumulat ng pahinga ang ating mata sa mas malawak na larawan at binibigyan tayo nito ng nagpapanumbalik na sensitibidad sa karapatan ng kapwa. At kaya ang araw ng pamamahinga, na nakasentro sa Eukaristiya, ang nagbihay liwanag sa buong linggo, at nag-uudyok sa atin sa mas matinding pag-aalala sa kalikasan at sa mga dukha.

VII. ANG TRINIDAD AT ANG UGNAYAN SA PAGITAN NG MGA NILALANG

238. Ang Ama ang pangunahing pinagmumulan ng lahat-lahat, ang mapagmahal at nakikipag-ugnayan sa sariling saligan ng lahat ng umiiral. Ang anak, ang kanyang pagninilay, kung saan lahat ng bagay ay nilikha, ay ipinagkaisa ang kanyang sarili sa sangkalupaang ito nang siya'y nabuo sa sinapupunan ni Maria. Ang Espiritu, ang walang katapusang bigkis ng pagmamahal, ang matalik na naroroon sa pinakapuso ng sanlibutan, nagbibigay-sigla at nagdadala ng bagong mga daanan. Nilikha ang daigdig ng tatlong Persona na kumikilos bilang iisang banal na simulain, ngunit bawat isa sa kanila'y kumilos sa nagkakaisang gawa batay sa kanilang sariling katangian. Bunga nito, "kapag pinagnilayan natin ng may pagkamangha ang sanlibutan sa lahat ng karangalan at kariktan nito, dapat nating papurihan ang buong Trinidad". [169]

239. Para sa mga Kristyano, ang maniwala sa isang Diyos na nasa pakikipagkaisa sa trinitaryano ay nagpapahiwatig na nag-iwan ng bakas ang Trinidad sa lahat ng nilalang. Sinabi pa sa kalaunan ni San Buenaventura na ang sangkatauhan, bago magkasala, ay nakita kung paanong ang bawat nilalang ay "nagpatotoo na ang Diyos ay tatlo". Ang pagninilay sa Trinidad ay naroroon upang makilala sa kalikasan "kung saan ang aklat na iyon ay bukas sa tao at nang hindi pa nangingitim ang ating mga mata". [170] Ipinangaral ng santong Franciscano na dinadala ng bawat nilalang sa kanyang sarili ang isang ispesipikong istrakturang Trinitaryano, na sadyang totoo na maaari agad itong pagnilayan kundi lang ang titig ng tao ay hindi gaanong kumikiling, madilim at marupok. Sa ganitong paraan, ipinunto niya sa atin ang hamon ng pagtatangkang basahin ang reyalidad sa isang susing Trinitaryano.

240. Ang mga Taong banal na tuluy-tuloy ang ugnayan, at ang mundo, na nilikha ayon sa banal na modelo, ay isang talakop ng pakikipag-ugnayan. Maaaring tumungo sa Diyos ang mga nilalang, at kasunod nito'y wasto lamang sa bawat nabubuhay na magtungo sa iba pang mga bagay, upang sa lawak ng sanlibutan makatagpo tayo ng anupamang bilang ng palagian at lihim na sala-salabat na pakikipag-ugnayan. [171] Dadalhin tayo nito hindi lang upang hangaan ang sari-saring ugnayang umiiral sa mga nilalang, kundi upang matuklasan ang susi ng ating sariling kasiyahan. Ang isang tao'y mas lumalago, mas nahihinog at mas bumabanal lalo't pumapasok siya sa isang ugnayan, kinakaligtaan na ang sarili upang mamuhay kaisa ng Diyos, kasama ang kapwa at ang lahat ng nilalang. Sa ganitong paraan, ginawa nilang sarili ang dinamismong trinitaryano na itinatak sa kanila nang sila'y nilikha. Ang lahat ng bagay ay nagkakaugnayan, at inaanyayahan tayo nitong bumuo ng ispiritwalidad ng daigdigang pagkakaisang iyon na dumadaloy mula sa misteryo ng Trinidad. 

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento