Huwebes, Hulyo 9, 2015

talata 116-120

116. Mababakas ang modernidad sa isang labis na antroposentrismo na sa kasalukuyan, sa ilalim ng ibang balatkayô, ay patuloy na nakatindig sa paraang nagbabahaginan ng pag-unawa at sa anumang pagsisikap na patibayin pa ang panlipunang pagkakabuklod. Dumating na ang panahon upang pansining muli ang reyalidad at ang mga ipinataw nitong limitasyon; ito ngayon ang kalagayan para sa isang mas malusog at kapaki-pakinabang na pag-unlad ng mga tao at ng lipunan. Ang isang hindi angkop na pagtatanghal ng antropolohiyang Kristyano ang nagpukaw ng maling pagkaunawa sa ugnayan ng mga tao at ng mundo. Kadalasan, ang ibinibigay ay ang Prometyanong pagtingin ng karunungang nangibabaw sa mundo, na nagbigay ng impresyon na ang pangangalaga sa kalikasan ay bagay na inaalala lamang ng mga duwag. Sa halip, dapat unawaing mabuti ang "pamamahala" natin sa sanlibutan sa kahulugan ng pag-aalagang may pananagutan. [94]

117. Ang makaligtaang masubaybayan ang pagpinsala sa kalikasan at ang epekto sa kapaligiran ng ating mga desisyon ang tanging matinding senyales ng pagwawalang-bahala sa mensaheng nakapaloob sa kaayusan mismo ng kalikasan. Kapag nabigo tayong kilalanin bilang bahagi ng reyalidad ang kahalagahan ng isang dukha, isang similya ng tao, isang taong may mga kapansanan - upang magbigay ng ilang halimbawa lamang - nagiging mahirap nang marinig ang panaghoy ng mismong kalikasan; ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kapag ipinahayag na ng tao ang pagsasarili sa reyalidad at kumikilos nang may ganap na pamamahala, ang totoong pundasyon ng ating buhay ay nagsisimula nang gumuho, dahil "imbes na gampanan ang kanyang papel bilang katuwang ng Diyos sa gawain ng paglikha, ipinalit ng tao ang kanyang sarili sa pwesto ng Diyos at humantong ito sa pinukaw na maghimagsik sa panig ng kalikasan". [95]

118. Humantong ang kalagayang ito sa palagiang eskizofrenya, kung saan ang teknokrasya'y walang nakikitang tunay na kahalagahan sa mas mababang tao na kasabay na umiiral ng iba pa sa kasukdulan, na walang nakikitang espesyal na halaga sa sangkatauhan. Subalit walang sinumang mapagwawalang-bahala ang sangkatauhan. Walang anumang pagbabago ng ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan nang walang pagbabago mismo sa sangkatauhan. Walang ekolohiya ng walang angkop na antropolohiya. Kapag itinuring ang isang tao bilang simpleng tao tulad ng iba, isang produkto ng pagkakataon o pisikal na determinismo, pagkatapos "ang ating pangkalahatang kamalayan sa pananagutan ay papaliit". [96] Ang maling gabay na antroposentrismo ay di kinakailangang magbunga ng  "biyosentrismo", dahil nangangailangan itong magdagdag ng isa pang imbalanse (o kawalan ng timbang), bigong lutasin ang kasalukuyang mga problema at pagdadagdag ng mga bago. Hindi maaasahan ang mga tao na madama ang pananagutan sa mundo maliban na lang, kasabay nito, ay kinikilala at pinahahalagahan ang kanilang natatanging kakayahan sa karunungan, kalooban, kalayaan at pananagutan.

119. O maging ang pagpuna sa maling gabay na antroposentrismo ay minamaliit ang kahalagahan ng ugnayan ng isa't isa. Kung ang kasalukuyang krisis sa ekolohiya ay isang maliit na senyales ng etika, kultura at ispiritwal na krisis ng modernidad, hindi natin dapat akalaing malulunasan ang ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan at sa kapaligiran nang hindi nalulunasan ang lahat ng pangunahing pakikipag-ugnayan ng tao. Nakikita ng kaisipang Kristyano ang tao na nagtataglay ng partikular na dignidad kaysa iba pang nilalang; kaya ikinikintal nito ang pagpapahalaga sa bawat tao at ang paggalang sa isa't isa. Ang pagiging bukas natin sa ating kapwa, ang bawat isa'y isang "ikaw" na kayang umalam, magmahal at pumasok sa isang pag-uusap, ang nananatiling isang pinagmulan ng ating pagkamaharlika bilang tao. Isang wastong pakikipag-uganayn sa nilikhang mundi na humihiling na hindi natin dapat pahinain ang panlipunang kalagayan ng pagiging bukas sa kapwa, na mas mababa pa sa talagang kalagayan ng ating pagiging bukas sa "Ikaw" ng Diyos. Ang ating pakikipag-ugnayan sa kapaligiran ay hindi maibubukod sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos. Kung hindi, ito'y hindi hihigit kaysa romantikong indibidwalismo na nadadamitan lang ng pang-ekolohiyang palamuti, na ikinukulong tayo sa isang nakaiinis na katangian.

120. Sapagkat ang lahat ay magkakaugnay, ang pagmamalasakit para protektahan ang kalikasan ay salungat din sa pagbibigay-katwiran ng aborsyon. Paano natin totoong maipangangaral ang kahalagahan ng pagmamalasakit sa iba pang mahihinang nilalang, gaano man kaligalig o nakasasagabal sila, kung bigo tayong protektahan ang similya ng tao, kahit na ang presensya nito'y nakababalisa at lumilikha ng mga problema? Kung ang personal at panlipunang kaselanan sa pagtanggap ng bagong buhay ay nawala, kung gayon ang iba pang anyo ng pagtanggap na mahalaga sa lipunan ay naglalaho rin". [97]

Itutuloy...

talata 111-115

111. Hindi mapapaliit ang kulturang pang-ekolohiya sa serye ng agaran at unti-unting pagtugon sa mga kagyatang problema ng polusyon, pagkabulok na pangkapaligiran at ang pagkasira ng likasyaman. Kailangan ng natatanging paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, isang paraan ng pag-iisip, mga polisiya, programang pang-edukasyon, estilo ng pamumuhay at ispiritwalidad na sama-samang bubuo ng pagtutol sa pag-atake ng teknokratikong modelo. Kung hindi, kahit na ang pinakamahusay na pang-ekolohiyang inisyatiba ay makikitang naiipit din sila sa kaparehong pandaigdigang lohika. Ang maghanap lamang ng teknikal na remedyo sa bawat lumitaw na problemang pangkalikasan ay paghiwalay sa kung anong sa reyalidad ay magkakakonekta at ikubli ang totoo at pinakamalalim na problema ng pandaigdigang sistema.


112. Gayunman muli nating lalawakan pa ang ating pananaw. May kalayaan tayong kinakailangan upang takdaan at pangasiwaan ang teknolohiya; magagamit natin ito upang magsilbi sa iba pang tipo ng progreso, kung saan mas malusog, mas makatao, mas panlipunan, mas makabuluhan. Paminsan-minsan naman ay nagaganap ang kalayaan mula sa nangingibabaw na teknokratikong modelo, halimbawa, kapag ginamit na ng kooperatiba ng mga maliliit na tagalikha ang di nagpaparuming moda ng produksyon at pinili ang hindi pangkonsumong modelo ng pamumuhay, libangan at pamayanan. O kaya'y kapag ang teknolohiya'y pangunahing nakadirekta sa paglutas ng mga kongkretong problema ng tao, na totoong nakakatulong sa kanila upang mabuhay ng mas marangal at di gaanong nagdurusa. O kaya naman kapag ang pagnanais na makalikha at mapagnilayan ang kariktan ay mapaglabanan ang reduksyunismo sa pamamagitan ng isang uri ng kaligtasang nagaganap sa kariktan at sa mga nagmamasid dito. Isang tunay na sangkatauhan, na nananawagan ng isang bagong sintesis, ay tila baga nananahan sa gitna ng ating kulturang panteknolohiya, na halos di pansin, tulad ng ambong marahang tumutulo sa ilalim ng isang pintuang nakapinid. Tatagal ba ang pangako, sa kabila ng lahat, kung saan lahat ng matwid ay nagsisipagbalikwas sa matinding pagtutol? 


113. Nariyan din ang katotohanang ayaw na ng taong maniwala sa isang masayang kinabukasan; wala na silang bulag na pagtitiwala sa isang mas magandang bukas batay sa kasalukuyang kalagayan ng mundo at ng ating teknikal na kakayahan. Nariyan na rin ang lumalagong kamalayan na ang siyentipiko at panteknolohiyang pag-unlad ay hindi maaaring ihambing sa pagsulong ng sangkatauhan at ng kasaysayan, isang lumalagong kamalayan na nakasalalay saanman ang daan patungo sa mas magandang bukas. Ito'y hindi upang tanggihan ang mga posibilidad na patuloy na iniaalok sa atin ng teknolohiya. Subalit malaki ang ipinagbago ng sangkatauhan, at ang pagkaipon ng patuloy na mga bagong karanasan ang nag-angat sa mga panlabas na anyong humihila sa atin patungo sa isang direksyon. Magiging mahirap ang sandaling paghinto at mabawi ang kalaliman sa buhay. Kung sumasalamin sa arkitektura ang diwa ng isang panahon, ang ating mga dambuhalang istruktura at mapapanglaw na silid ang nagpapahayag ng diwa ng daigdigang teknolohiya, kung saan ang patuloy na pagbaha ng mga bagong produkto ay umiiral kasabay ng isang nakababagot na iisang kalakaran. Huwag natin itong bitawan, at patuloy tayong mamangha sa layunin at kahulugan ng samutsaring bagay. Kung hindi'y binibigyang katwiran lang natin ang kasalukuyang kalagayan at kailangan natin ng bagong anyo ng pagtalikod sa katotohanan upang makatulong sa ating tiisin ang kawalan.


114. Ipinapakita ng lahat ng ito ang kagyat na pangangailan nating sumulong na patungo sa isang mapangahas na rebolusyong pangkultura. May kinikilingan ang agham at teknolohiya; mula sa umpisa hanggang sa matapos ang isang proseso, samutsaring layunin ang nagaganap at nagkakaroon ng iba't ibang hugis. Walang nagmumungkahing bumalik tayo sa Panahon ng Bato, ngunit dapat magdahan-dahan tayo at masdan ang reyalidad sa ibang paraan, upang makaangkop sa mga positibo at sustenableng progresong naisagawa, kundi upang bawiin din ang mga kaugalian at mga dakilang layuning naitaboy palayo ng ating di masawatang kahibangan sa karangalan.


III. ANG KRISIS AT EPEKTO NG MODERNONG ANTOPOSENTRISMO


115. Ang modernong antroposentrismo'y balintunang nagdulo sa pagpapahalaga sa kaisipang teknikal kaysa reyalidad, pagkat "nakikita ng isipang teknolohikal ang kalikasan bilang isang walang buhay na kaayusan, isang malamig na lupon ng katotohanan, na basta 'nariyan na lang', bilang isang kasangkapang nagagamit, bilang hilaw na materyales na mapupukpok sa kapaki-pakinabang na hugis; tinitingnan nito ang kalawakan kapara ng 'espasyo' lang kung saan maitatapon ang mga bagay ng may ganap na pagwawalang-bahala". [92] Kaya nalagay sa alanganin ang tunay na dignidad ng mundo. Kapag nabigo ang sangkatauhang makita ang kanilang tunay na kinalalagyan sa mundo, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili at humahantong sila sa pagkilos laban sa kanilang sarili. "Hindi lang ibinigay ng Diyos ang daigdig sa tao, na dapat gumamit dito ng may paggalang sa totoong magandang layuning ipinagkaloob dito, ngunit, ang tao ay kaloob din ng Diyos sa kapwa tao. Kaya dapat niyang igalang ang likas at mabuting kaayusang ipinagkaloob sa kanya". [93]


Itutuloy...

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

talata 106-110

II. ANG GLOBALISASYON NG TEKNOKRATIKONG MODELO


106. Ang batayang problema'y lalong lumalalim: iyon ang paraang tinahak ng sangkatauhan sa teknolohiya at sa pag-unlad nito ayon sa paghahambing at isang dimensyunal na modelo. Ang modelong ito'y nag-aangat ng konsepto ng isang bagay na, gamit ang pamamaraang lohikal at rasyunal, ay progresibong tumutugon at kumokontrol sa isang panlabas na bagay. Ginawa ng bagay na ito na magsikap na itatag ang pamamaraang siyentipiko at eksperimental, na sarili mismo nito'y isang pamamaraan ng pag-angkin, kadalubhasaan at transpormasyon. Tila baga matatagpuan ng bagay sa sarili nito sa presensya ng anumang walang anyo, na ganap na bukas sa manipulasyon. Ang mga tao'y patuloy na nakikialam sa kalikasan, ngunit sa mahabang panahon nangangahulugan itong nasa himig at gumagalang sa posibilidad na inihahandog mismo ng sarili nito. Ito'y isang pamamaraan ng pagtanggap kung anong ipinahihintulot ng kalikasan, na animo'y galing mismo sa kamay nito. Ngayon, sa kabaligtaran, tayo ang naglalatag ng ating mga kamay sa mga bagay-bagay, na nagtatangkang higupin ang anumang maaari sa kanila habang hinahayaan o kinakaligtaan ang reyalidad na nasa ating harap. Hindi na pinatagal ng mga tao at mga materyal na bagay ang magiliw na kamay sa bawat isa; ang relasyon ay naging hamunan. Mas madali nitong tanggapin ang ideya ng walang katapusang paglago, na napatunayang nakapang-aakit sa mga ekonomista, tagapondo at eksperto sa teknolohiya. Batay ito sa kasinungalingang may walang katapusang pagtustos ng mga kalakal sa daigdig, at humahantong upang mapiga ng todo ang planeta nang lampas sa bawat limitasyon nito. Ito ang mga maling pagtingin na "isang walang katapusang dami ng enerhiya at likas-yamang magagamit, na maaaring muling mabago ito agad, at madaling maunawaan ang negatibong epekto ng pagsasamantala sa likas na kaayusan". [86]


107. Masasabing ang marami sa mga problema ng kasalukuyang mundo ay nagmumula sa mga gawi, na minsan ay walang malay, upang maging epistemolohikal na modelo ang pamamaraan at layunin ng agham at teknolohiya na umugit sa buhay ng mga indibidwal at mga ginagawa ng lipunan. Ang epekto ng pagtutulak ng ganitong modelo ng reyalidad sa kabuuan, pantao at panlipunan, ay nakikita sa pagkasira ng kalikasan, ngunit ito'y isang tanda ng reduksyonismo na nakaapekto sa bawat aspeto ng pamumuhay ng tao at ng lipunan. Dapat nating tanggapin na ang produktong teknolohikal ay hindi walang kinikilingan, pagkat lumikha sila ng balangkas na humantong sa pag-aayos ng pamumuhay at umugit ng panlipunang posibilidad sa hanay na dinidiktahan ng interes ng ilang grupong makapangyarihan. Ang mga desisyong tila lubos na nakatutulong, sa katunayan, ay desisyon tungkol sa uri ng lipunang nais nating buuin. 


108. Ang kaisipan ng pagtataguyod ng iba't ibang kultural na modelo at paggamit ng teknolohiya bilang instrumento lamang sa ngayon ay hindi aakalain. Ang teknolohikal na modelo ay mas nangingibabaw na mahirap gawin nang walang pagkukunan at mas mahirap silang gamitin nang hindi nangingibabaw ang kanilang panloob na lohika. Naging kontrakultura ito sa pagpili ng pamumuhay na may layuning ang ilang bahagi'y malaya sa teknolohiya, sa gastusin nito at sa kapangyarihang gawing pandaigdigan at tayo'y maging magkakapareho. May gawi ang teknolohiyang kamtin lahat ng bagat sa mahigpit na lohika nito, at yaong napapaligiran ng may teknolohiya "na lubusang nalalamang kikilos ito ng pasulong na sa huling pagsusuri'y hindi para sa tubô o para sa kabutihan ng sangkatauhan", na "sa pinakaradikal na kahulugan ng katagang kapangyarihan ay ang motibo nito - isang pagkapanginoon sa lahat". [87] Bilang resulta, "sinamsam ng tao ang pagkapit sa mga hubad na elemento ng kalikasan at ng kalikasan ng tao". [88] Ang kakayahan nating gumawa ng desisyon, isang mas totoong kalayaan at ang lugar para sa bawat alterbatibong pagkamalikhain ay napaliit.


109. May gawi ring pangibabawan ng teknokratikong modelo ang pamumuhay pang-ekonomya at pampulitika. Tinanggap ng ekonomya ang bawat pag-abante sa teknolohiya nang may pananaw sa tubô, nang walang pagtingin sa maaaring negatibong epekto nito sa sangkatauhan. Natabunan ng pinansya ang totoong ekonomya. Ang mga aral ng daigdigang krisis pinansya ay hindi pa nalalagom, at mabagal natin natututuhan ang mga aral ng pagkasira ng kapaligiran. Pinanindigan ng ilang sirkulo na ang kasalukuyang ekonomya at teknolohiya ang makalulutas sa lahat ng problema sa kapaligiran, at nangatwiran, sa popular at di-teknikal na mga kataga, na ang pandaigdigang kagutuman at kahirapan ay malulutas lamang ng paglago ng pamilihan. Halos wala silang pakialam sa ilang mga teoryang pang-akonomya na sa ngayon ay bahagyang pinangangahasang ipagtanggol ng sinuman, kaysa kanilang aktwal na operasyon sa paggana ng ekonomya. Maaaring di nila mapagtibay ang mga teoryang iyon sa salita, gayunman, sinusuportahan ito ng kanilang mga gawa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kawalan ng interes sa mas balanseng antas ng produksyon, mas maayos na pamamahagi ng yaman, pagmamalasakit sa kapaligiran at ang karapatan ng mga susunod na henerasyon. Ipinakikita ng kanilang pag-uugali na para sa kanila, sapat na ang pagpapalaki pang lalo ng tubô. Gayong hindi magantyahan mismo ng merkado ang sarili nito ng kabuuang pagpapaunlad sa tao at pagpapasaklaw sa lipunan. [89] Kasabay nito, mayroon tayong "isang tipo ng 'matinding pag-unlad' ng isang maaksaya at tipong mapagkonsumo, na ginawa ang isang di katanggap-tanggap na kabaligtaran sa mga nagaganap na kalagayang masahol na kapabayaan", [90] habanag napakabagal natin sa pagsusulong ng mga institusyong pang-ekonomya at panlipunang mga hakbangin kung saan makapagbibigay sa mga mahihirap ng palagiang mapagkukunan ng batayang pangangailangan. Bigo tayong makita ang napakalalim na ugat ng ating kasalukuyang kabiguan, na may kinalaman sa direksyon, layunin, kahulugan at panlipunang kahihinatnan ng mga panteknolohiya at pang-ekonomyang paglago.


110. Ang espesyalisasyon na nauukol sa teknolohiya ang nagpahirap na makita ang mas malaking larawan. Ang paunti-unting pagbabahagi ng kaalaman ay napatunayang nakatutulong para sa mga kongkretong paggagamitan, gayunman, humahantong ito sa pagkawala ng pagpapahalaga sa kabuuan, sa ugnayan ng mga bagay-bagay, at sa mas malawak na kaligiran, na sa kalaunan ay wala nang kaugnayan. Ang katotohanang ito'y nagpahirap upang matagpuan ang mga angkop na pamamaraan upang malutas ang mas masalimuot na suliranin ng daigdig sa kasalukuyan, lalo na yaong hinggil sa kapaligiran at sa mga dukha; ang mga problemang ito'y di matutugunan ng isang pananaw lamang o ng isang takdang interes. Ang agham na nag-aalok ng mga solusyon sa malalaking usapin ay kinakailangang isaalang-alang ang mga fdatos na nakuha ng iba pang larangan ng kaalaman, kasama na ang pilosopiya at panlipunang etika; ngunit napakahirap matamo ngayon ang ganitong gawi. Wala ring tunay na paligid ng kabutihan kung saan maaaring makapag-apila ang sinuman. Ang buhay ay unti-unting naging pagsuko sa mga kalagayang kinukundisyon ng teknolohiya, na ang sarili mismo'y tinitingnan bilang pangunahing susi sa kahulugan ng buhay. Sa kongkretong sitwasyong kinakaharap natin, may ialng mga sintomas na tumukoy kung ano ang mali, tulad ng pagkasira ng kapaligiran, pagkabalisa, pagkawala ng layunin ng buhay at ng pamumuhay ng pamayanan. Muli nakikita nating "ang reyalidad ay mas mahalaga kaysa mga ideya". [91]


Itutuloy...

Martes, Hulyo 7, 2015

talata 101-105

IKATLONG KABANATA


ANG PINAG-UGATANG PANTAO NG KRISIS SA EKOLOHIYA


101. May kahirapang mailawaran ang mga sintomas kung walang pagkilala sa pinagmulang kagagawan ng tao hinggil sa krisis sa ekolohiya. Naging pilipit na ang ilang paraan ng pagkakaunawa sa buhay at gawain ng tao, na naging dahilan ng malubhang kapinsalaan ng ating mundo. Tumigil muna kayâ tayo sandali at pagnilayan ito? Sa yugtong ito, iminumungkahi kong pagtuunan natin ang nangingibabaw na teknokratikong modelo at ang kinatatayuan ng sangkatauhan at ng gawain ng tao sa mundo.


I. ANG TEKNOLOHIYA, PAGKAMALIKHAIN AT KAPANGYARIHAN


102. Pumasok na ang sangkatauhan sa bagong yugto kung saan ang ating teknikal na kadalubhasaan ang nagdala sa atin sa sangangdaan. Tayo ang mga benepisyaryo ng dalawang siglo ng malalaking daluyong ng pagbabago: ang aparato ng singaw, ang daangbakal, ang telegrapo, kuryente, mga awto, eroplano, industriya ng kemikal, modernong medisina, teknolohiya ng impormasyon at, nito lamang, ang rebolusyong didyital, robotika, bayoteknolohiya, at nanoteknolohiya. Tama lamang na magsaya sa mga pag-unlad na ito at maging masigla sa napakalawak na mga posibilidad kung saan patuloy silang nagbubukas bago tayo, pagkat "ang agham at teknolohiya ay mga nakamamanghang produkto ng pagkamalikhaing kaloob ng Diyos sa tao". [81]. Ang modipikasyon ng kalikasan para sa layuning kapaki-pakinabang ay nagpatanyag sa pamilya ng tao mula sa umpisa; ang mismong teknolohiya'y "nagpapahayag ng panloob na tensyon na nagtulak sa tao na unti-unting pagtagumpayan ang mga materyal na limitasyon". [82] nalutas ng teknolohiya ang di mabilang na kasamaan na ginamit upang makapinsala at malimitahan ang sangkatauhan. Paanong hindi natin mararamdamang magpasalata at pahalagahan ang mga pag-unlad na ito, lalo na sa larangan ng medisina, pagiinhinyero, at komunikasyon? Paanong hindi natin kikilalanin ang ginawa ng maraming mga siyentipiko at inhinyero na nagbigay ng mga alternatibo upang mangyari ang sustenableng pag-unlad?


103. Pag napangasiwaan ng tama, makalilikha ang teknosiyensya ng mahahalagang pamamaraan ng pagpapahusay ng kalidad ng buhay ng tao, mula sa kapaki-pakinabang na mga domestikong kagamitan hanggang sa malalaking sistema ng transportasyon, mga tulay, mga gusali at mga pampublikong lugar. Nakalilikha rin ito ng sining at nalulong din ang mga tao sa materyal na mundo upang "makalundag" sa mundo ng kariktan. Sinong tatanggi sa rikit ng isang sasakyang panghimpapawid o napakatayog na gusali? Gumagamit na rin ng mga bagong teknolohiya ang mga mahahalagang gawa ng sining at musika. Kaya, ang rikit na inilaan ng isang gumagamit ng mga bagong instrumentong teknikal at sa pagninilay sa gayong kariktan, nangyayari ang isang kabuuang paglundag, na nagreresulta sa isang kaganapang natatangi sa tao. 


104. Gayunman, dapat din nating matantong ang enerhiyang nukleyar, bayoteknolohiya, teknolohiya ng impormasyon, kaalaman ng ating DNA, at iba pang kakayahang nakamit natin, ang nagbigay sa atin ng matinding kapangyarihan. Mas tiyak, ibinigay nila sa mga may kaalaman, at lalo na sa likasyamang pang-ekonomya na magagamit nila, ang nakakapukaw na pangingibabaw nila sa buong sangkatauhan at sa buong mundo. Hindi pa nagkakaroon ng gayong kapangyarihan ang sangkatauhan para pangibabawan ang sarili, ngunit walang nagtiyak na magagamit ito ng tama, lalo na kung isasaalang-alang natin kung paano ito ginagamit sa kasalukuyan. Kailangan nating isipin ang pagbagsak ng mga bombang nukleyar sa kalagitnaan ng ikadalawampung siglo, o ang pagtanggal sa teknolohiya kung saan ang mga ito'y ginamit ng Nazismo, Komunismo at iba pang rehimeng totalitaryano upang pumatay ng milyun-milyong tao, ang walang masabi sa paparaming lagakan ng nakamamatay na sandatang mayroon para sa modernong digmaan. Nakaninong mga kamay nakasalalay ang mga kapangyarihang ito, o ito'y basta na lang magwawakas? Lubhang mapanganib kung magkakaroon nito ang iilang pulutong lang ng tao.


105. May kagawiang paniwalaang ang bawat pagtaas ng antas ng kapangyarihan ay mangahulugang "paglaki ng mismong kaunlaran", isang pag-abante sa "seguridad, pagiging kapaki-pakinabang, kapakanan at kalakasan; ... ang pagkaunawa sa mga bagong kabuluhan sa daloy ng kultura', [83] na tila baga ang reyalidad, kabutihan at katotohanan ay kusang dumadaloy mula sa naturang panteknolohiya at pang-ekonomyang kapangyarihan. Ang totoo'y ang "kotemporaryong tao ay hindi nasanay kung paano gamitin ang kapangyarihan ng wasto", [84] sapagkat ang napakalawan nating kaunlarang panteknolohiya ay hindi nalalangkapan ng pagsulong sa pananagutan, kaugalian at budhi ng tao. Ang bawat panahon ay nagkakaroon lang ng kaunting kamalayan sa kanyang sariling mga limitasyon. Maaaring hindi pa natin nagagagap ang kabigatan ng mga kinakaharap nating hamon. Lumalaki ang panganib sa araw-araw na hindi ginagamit ng tao ang kanyang kapangyarihan ng tamâ"; ang epekto, "hindi naisasaalang-alang ang kapangyarihan kung pag-uusapan ang pananagutan sa pagpipilian na likas sa kalayaan" dahil ang "tanging pamantayan ay kinuha mula sa di umano'y pangangailangan, mula sa alinman sa pagiging gamit o katiyakan nito". [85] Ngunit hindi ganap na nakapagsasarili ang tao. Naglalaho ang ating kalayaan kapag napasakamay ito ng bulag na pwersa ng kawalang malay, ng kagyat na pangangailangan, ng sariling interes, at ng karahasan. Sa ganitong dahilan, hubad tayo at nalalantad sa harap ng ating papalaking kapangyarihang kapos sa kakayahang makontrol ito. May mga ilan tayong mabababaw na pamamaraan, ngunit hindi natin masasabing mayroon tayong masiglang etika, isang kultura at ispiritwalidad na totoong kayang magtakda ng limitasyon at magturo sa malinaw na isip ng pagpipigil sa sarili.


Itutuloy...

Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 96-100

VII. ANG TITIG NI HESUS

96. Kinuha ni Hesus ang pananampalatayang biblikal sa Diyos na Lumiha, ipinagdiinan ang batayang katotohanan: Ang Diyos ang Ama (sg. Mt 11:25). Sa pakikipag-usap sa kanyang mga alagad, aanyayahan sila ni Hesus upang kilalanin ang ugnayang pagkaama ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Kumikilos ng may pagmamahal paaalalahan niya sila na bawat isa sa kanila ay mahalaga sa mata ng Diyos: "Hindi ba't ibinebenta ang limang langaylangayan sa halagang dalawang sentimo? At wala mang isa sa kanila ang kinalimutan sa harap ng Diyos" (Lk 12:6). "Masdan nyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila nagtatanim o nag-aani o nagtitipon sa mga kamalig, gayunman, pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit" (Mt 6:26).

97. Nagawang anyayahan ng Panginoon ang iba na maging masigasig sa kagandahang mayroon ang mundo sapagkat siya mismo ay may matapat na ugnayan sa kalikasan, binibigyan ito ng pansing punumpuno ng pagkagiliw at paghanga. Habang patungo siya sa buong lupain, madalas siyang tumitigil upang pagnilayan ang kagandahang inihasik ng kanyang Ama, at inanyayahan ang kanyang mga alagad na damhin ang banal na mensahe sa mga bagay-bagay: "Itaas ang inyong mga mata, at masdan kung paanong ang mga bukid ay namuti na sa pag-ani" (Jn 4:35). "Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang bukid; iyon ang pinakamaliit sa lahat ng binhi, ngunit kapag lumago na ito, ito ang pinakamalaki sa lahat ng halaman" (Mt 13:31-32).

98. Namuhay si Hesus ng may ganap na pagkakaisa sa sangnilikha, at ang iba ay namangha: "Anong uri ng tao ito, na sinusunod siya maging nng mga hangin at ng dagat?" (Mt 8:27). Ang kanyang hitsura'y hindi tulad ng isang mabalasik (asetiko) na nakabukod sa mundo, o ng isang kaaway sa magagandang mga bagay sa buhay. Hinggil sa kanyang sarili'y sinabi niya: "Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinabi nila, 'Tingnan ninyo, isang matakaw at isang lasenggo!'" (Mt 11:19). Kaylayo niya sa mga pilosopiyang nanghahamak ng katawan, usapin at mga bagay sa mundo. Ang mga gayong di malusig na dualismo, gayunman, ay nag-iwan ng marka sa ilang Kristyanong palaisip sa daloy ng kasaysayan at nagpapangit sa Ebanghelyo. Gumawa si Hesus gamit ang kanyang mga kamay, sa araw-araw na pakikialam sa mga bagay na nilikha ng Diyos, kung saan nagbigay siya ng hitsura sa pamamagitan ng kanyang kadalubhasaan. Kapansin-pansing halos ang buong buhay niya ay nakatuon sa mga gawaing ito sa isang payak na buhay na hindi na nakapukaw ng paghanga: "Hindi baga ito ang karpintero, ang anak ni Maria?" (Mk 6:3). Sa ganitong paraan, ginawa niyang banal ang paggawa ng tao at nilangkapan ito ng espesyal na kahulugan para sa ating pag-unlad. Tulad ng ipinangaral ni San Juan Paolo II, "sa pagtitiis sa mabibigat na trabaho kasama ang Kristo na ipinako sa krus para sa atin, kahit paano'y nakipagtulungan ang tao sa Anak ng Diyos para matubos ang sangkatauhan". [79]

99. Sa Kristyanong pagkaunawa sa mundo, ang tadhana ng lahat ng nilalang ay nakaugnay sa misteryo ng Kristo, na naroroon na mula sa umpisa: "Ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya" (Col 1:16). [80] Ibinunyag ng prologo ng Ebanghelyo ni Juan (1:1-8) ang malikhaing gawa ng Kristo bilang Banal na Salita (Logos). Ngunit, sa hindi inaasahan, nagpatuloy ang prologo sa pagsasabing ang Salitang iyon din ay "naging laman" (Jn 1:14). Isang Persona ng Trinidad ang pumasok sa nalikhang kosmos, inihagis iyon sa kanyang pulutong, maging sa kurus. Mula sa pag-uumpisa ng daigdig, ngunit lalo na sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, ang misteryo ng Kristo ay gumagalaw sa kubling pamamaraan sa isang likas na mundo sa kabuuan, ng hindi sinasagkaan ang awtonomiya nito.

100. Hindi lang sinasabi ng Bagong Tipan sa atin ang hinggil sa Hesus sa lupa at ang kanyang kongkreto at mapagmahal na ugnayan sa daigdig. Ipinakikita rin niyon na siya'y pumailanlang at maluwalhati, na naroroon sa buong sangnilikha sa pamaamgitan ng kanyang pangkalahatang Pagkapanginoon: "Sapagkay sa kanya ang buong kapuspusan ng Diyos ay naulugod na manahan, at sa pamamagitan niya'y iugma sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, maging sa lupa o sa langit, na nakikipagkapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang kurus" (Col 1:19-20).. Iniaakay tayo nito upang ituon ang ating titig sa katapusan ng panahon, kung saan inihahatid ng Anak ang lahat ng bagay sa kanyang Ama, upang "ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa (1 Cor 15:28). Kaya, ang mga nilalang ng mundong ito ay hindi na lumilitaw sa atin sa ilalim lang ng likas na pagbabalatkayo pagkat ang Isang nagbangon ay misteryosong tinatanganan sila sa kanya at nagtutulak sa kanila patungo sa kaganapan bilang kanilang layunin. Ang pinakabulaklak ng kabukiran at ang mga ibon kung saan ang kanyang mga mata bilang tao ay nagninilay at humahanga ay nagtataglay ngayon ng kanyang nagliliwanag na presensya.

Itutuloy...

talata 91-95

91. Hindi magiging totoo ang kahulugan ng malalim na pagkakaisa hinggil sa buong kalikasan kung ang ating puso'y dahop sa lambing, habag at malasakit sa ating kapwa tao. Ito'y malinaw na hindi nakatutugon sa paglaban sa pagkalakal ng nanganganib na espésye habang nananatiling ganap na walang malasakit sa pangangalakal ng tao, walang pakialam sa mga mahihirap, o nagtatangkang sirain ang ibang taong itinuturing na hindi kanais-nais. Isinusubo nito ang totoong kahulugan ng ating pakikibaka alang-alang sa kapaligiran. Hindi nagkataon lang na, sa awit kung saan pinuri ni San Francisco ang Diyos para sa kanyang mga nilalang, ay kanyang sinabi: "Purihin ka aking Panginoon, sa pamamagitan ng mga nagbigay ng kapatawaran para sa iyong pag-ibig". Ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kaya ang pagmamalasakit sa kapaligiran ay kailangang samahan ng taos-pusong pag-ibig para sa ating kapwa at isang matibay na pangakong lutasin ang mga problema ng lipunan.

92. Dagdag pa, kapag ang ating puso'y tunay na bukas sa pangkalahatang pagkakaisa, ang kahulugang ito ng kapatiran ay hindi pagbubukod sa wala. Sumusunod dito na ang ating kawalang-malasakit o kalupitan sa kapwa nilalang ng mundong ito sa malao't madali'y makaaapekto sa pakikitungo natin sa ating kapwa tao. May isang puso lang tayo, at ang kaparehong pagkaaba na aakay sa atin upang abusuhin ang isang hayop, hindi magtatagal, ay magpapakita ng ating ugnayan sa ating kapwa tao. Ang bawat kalupitan sa anumang nilikha ay "salungat sa dignidad ng tao". [69] Kayhirap na ituring nating kaibig-ibig tayo kapag ipinagwalang-bahala natin ang anumang aspeto ng reyalidad: "Ang kapayapaan, katarungan at ang pangangalaga ng sangnilikha ang tatlong ganap na magkakaugnay na paksa, na hindi maihihiwalay at ituring na indibidwal nang hindi na muling babagsak sa reduksyonismo". [70] Ang lahat ng bagay ay magkaugnay, at tayong mga tao'y nagkakaisa bilang magkakapatid sa isang kahanga-hangang peregrinasyon, na sama-samang hinabi ng pag-ibig ng Diyos sa bawat kanyang nilalang at siya ring nagbuklod sa atin sa mairuging paggiliw sa kapatid na araw, kapatid na buwan, kapatid na ilog at inang daigdig.

VI. ANG KARANIWANG DESTINASYON NG MGA KALAKAL

93. Nananampalataya man o hindi, sumasang-ayon tayo ngayon na ang daigdig ay mahalagang ibinahaging pamana, kung saan ang mga bunga'y para sa kagalingan ng lahat. Para sa mga nananampalataya, ito'y naging usapin ng katapatan sa Lumikha, [agkat ang Diyos ang lumikha ng mundo para sa lahat. Kaya ang bawat pang-ekolohiyang pagtugon ay nangangailangang isama ang panlipunang pananaw na inaalala ang pangunahing mga karapatan ng mahihirap at mga hindi nabibiyayaan. Ang prinsipyo ng pagpapailalim ng pribadong pagmamay-ari sa pangkalahatang destinasyon ng mga kalakal, at kaya ang karapatan ng bawat isa sa kanilang gamit, ay isang gintong batas ng panlipunang gawi at "ang unang prinsipyo ng kabuuang kaayusang etikal at panlipunan". [71] Hindi kinikilala ng tradisyong Kristyano ang karapatan sa pribadong pag-aari bilang ganap o hindi malalabag, at ipinagdiinan ang panlipunang layunin ng lahat ng anyo ng pribadong pag-aari. Matinding pinagtibay muli ni San Juan Paolo II ang aral na ito, at ipinahaya na "Ibinigay ng Diyos ang daigdig sa buong sangkatauhan para sa ikabubuhay ng lahat ng kasapi nito, nang walang sinumang inihihiwalay o kinakampihan". [72] Matitinding pananalita ang mga ito. Itinala niyang "ang tipo ng kaunlarang hindi gumagalang at nagtataguyod ng karapatang pantao - personal at panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika, kasama na ang karapatan ng mga bansa at ng smga tao - ay hindi tunay na  karapat-dapat sa tao". [73] Malinaw niyang ipinaliwanag na "tunay ngang ipinagtatanggol ng Simbahan ang lehitimong karapatan sa pribadong pag-aari, subalit may kalinawan din niyang ipinangangaral na laging may panlipunang pagsasangla ng lahat ng pribadong pag-aari, upang ang mga kalakal ay magsilbi sa pangkalahatang layuning ibinigay ng Diyos sa kanila". [74] Kaya, iginiit niya, "ito'y hindi sang-ayon sa plano ng Diyos na ang kaloob na ito'y gamitin sa pamamaraang ang makikinabang lang ay iilan". [75] Nananawagan ito ng malubhang usapin hinggil sa hindi makatarungang kaugalian sa bahagi ng sangkatauhan. [76]

94. Ang mayaman at ang mahihirap ay may pantay na dignidad, pagkat "ang Panginoon ang lumikha sa kanilang lahat" (Prov 22:2). "Nilikha niya mismo ang maliliit at malalaki" (Wis 6:7), at "ginawa niyang sumikat ang araw sa kasamaa at sa kabutihan" (Mt 5:45). Ito'y may praktikal na kahihinatnan, tulad ng tinukoy ng mga obispo ng Paraguay: "Ang bawat magbubukid ay may likas na karapatang mag-angkin sa makatwirang pamamahagi ng lupa kung saan maiaiatyo niya ang kanyang tahanan, makagagawa ng ikabubuhay para sa kanyang pamilya at isang buhay na ligtas. Dapat magarantiyahan ang karapatang ito upang ang pagsasaganap nito'y hindi isang guniguni lang kundi totoo. Nangangahulugan itong bukod sa pag-aangkin ng ari-arian, ang mga tao sa kanayunan ay dapat madaling makakuha ng pamamaraan ng teknikal na edukasyon, kredito, seguro at pamilihan". [77]

95. Ang likas na kapaligiran ay kolektibong kabutihan, ang patrimonya ng buong sangkatauhan at pananagutan ng lahat. Kung gagawing nating sarili ang ilang bagay, ito'y upang pangasiwaan lang iyon para sa kapakinabangan ng lahat, Dahil pag hindi natin ginawa, inaatang natin sa ating budhi ang kabigatan ng hindi pagtanggap sa buhay ng iba. Ito ang dahilan kung bakit tinanong ng mga obispong taga-New Zealand kung ano ang kahulugan ng utos na "Huwag kang papatay" kung ang "dalawampung bahagdan ng populasyon ng mundo ay kumokonsumo ng likasyaman sa bilis na inaagawan ang mahihirap na bansa at ang mga susunod na henerasyon ng kanilang pangangailangan upang mabuhay". [78]

Itutuloy...

talata 86-90

86. Ipinapakita ng sanlibutan sa kabuuan, sa lahat ng masagana nitong ugnayan, ang hindi masasaid na yaman ng Diyos. Matalinong itinalâ ni Santo Tomas Aquinas ang pagkarami-rami at pagkakaiba-iba "ay nanggagaling mula sa layunin ng unang kinatawan" na nagnanais na "kung ano ang kapos sa isa  sa representasyon sa banal na kabutihan ay maaaring ibigay ng iba", [60] hangga't ang kabutihan ng Diyos "ay hindi kayang angkop na katawanin ng iba pang nilalang". [61] Kaya dapat nating maunawaan ang samutsaring bagay sa kanilang maramihang relasyon. [62] Mas nauunawaan nating mabuti ang kahalagahan at kahulugan ng bawat nilalang kung pagninilayan nating kabilang sila sa kabuuan ng plano ng Diyos. Tulad ng itinuturo ng Katekismo: "Ninanais ng Diyos ang pagtutulungan ng sangnilikha. Ang araw at ang buwan, ang sedro at ang maliit na bulaklak, ang banoy at ang langay-langayan: ang tanawing ang kanilang hindi mabilang na samutsaring buhay at hindi nila pagkakapare-pareho ay nagsasabi sa ating walang nilalang na kayang makapag-isa. Nabubuhay ang bawat nilalang na umaasa sa bawat isa, upang maging ganap ang bawat isa, sa paglilingkod sa bawat isa". [63]

87. Kapag nakikita natin ang Diyos na sumasalamin sa lahat ng umiiral, napapakislot ang ating puso upang purihin ang Panginon dahil sa lahat ng kanyang nilalang at sambahin siya kaisa nila. Ang damdaming ito'y mahahagilap sa nakamamanghang pahayag sa awit ni San Francisco ng Assisi:

Purihin ka, aking Panginoon, kasama ang lahat ng iyong nilalang,
lalo na ang Kapatid na Araw,
na siyang adlaw at sa pamamagitan nito'y ibinigay mo ang liwanag.
At siya'y maganda at makinang ng may dakilang kariktan, 
at naglalatag ng pagkakatulad sa iyo, Kataas-taasan.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Buwan at mga bituin,
sa kalangitan ay inayos mo silang malinaw at natatangi at maganda.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Hangin,
at sa pamamagitan ng himpapawid, maulap at mapayapa, at sa bawat uri ng panahon
kung saan ibinigay mo ang ikabubuhay ng iyong mga nilalang.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Tubig,
na lubhang kapaki-pakinabang at mapagkumbaba at natatangi at malinis.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Apoy,
sa pamamagitan mo'y nagliliwanag ang gabi,
at siya'y maganda at mapaglaro at matipuno at malakas". [64]

88. Tinukoy ng mga obispo ng Brazil na ang kalikasan sa kabuuan ay hindi lamang ipinahahayag ang Diyos kundi batayan din ng kanyang presensya. Nananahan ang Espiritu ng buhay sa bawat nabubuhay na nilalang at tinatawag tayong pumasok sa pakikipagrelasyon sa kanya. [65] Ang pagkakatuklas sa presensyang ito ay umaakay sa atin upang linangin ang "mga kabutihang pang-ekolohiya". [66] Ito'y hindi para kaligtaan na may walang katapusang distanya sa pagitan ng Diyos at ng mga bagay sa mundong ito, kung saan hindi nag-aangkin ng kanyang kalubusan. Kung hindi'y wala tayong gagawing anumang maganda sa mga mismong nilalang, dahil mabibigo tayong kilalanin ang kanilang karapatan at angkop na kinalalagyan. Magtatapos lang tayong masyadong humihiling sa mga ito ng mga bagay, na dahil sa kanilang kaliitan, ay hindi nila maibibigay sa atin.

V. ISANG PANGKALAHATANG PAGKAKAISA

89. Ang mga bagay na nilikha sa mundong ito ay hindi malaya sa pag-aari: "Pagkat lahat ng iyon ay sa iyo, O Panginoon, na iniibig ang mga nangabubuhay" (Wis 11:26). Ito ang batayan ng ating paniniwalang, bilang bahagi ng sanlibutan, na tinawag ng isang Ama upang mabuhay, lahat tayo'y pinag-ugnay ng hindi nakikitang mga bigkis at magkasamang binuo ang isang uri ng pangkalahatang pamilya, isang dakilang pagkakaisa na nagpunô sa atin ng isang banal, magiliw at mapagkumbabang paggalang. Dito'y nais kong uliting "Pinaglapit tayong mabuti ng Diyos sa mundong ginagalawan upang madama natin ang pagkatuyo ng lupa na halos isa nang pisikal na karamdaman, at ang pagkalipol ng isang espésye bilang isang masakit na pagpapapangit". [67]

90. Ito'y hindi para hilahin ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa iisang antas o pagkaitan ang sangkatauhan ng kanilangnatatanging halaga at ang malaking pananagutang kaakibat nito. Hindi rin ito nagpapahiwatig ng pagkabanal ng daigdig na pipigil sa atin upang kumilos higgil doon at maprotektahan iyon sa kanyang karupukan. Hahantong ang gayong pagkaunawa sa paglikha ng mga bagong kawalan ng balanse na maglilihis sa atin mula sa reyalidad na humahamon sa atin. [68] Minsan, makakakita tayo ng pagkahumaling na pabulaanan ang anumang kadakilaan ng tao; mas maraming sagisag na ipinakikita sa pagprotekta ng iba pang espésye kaysa pagtatangol sa dignidad kung saan ibinabahagi ito ng buong sangkatauhan ng pantay-pantay. Kaya dapat tayong magmalasakit kung hindi'y hindi tatratuhin nang maganda ang iba pang nilalang. Ngunit dapat tayong lubusang magngitngit sa malaking hindi pagkakapantay-pantay na kinakaharap natin, kung saan patuloy nating pinahihintulutan ang ibang ang turing sa kanilang sarili'y mas karapat-dapat sila kaysa iba. Bigo tayong makita na ang iba'y nakukulapulan ng malubha at masamang kahirapan, nang walang malalabasan, habang ang iba'y wala ni bahagyang ideya kung anong gagawin sa kanilang pag-aari, na palalong nagpapakita ng kanilang inaakalang superyoridad, at nag-iwan ng laksa-laksang basura, na kung ito ang kaso sa maraming lugar, na makasisira sa planeta. Sa palagiang gawi, patuloy nating hinahayaan ang iba sa pagturing sa kanilang sarili na mas makatao sila kaysa iba, na tila baga isinilang silang may mas maraming karapatan kaysa iba.

Itutuloy...