Lunes, Hunyo 29, 2015

talata 31-35

31. Ang mas matinding kakulangan sa tubig ay tutungo sa pagtaas ng presyo ng pagkain at sari-saring produkto na nakadepende sa paggamit nito. Nagbabala ang ilang pag-aaral na ang matinding kakulangan sa tubig ay maaaring maganap sa susunod na ilang dekada maliban kung magsasagawa ng agarang aksyon. Makakaapekto sa bilyun-bilyong tao ang mga pag-urong-sulong ng kapaligiran; naiisip na rin na ang pagkontrol sa tubig ng mga malalaking multinasyunal na negosyo ang maging pangunahing pagmulan ng digmaan sa siglong ito. [23]

III. PAGKAWALA NG SARIBÚHAY

32. Ang likasyaman ng daigdig ay dinarambong din dahil sa maikling pagtingin sa pagtugon sa ekonomya, komersyo at produksyon. Ang pagkawala ng mga kagubatan at mga kakahuyan ay dahilan ng pagkawala ng mga espésye na maaaring mabuo bilang napakahalagang likasyaman sa hinaharap, hindi lamang para sa pagkain kundi pati na rin sa paggamot ng mga sakit at iba pang mga paggamit. Naglalaman ang iba't-ibang espesye ng mga dyins na maaaring maging susing pagkukunan ng likasyaman sa mga darating na panahon para kamtin ang pangangailangan ng tao at para sa pag-aayos ng mga problema sa kapaligiran.

33. Gayunman, hindi sapat na isiping ang iba't ibang espésye ay mga maaari lamang "pinagkukunan ng likasyaman" na maaaring pagsamantalahan, habang nakakaligtaan ang katotohanang sila mismo ay may halaga sa kanilang sarili. Taun-taon ay kapuna-puna ang paglaho ng libu-libong espésye ng mga halaman at hayop na hindi natin malalaman, na hindi na makikita ng ating mga anak, dahil habambuhay nang nangawala ang mga iyon. Naglaho na ang malaking mayorya sanhi ng mga kadahilanang may kaugnayan sa gawain ng tao. Dahil sa atin, libu-libong espésye ang hindi na makakapagpuri sa Diyos sa kanila mismong pag-iral, o kaya'y ihatid ang kanilang mensahe sa atin. Wala tayong gayong karapatan.

34. Maaaring nakagagambala sa atin ang malaman ang paglaho ng mga mamalya o ibon, dahil sila ang kadalasang nakikita. Subalit ang mabuting paggana ng ekosistema ay nangangailangan din ng mga kolatkólat, álga, uod, reptilya, at di mabilang na sari-saring mikroorganismo. Ang ilang di gaanong maraming mga espésye, bagamat sa pangkalahatan ay hindi nakikita, ang may ginagampanang kritikal na papel sa pagpapanatili ng balansa ng isang partikular na lugar. Dapat makialam ang tao pag umabot na ang heosistema sa isang kritikal na kalagayan. Subalit sa kasalukuyan, ang mga ganitong pag-aalala sa kalikasan ay nagiging mas madalas. Bilang resulta, lumitaw ang malulubhang problema, humahantong ito sa karagdagang pakikialam; nagiging palasak sa maraming lugar ang gawain ng tao, kasama ang lahat ng panganib na dulot nito. Kadalasang nagreresulta ito sa masamang sirkulo, dahil ang pakikialam ng tao upang malutas ang problema ay lalong nagpapalala sa sitwasyon. Halimbawa, maraming ibon at insekto, na maglalaho dahil sa mga sintetikong lason sa paghahalaman, ang malaki ang naitutulong sa agrikultura; ang pagkalaho nila ay dapat mabayaran sa pamamagitan ng ibang pamamaraang maaaring mapatunayang mapanganib. Dapat nating pasalamatan ang mga kapuri-puring pagsisikap na ginawa ng mga syentipiko at mga inhinyero na nakatuon sa paghahanap ng kalutasan sa mga problemang ginawa ng tao. Ngunit ang mahinahon nating pagtingin sa daigdig ay nagpapakita ng antas ng pakikialam ng tao, na kadalasang para magsilbi sa interes ng negosyo at konsyumerismo, na sa totoo'y ginagawa ang ating daigdig na hindi na gaanong mayaman at maganda, na mas limitado at malabo, kahit na patuloy ang pag-abante ng teknolohiya at ang mga kalakal ay patuloy na sumasagana ng walang katapusan. Tila iniisip nating mapapalitan natin ang hindi na mapapalitan at hindi na maibabalik na kagandahan ng isang bagay na ating nilikha.

35. Sa pagtatasa sa epektong pangkapaligiran ng anumang proyekto, karaniwang lumilitaw ang pagmamalasakit sa mga epekto nito sa lupa, tubig at hangin, gayunman kakaunti ng mga isinagawang maingat na pag-aaral sa epekto nito sa saribúhay, na animo'y tila hindi gaanong mahalaga ang paglaho ng mga espésye o pangkat ng mga hayop at halaman. Ang mahahabang lansangan, ang mga bagong plantasyon, ang mga pagbabakod ng ilang tiyak na lugar, ang pagsasaplad ng pinanggagalingan ng tubig, at katulad na pagsulong, ang pagtulak palabas sa mga likas na tahanan, at sa maraming pagkakataon, ay pinaghihiwalay sila sa paraang ang populasyon ng mga hayop ay hindi na makalilikas o malayang makagagala. Bilang resulta, nahaharap sa pagkaubos ang ilang espésye. Umiiral ang mga alternatibo na kahit papaano ay makababawas sa epekto ng mga proyektong ito, tulad ng paglikha ng biyolohikal na pasilyo, ngunit iilang bansa lamang ang nagpakita ng pagmamalasakit at pag-intindi sa kinabukasan. Kadalasan, pag ang mga tukoy na espésye ay pinagsasamantalahan sa komersyo, maliit na atensyon ang inilalaan sa pag-aaral ng kanilang reproduktibong padron upang mapigilan ang kanilang pagkaubos at sa nangyaring kawalan ng balanse ng ekosistema.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento