Huwebes, Hunyo 25, 2015

talata 11-15

11. Tinutulungan tayo ni Francisco na makitang ang panloob na ekolohiya ay nananawagan ng pagiging bukas sa mga kategoryang lampas pa sa wika ng matematika at biyolohiya, at dinadala tayo sa puso kung paano ba maging tao. Tulad ng kung paano tayo umibig sa isang tao, na kapag napatingin siya sa araw, sa buwan o sa pinakamaliit mang hayop, ay bigla siyang aawit, inaakit ang iba pang nilalang sa kanyang pagpuri. Nakikipagniig siya sa lahat ng nilalang, maging sa mga bulaklak ay nangangaral, at inaanyayahan ang mga itong "purihin ang Panginoon, na animo'y may sarili silang pag-iisip". [19] Ang kanyang tugon sa daigdig na nasa kanyang paligid ay higit pa sa intelektwal na pagpapahalaga o pang-ekonomiyang kalkulus, dahil para sa kanya ang bawat nilalang ay kanyang kapatid na kaisa niya sa pagmamahalan. Ito ang dahilan kung bakit dama niyang tinawag siya upang pangalagaan ang lahat ng nabubuhay. Ang kanyang alagad na si San Buenaventura ay nagsabi sa atin na, "mula sa pagninilay hinggil sa pangunahing pinagmumulan ng lahat ng bagay, na puno ng mas masaganang kabanalan, tatawagin niya ang mga nilalang, gaano man ito kaliit, sa pangalang "kapatid". Ang paniwalang tulad nito'y di dapat balewalain bilang walang muwang na romantisismo, pagkat nakaaapekto ito sa mga pagpipiliang nagtatakda ng ating pag-uugali. Kung ang pakikitungo natin sa kalikasan at kapaligiran ay wala ng pagiging bukas na ito sa pagpapakundangan at pagkamangha, kung hindi na tayo magsasalita ng wika ng pagkakapatiran at kagandahan ng ating pakikipag-ugnayan sa daigdig, ang ating asal ay tulad ng mga amo, mga tagakonsumo, mga walang awang mapagsamantala, na di kayang magtakda ng limitasyon sa kanilang mga kagyat na pangangailangan. Sa kabaligtaran, kung dama nating tapat tayong kaisa ng lahat ng nabubuhay, ang kahinahunan at pangangalaga ay kusang lilitaw. Ang karukhaan at katipiran ni San Francisco ay di lamang paimbabaw na asetisismo, kundi isang bagay na mas radikal; isang pagtanggi na ang reyalidad ay maging bagay na magagamit lamang at makokontrol.

12. Higit pa riyan, inaanyayahan tayo ni San Francisco, na matapat sa Banal na Kasulatan, na masdan ang kalikasan bilang isang maringal na aklat kung saan nakikipagtalastasan sa atin ang Diyos at ipagkaloob sa atin ang isang sulyap ng kanyang walang katapusang kagandahan at kabutihan. "Dahil sa kadakilaan at kagandahan ng mga nilalang ay makikilala nila ang lumikha sa kanila pamamagitan ng paghahambing" (Wis 13:5) kaya, "ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay kinilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa mula pa ng likhain ang daigdig" (Rom 1:20). Sa ganitong kadahilanan, hiniling ni Francsico na ang bahagi ng hardin ng seminaryo ay iwanan laging hindi nagagalaw, upang ang mga ligaw na bulaklak at yerba ay magsitubo roon, at yaong mga nakakita sa kanila ay taasan ang kanilang pag-iisip sa Diyos, ang lumikha ng gayong kagandahan. [21] Imbes na isang suliraning dapat malutas, ang daigdig ay isang masayang misteryo na dapat pagnilayan ng may kagalakan at pagpuri.

Ang aking apila

13. Ang agarang hamon upang protektahan ang tahanan nating lahat kabilang ang pag-aalalang dalhin ang buong pamilya ng tao ng sama-sama upang maghanap ng isang sustenable at mahalagang pag-unlad, dahil alam nating nagbabago ang mga bagay. Di tayo iniwan ng Lumikha; hindi niya pinabayaan ang kanyang sintang balak o magsisi sa pagkakalikha sa atin. May kakayahan ang sangkatauhan na magkakasamang magtrabaho upang buuin ang tahanan nating lahat. Dito'y nais kong kilalanin, hikayatin at magpasalamat sa lahat ng mga nagsisikap sa di mabilang na pamamaraan upang tiyakin ang pangangalaga sa tahanang ating pinagsusunuan. Partikular na pagpapahalaga ay utang sa mga taong walang kapagurang maghanap upang malutas ang kalunos-lunos na epekto ng marawal na kalagayan ng kapaligiran sa buhay ng pinakamahihirap sa daigdig. Nananawagan ang mga kabataan ng pagbabago. Namamangha sila kung paanong ang mga tao ay nagbubuo ng mas magandang kinabukasan nang hindi iniisip ang krisis sa kapaligiran at ang pagdurusa ng mga binabalewala.

14. Kaya kagyat akong umaapila para sa isang panibagong pag-uusap hinggil sa paano natin uugitin ang kinabukasan ng ating planeta. Kailangan natin ng pag-uusap na kasama lahat, pagkat ang hamon ng kapaligirang ating kinakaharap, pati ang pinagmulang tao, ay nakapag-aalala at nakakaapekto sa ating lahat. Malaking progreso na nagawa ng pandaigdigang kilusang ekolohikal at tumungo sa pagtatatag ng maraming mga samahang nakatuon sa pagpapataas ng kamulatan hinggil sa ganitong mga hamon. Sa kasamaang-palad, napatunayang hindi epektibo ang maraming mga pagsisikap na maghanap ng kongkretong kalutasan sa krisis sa kapaligiran, hindi pa dahil sa makapangyarihang oposisyon kundi dahil sa mas malawak na kawalan ng interes. Ang ugaling mapaghadlang, kahit na sa hanay ng mga mananampalataya, ay sumasaklaw mula sa pagkaila ng mga problema hanggang sa kawalang-malasakit, wala sa loob na pagbibitiw, o bulag na pagtitiwala sa mga solusyong teknikal. Kinakailangan natin ng isang bago at unibersal na pagkakaisa. Tulad ng tinuran ng mga obispo ng Katimugang Aprika: "Kinakailangan ang talino at paglahok ng lahat upang lunasan ang pinsalang dulot ng pang-aabuso ng tao sa nilikha ng Diyos". [22] Lahat tayo'y maaaring magtulungan bilang instrumento ng Diyos upang pangalagaan ang sangnilikha, na bawat isa'y batay sa kanyang sariling kultura, karanasan, paglahok at talino.

15. Inaasahan kong ang Liham Ensiklikong ito, na nadagdag na sa salansang ng panlipunang katuruan ng Simbahan, ay makatutulong sa atin upang kilalanin ang apila, malawak, at kakagyatan ng kinakaharap nating hamon. Magsisimula ako sa dagliang pagrepaso ng iba't ibang aspekto ng kasalukuyang krisis ekolohikal, na may layuning makahalaw sa mga resulta ng pinakamahuhusay na pananaliksik sa agham na mayroon na sa kasalukuyan, na hinahayaan silang hipuin tayo ng malalim at magbigay ng kongkretong pundasyon para sa sumusunod na itineraryong etikal at ispiritwal. Isinasaalang-alang ko ngayon ang ilang mga prinsipyong hinalaw mula sa tradisyong Judaeo-Kristyano na maghahatid ng mas maliwanag ng ating pangako sa kapaligiran. Susubukan ko na ring makarating sa ugat ng kasalukuyang kalagayan, upang isaalang-alang di lamang ang mga sintomas nito kundi pati na rin ang mga napakalalim nitong mga dahilan. Makatutulong ito sa paglalaan ng pamamaraan sa ekolohiya nang gumagalang sa ating natatanging pwesto bilang tao sa daigdig na ito at sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapaligiran. Dahil sa pagninilay na ito, isinusulong ko ang ilang mas malawak na panukala para sa pag-uusap at pagkilos kung saan kasangkot ang bawat isa sa atin bilang indibidwal, at makaaapekto rin sa pandaigdigang patakaran. Panghuli, kumbinsido akong imposible ang pagbabago kung walang motibasyon at isang proseso ng edukasyon, magbibigay ako ng ilang inspiradong patnubay para sa pag-unlad ng tao na matatagpuan sa yaman ng Kristyanong karanasang ispiritwal.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento