Sabado, Setyembre 5, 2015

talata 211-215

211. Gayunman ang edukasyong ito, na naglalayong lumikha ng "pang-ekolohiyang pagkamamamayan", paminsan-minsan ay limitado sa pagbibigay ng impormasyon, at nakakaligtaang makapaghasik ng magandang kaugalian. Ang pag-iral ng mga batas at patakaran ay hindi sapat sa katagalan upang supilin ang masamang pag-uugali, kahit na naroroon ang epektibong paraan ng pagpapatupad. Kung magdadala ang mga batas na ito makabuluhan at pangmatagalang epekto, dapat na mayorya ng mga kasapi ng lipunan ay maudyok silang sapat na matanggap ito, at magkaroon ng personal na pagbabago upang makatugon. Tanging sa paglinang ng mahusay na pagkamatuwid na makakaya ng mga tao na mag-alay ng walang pag-iimbot na panatang ekolohikal. Ang taong may kakayahang makagugol at makapagkonsumo ng higit ngunit laging gumagamit ng mas kaunting init at nagsusuot ng mas mainit na damit, ay nagpapakita ng uri ng mga paniniwala at kaugaliang nakatutulong sa pagprotekta ng kapaligiran. May pagkamarangal ang tungkulin sa pangangalaga ng sangnilikha sa pamamagitan ng malilit na pagkilos araw-araw, at kahanga-hanga kung paanong nagdala ng totoong pagbabago sa paraan ng pamumuhay. Ang edukasyon sa pananagutang pangkapaligiran ay nakapag-akit ng mga pamamaraan ng pagkilos na direkta at makabuluhang nakaaapekto sa mundong nakapaligid sa atin, tulad ng pag-iwas ng paggamit ng mga plastik at papel, pagbabawas ng pagkonsumo ng tubig, paghihiwalay ng mga basura, pagluluto lamang ng mga kayang kainin, pagpapakita ng malasakit sa ibang mabubuhay, paggamit ng pampublikong transportasyon o pagsasama-sama sa isang sasakyan imbes na dalawa o higit pa, pagtatanim ng mga puno, pagpatay ng hindi kinakailangang mga ilaw, o iba pang mga kinagawian. Lahat ng ito'y sumasalamin sa isang mapagbigay at karapat-dapat na pagkamalikhain na inilalabas ang pagkamahusay ng mga tao. Ang muling paggamit sa halip na itapon agad ang isang bagay, pag isinagawa sa wastong dahilan, ay isang pagkilos ng pagmamahal na nagpapahayag ng ating sariling dangal.

212. Huwag nating isiping ang mga pagsisikap na ito'y hindi makapagbabago ng mundo. Nakinabang ang lipunan, na kadalasang hindi natin alam, pagkat pinukaw nila ang kabutihang, bagamat di nakikita, ay hindi maaaring hindi kumalat. Bukod dito, ang mga ganitong pagkilos ay nakapagpapabalik ng ating pagpapahalaga sa sarili; ginagawa nilang maging masigla ang ating pamumuhay at madamang kapaki-pakinabang ang buhay sa mundo.

213. Maaaring maganap sa iba't ibang lugar ang pang-ekolohiyang edukasyon: sa paaralan, sa pamilya, sa pamahayagan o midya, sa katekismo at saanpaman. Nagtatanim ng binhi ang magandang edukasyon nang tayo'y bata pa, at patuloy itong namumunga sa buo nating buhay. Bagaman dito'y nais kong bigyang-diin ang malaking kahalagahan ng pamilya, na siyang "lugar kung saan ang buhay - ang handog ng Diyos - ay maaaring tanggapin ng maayos at protektado laban sa maraming pag-atake kung saan nalalantad ito, at maaaring mabuo alinsunod sa kung anong bumubuo sa tunay na paglago ng tao. Sa harap ng tinatawag na kultura ng kamatayan, ang pamilya ang puso ng kultura ng buhay". [149] Sa pamilya natin unang natutunan kung paano magpakita ng pagmamahal at paggalang sa buhay; tinuruan tayo sa wastong paggamit ng mga bagay, kaayusan at kalinisan, paggalang sa lokal na ekosistema at pangangalaga sa lahat ng nilikha. Sa pamilya natin natanggap ang makabuluhang edukasyon, na nagbibigay-daan sa atin upang maging maayos sa personal na matyuridad. Sa pamilya, natutunan nating magtanong nang hindi nanghihingi, ang magsabi ng "salamat" bilang pagpapahayag ng totoong pagkilala ng utang na loob sa anumang ibinigay sa atin, ang kontrolin ang ating kapusukan at pagkamakasarili, at humingi ng kapatawaran kung tayo'y nakapaminsala. Ang mga simpleng pagkilos ng taospusong paggalang ay nakatutulong na makalikha ng kultura ng ibinahaging buhay at paggalang sa nakapaligid sa atin.

214. Ang mga institusyong pampulitika at ang iba't iba pang panlipunang pangkat ay pinagkatiwalaan din sa pagtulong sa pag-angat ng kamalayan ng tao. Gayon din ang Simbahan. Ang lahat ng pamayanang Kristyano ay may mahalagang papel na ginagampanan sa edukasyong pang-ekolohiya. Umaasa akong ang ating mga seminaryo at mga bahay ng pormasyon ang nagbibigay ng edukasyon sa maypananagutang kapayakan sa buhay, sa pagninilay ng pasasalamat sa mundo ng Diyos, at sa pagmamalasakit sa pangangailangan ng dukha at pangangalaga ng kapaligiran. Dahil napakalaki ng nakataya, kailangan natin ng malalakas na institusyong magpapataw ng parusa sa mga pinsalang idinulot sa kapaligiran. Ngunit kailangan din natin ng mga personal na katangian ng pagpipigil sa sarili at kahandaang matuto sa bawat isa. 

215. Sa puntong ito, "ang ugnayan sa pagitan ng tunay na mabuting edukasyon at ang pagpapanatili ng malusog na kapaligiran ay hindi dapat makaligtaan". [150] Ang matutong makita at kalugdan ang kariktan, natutunan nating itakwil ang pansariling pakinabang na pragmatismo. Kung ang isa'y hindi natutong tumigil at hangaan ang anumang marikit, hindi tayo dapat magitla kung ituring niya ang anumang bagay bilang bagay na ginagamit at inaabuso ng walang pag-aalangan. Kung nais nating magdala ng malalim na pagbabago, dapat anting mapagtanto na ang ilang kaisipan ay tunay na nakaiimpluwensiya ng ating pag-uugali. Ang ating mga pagsisikap sa edukasyon ay hindi sapat at walang epekto maliban kkung magsisikap tayong itagiyod ang isang bagong paraan ng pag-iisip hinggil sa sangkatauhan, buhay, lipunan at ang ating ugnayan sa kalikasan. Kung hindi, ang modelo ng konsyumerismo ay patuloy na susulong, sa tulong ng midya at ng lubusang epektibong pagkilos ng merkado.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento