Martes, Hunyo 30, 2015

talata 46-50

46. Kasama sa panlipunang dimensyon ng daigdigang pagbabago ang epekto ng inobasyong teknolohikal sa pag-eempleyo, hindi pagtanggap sa lipunan, isang di makatarungang pamamahagi at pagkonsumo ng enerhiya at iba pang serbisyo, panlipunang pagkasira, pagtaas ng bilang ng karahasan at ang pag-usbong ng mga bagong anyo ng panlipunang pagsalakay, ilegal na pagbebenta ng droga, ang dumaraming paggamit ng droga ng mga kabataan, at ang kawalan ng identidad. Ito ang mga palatandaan na ang pag-unlad ng nakaraang dalawang siglo ay hindi humantong sa isang panloob na kaunlaran at pagpapabuti ng kalidad ng buhay. Ang ilang sa mga palatandaang ito ay tanda rin ng totoong panlipunang pagkalugmok, ang tahimik na pagkasira ng mga bigkis ng pagsasama-sama at panlipunang pagkakaisa.

47. Dagdag pa, kapag ang midya at ang mundo ng dihital ay naging nasa lahat ng dako, ang kanilang impluwensiya'y magpapatigil sa mga tao upang matuto kung paano mamuhay ng matalino, mag-isip ng malalim at magmahal ng bukaspalad. Sa ganitong konteksto, ang mga dakilang pantas ng nakaraan ay nanganganib na hindi na marinig sa kabila ng ingay at pagkalito dahil sa labis-labis na impormasyon. Kailangang pagsikapang tulungan ang mga midyang ito upang maggsilbing pinagmumulan ng mga bagong pangkulturang pagsulong para sa sangakatauhan at hindi maging banta sa ating pinakamalalalim na yaman. Ang tunay na karunungan, bilang bunga ng pagsusuri sa sarili, pakikipagtalastasan at bukaspalad na pakikiharap sa pagitan ng mga tao, ay hindi nakakamit sa simpleng akumulasyon ng mga datos na sa dulo'y hahantong sa labis na karaga at pagkalito, na isang uri ng polusyon sa kaisipan. Ang tunay na pakikipag-ugnayan sa kapwa, sa lahat ng mga paghamong magkasama sila, ngayon ay malamang na mapalitan ng isang uri ng komunikasyon sa internet na nagbibigay-daan sa atin upang pumili o alisin ang mga ugnayang dahil gusto lang, kaya nagbubunga ito ng panibagong uri ng inimbentong emosyon na mas dahil pa sa mga aparato at mga palamuti kaysa sa kapwa at sa kalikasan. Ginagawa ng kasalukuyang midya na makipagtalastasan tayo at maibahagi ang ating nalalaman at minamahal. Ngunit may mga panahong tinatakpan nila tayo upang agarang madama ang mga sakit, mga takot at mga saya ng iba at ang kasalimuotan ng kanilang mga pansariling karanasan. Dahil dito, dapat mag-alala tayo na, kasabay ng nakapupukaw na posibilidad na iniaalok ng mga midyang ito, maaaring lumitaw ang isang malalim at malumbay na kawalan sa usapin ng ugnayan sa bawat isa, o kaya'y madama ang nakapipinsalang pag-iisa.

V. HINDI PAGKAKAPANTAY-PANTAY SA DAIGDIG

48. Ang kapaligiran ng tao at ang likas na kapaligiran ay sabay na nasisira; hindi natin lubusang nilalabanan ang pagkasira ng kapaligiran maliban na lang kung tututukan natin ang mga sanhi kaugnay sa tao at panlipunang pagkasira. Sa katunayan, ang pagkasira ng kapaligiran at ng lipunan ay nakaaapekto sa mga pinakamadaling matamaang mga tao sa planeta: "Ipinakikita ng araw-araw na karanasan at syentipikong pananaliksik ang malalang epekto ng lahatang pag-atake sa kapaligiran ay pinagdurusahan ng mga pinakamahihirap". [26] Halimbawa, ang pagkasira ng mga reserba ng pangisdaan lalo na't nasasaktan ang mga maliliit na pamayanan ng pangisdaan nang walang pamamaraan kung paano mapapalitan ang mga likasyamang iyon; ang polusyon sa katubigan na nakaaapekto sa mga mahihirap na hindi makabili ng nakaboteng tubig; at ang pagtaas ng dagat na pangunahing nakaaapekto sa mga naghihirap na populasyon sa tabingdagat na wala nang mapuntahan. Ang epekto ng kasauluyang kawalang ng balanse ay nakikita rin sa maagang pagkamatay ng maraming mahihirap, sa mga labanang sumiklab dahil sa kakulangan ng mga likasyaman, at iba pang mga problemang hindi sapat upang talakayin sa mga usapang pandaigdigan. [27]

49. Kailangang sabihin, sa pangkalahatan, may munti sa pamamaraan ng malinaw na kamalayan sa mga problemang lalong nakakaapekto sa mga pinabayaan. Gayunman, sila ang mayorya ng populasyon ng planeta, bilyun-bilyong katao. Sa mga araw na ito, sila'y binabanggit sa mga talakayang pang-internasyunal, pampulitika at pang-ekonomya, ngunit kadalasang may pag-aakalng ang kanilang problema'y isa lang bungang-isip, isang usaping nadagdag nang hindi kasama sa tungkulin o sa isang pamamaraang pahapyaw, kung hindi ituturing lang na ginarantiyahang pinsala. Sa katunayan, kapag nasabi na at nagawa lahat, kadalasang sila'y nananatili sa ilalim ng salansan o nakatago lamang. Ito'y dahil sa ilang katotohanang ang karamihan ng mga propsyunal, tagalikha ng opinyong publiko, midya ng komunikasyon at sentro ng kapangyarihan, na nasa mayayamang kalunsuran, ay napakalayo sa mga mahihirap, at halos walang direktang pakialam sa kanilang mga problema. Naninirahan sila at nangangatwiran sa mga maginhawang posisyon sa mataas na antas ng kaunlaran at sa kalida ng pamumuhay na di kayang abtutin ng mayorya ng populasyon ng daigdig. Ang kawalan ng pisikal na pakikiharap, na pinalalala pana-panahon ng paghihiwalay ng ating mga lungsod, ay maaaring humantong sa pagiging manhid ng budhi at sa may kinikilingang pagsusuri na kinaliligtaan ang maraming bahagi ng reyalidad. Sa pana-panahon, ang kaugaliang ito'y umiiral ng sabay kasama ang retorikang "luntian". Gayunman, sa ngayon, dapat nating mapagtanto na ang tunay na pang-ekolohikal na pamamaraan ay palaging nagiging panlipunang pamamaraan; dapat ipasok dito ang usapin ng katarungan sa mga balitaktaan hinggil sa kapaligiran, upang kapwa marinig ang panaghoy ng daigdig at ang panaghoy ng mahihirap.

50. Imbes na lutasin ang mga suliranin ng mahihirap at pagnilayan kung paano magiging iba ang daigdig, ang ilan ay nagapanukala lamang ng pagbabawas ng panganganak. May panahong ang mga papaunlad na bansa ay nahaharap sa mga anyo ng pandaigdigang panggigiit kung saan ang mga pang-ekonomyang tulong ay nagiging batayan sa mga tiyak na polisiya hinggil sa "reproduktibong kalusugan". Gayunman "bagamat totoo na ang hindi pantay na pamamahagi ng populasyon at ng naririyang likasyaman ay lumilikha ng balakid sa kaunlaran at sa sustenableng paggamit sa kapaligiran, ito'y dapat kinikilala upang ang demograpikong paglago ay lubusang katugma ng kaunlarang mahalaga at ibinabahagi". [28] Ang paninisi sa paglago ng populasyon imbes na ang matindi at selektibong konsumerismo sa bahagi ng ilan, ay isang pamamaraan upang tanggihang harapin ang mga usapin. Pagtatangka iyon na gawing ligal ang kasalukuyang modelo ng distribusyon, kung saan naniniwala ang minorya na may karapatan silang gumamit sa paraang hindi magiging pangkalahatan, dahil hindi kaya ng planetang lamnin ang mga produktong basura ng naturang pagkonsumo. Bukod doon, alam natin ang humigit-kumulang sangkatlo ng lahat ng nalikhang pagkain ang itinatapon, at "saanman natatapon ang pagkain, ito'y tila baga inumit sa hapagkainan ng maralita". [29] Gayunpaman, dapat bigyang pansin ang mga pagkahindi-balanse ng densidad ng populasyon, sa antas-nasyunal at pandaigdigan, pagkat ang pagtaas ng pagkonsumo ay hahantong sa masalimuot na kalagayang pangrehiyon , bilang resulta ng pagtutulungan sa pagitan ng mga problemang nakaugnay sa pangkapaligirang polusyon, transportasyon, paglunas sa basura, pagkawala ng likasyaman at kalidad ng buhay.

Itutuloy...

talata 41-45

41. Sa mga karagatang tropiko at subtropiko, makikita natin ang mga bahura na ikinukumpara sa mga malalaking kagubatan sa tuyong lupain, dahil nananahan sa mga ito ang tinatayang milyong espésye, kabilang ang mga isda, alimango, molusko, espongha at álga. Marami sa mga bahura sa daigdig ay tigang na o kaya'y nasa kalagayang palagi nang palubog. Sino ang gumawa sa kamangha-manghang pook sa mga karagatan sa pagiging sementeryo sa ilalim ng dagat na nawalan ng kulay at buhay?" [25] Malaking dahilan ng nangyayaring ito ay ang polusyong nakarating na sa karagatan bilang resulta ng deporestasyon, monokulturang agrikultural, basura mula sa mga industriya at nakasisirang pamamaraan ng pangingisda, lalo na yaong gumagamit ng mga siyanúro at dinamita. Pinalala ito ng pagtaas ng temperatura ng mga karagatan. Lahat ng ito'y nakatulong sa atin upang makita na ang bawat pakikialam sa kalikasan ay may mga kahihinatnang hindi agad makikita, at ang tiyak na pamamaraan ng pagsasamantala sa likasyaman ay napatunayang napakamagastos kung pag-uusapan ang pagkasira kung saan ganap na itong umabot na sa kailaliman ng karagatan.

42. Dapat mamuhunan ng malaki sa pananaliksik na na naglalayong higit pang maunawaan ang nagagawa ng ekosistema at suriin nang lubusan ang iba't ibang mga salik kaugnay sa anumang makabuluhang kaunting pagbabago sa kapaligiran. Sapagkat magkakaugnay ang lahat ng nilalang, ang bawat isa'y dapat mahalin at igalang, dahil lahat tayo bilang buhay na nilalang ay nakaasa sa bawat isa. Ang bawat pook ay may pananagutang pangalagaan ang pamilyang ito. Nangangailangan itong isagawa ang isang maselang imbentaryo ng mga espésyeng nasa pangangalaga nito, nang may pananaw sa pagpapaunlad ng mga programa at estratehiya upang protektahan nang may partikular na pag-iingat upang ipagtanggol ang mga espésyeng malapit nang maglaho.

IV. PAGHINA NG KALIDAD NG TAO BUHAY AT ANG PAGKASIRA NG LIPUNAN

43. Mga nilalang din sa daigdig na ito ang mga tao, na nagtatamasa ng karapatang mabuhay at kaligayahan, at pinagkalooban ng natatanging dignidad. Kaya hindi tayo mabibigong isaalang-alang ang epekto sa pamumuhay ng tao ng pagkasira ng kapaligiran, kasalukuyang modelo ng pag-unlad at ang maaksayang kultura.

44. Sa kasalukuyan, halimbawa, alam natin ang hindi pantay at magulong paglago ng maraming lungsod, na naging masama na sa kalusugan ang pagtira sa mga iyon, hindi lamang dahil sa polusyong dulot ng mga nakasusulasok na usok kundi bunga rin ito ng magulong kalunsuran, hindi mabuting transportasyon, at polusyong nakikita at ingay. Maraming lungsod ang malalaki, ngunit hindi mabisa amng istruktura, sobrang mapag-aksaya sa enerhiya at tubig. Ang mga kapitbahayan, kahit n yaong kabubuo pa lamang, ay masisikip, magugulo, at kulang sa sapat na luntiang espasyo. Hindi natin sinadyang umapaw tayo sa semento, aspalto, salamin at metal, at pinagkaitan ng pisikal na pakikialam sa kalikasan.

45. Sa ilang pook, parehong sa kanayunan at sa kalunsuran, ang pribatisasyon ng mga tiyak na espasyo ay nagpalimita sa mga tao upang marating ang mga lugar na may partikular na kagandahan. Sa iba naman, nalikha ang mga kapitbahayang "makakalikasan" na sarado sa mga tagalabas upang tiyakin ang artipisyal na kapanatagan. Kadalasan, natagpuan natin ang mga magaganda at maiingat na inayos na mga espasyong luntian sa mga tinatawag na "ligtas" na pook sa kalunsuran, ngunit hindi sa mga mas natatagong lugar kung saan naninirahan ang mga patapon ng lipunan.

Itutuloy...

Lunes, Hunyo 29, 2015

talata 36-40

36. Ang pangangalaga sa ekosistema ay nangangailangan ng pagiging handa sa hinaharap, pagkat yaong naghahanap ng mabilis at madaling pagtutubuan ay hind talaga interesado sa pangalagaan sila. Ngunit ang presyo ng pagkawasak dahil sa gayong pagkaganid at kawalang malasakit ay mas malaki pa kaysa sa makukuhang pang-ekonomikong benepisyo. Kung saan ang mga tukoy na espésye ay nawasak o malubhang napinsala, ang halagang nasasangkot ay hindi makakalkula. Maaari tayong maging piping saksi sa nakakakilabot na kawalan ng katarungan kung iisipin nating makakakuha tayo ng mahahalagang benepisyo, kung pahihintulutan nating ang sangkatauhan, sa kasalukuyan man o sa hinaharap, ang magbabayad ng lubhang mataas na presyo ng pagkawasak ng kapaligiran.

37. Ang ilang bansa'y nakapagsagawa ng makabuluhang progreso sa pagtatayo ng mga kanlungan sa kalupaan at sa mga karagatan kung saan hindi maaari ang pakikialam ng tao na makakapagbago sa mga katangian nito o magpapaiba sa kanilang orihinal na istraktura. Sa pagprotekta sa saribúhay, iginigiit ng mga espesyalista ang pangangailangan sa pagtuon ng atensyon upang ipakita sa mga pook na mayaman sa bilang ng mga espésye at mga espésyeng katutubo, bihira o di gaanong napoprotektahan. May mga lugar na kinakailangan ang mas matinding proteksyon dahil sa kanilang malaking importansya sa pandaigdigang ekosistema, o dahil kinakatawan nila ang mahahalagang reserba ng tubig at kaya mapangangalagaan ang iba pang anyo ng buhay.

38. Tukuyin natin, halimbawa, ang mga mayayamang saribúhay na bagà ng ating planeta na yaong mga banâ  ng Amazon at Congo, o yaong malalaking akwiper at mga masa ng yelo. Alam natin kung gaano kahalaga ang mga ito sa buong daigdig at para sa kinabukasan ng sangkatauhan. Nag-aangkin ang ekosistema ng mga kagubatang tropikal ng napakasalimuot na saribúhay na halos napaka-imposibleng lubusang ikalugod, subalit kapag sinunog ang kagubatan o pinatag upang sakahin, sa pagitan ng mga ilang taon pa, di na mabilang na espésye ang maglalaho at ang mga lugar ay madalas nang magiging tigang na kaparangan. Isang maselang pagbalanse ang dapat panatilihin kung pag-uusapan ang mga lugar na ito, dahil hindi natin dapat makaligtaan ang malaking pandaigdigang pang-ekonomyang interes na, sa ilalim ng kunwaring pagprotekta sa kanila, na magpahina sa soberanya ng bawat bansa. Sa katunayan, may mga "panukalang gawing daigdigan ang Amazon, na magsisilbi lamang sa pang-ekonomyang interes ng mga korporasyong transnasyunal". [24] Hindi tayo mabibigong purihin ang pangako ng mga pandaigdigang ahensya at mga organisasyon ng sibili na lipunan sa pagpukaw ng atensyon ng publiko sa mga usaping ito at magbigay ng kritikal na pagtutulungan, gumagamit ng lehitimong pamamaraan ng paggigiit, upang tiyakin na ang bawat pamahalaan ay maipatupad ang kanyang angkop at hindi maipagkakait na pananagutan upang pangalagaan ang kapaligiran at likasyaman ng kanyang bansa, nang hindi nagbibigaydaan sa mga mapanlinlang na interes, lokal man o pandaigdigan.

39. Ang pagpapalit sa mga basal na kagubatan ng taniman ng mga puno, na karaniwang monokultura (o iisang uri lang ang tinatanim sa isang lugar), ay bihirang sinusuri ng lubos. Subalit maaaring lubhang malagay sa kompromiso ang saribúhay kung saan ang mga bagong ipinakikilalang espésye ay hindi binibiyang-pansin. Katulad nito, ang mga matubig na kalupaan na ginawang sakahan ay nawawalan ng malaking saribúhay na dati nilang pinangangalagaan. Sa ilang baybaying lugar, ang pagkawala ng ekosistema na pinangalagaan ng latian ng mga bakawan ang isang pinaghahalawan ng malubhang pag-aalala.

40. Ang mga karagatan ay hindi lamang naglalaman ng malaking pagkukunan ng tubig ng ating planeta, kundi halos ng mga napakaraming uri ng nilalang na nabubuhay, na marami sa kanila ay hindi pa natin alam at nanganganib sanhi ng iba't ibang kadahilanan. At higit pa riyan, ang pamumuhay sa tubig sa mga kailugan, lawa, dagat at laot, na nagpapakain sa malaking bahagi ng populasyon ng daigdig, ay apektado ng di makontrol na pangingisda, na tumutungo sa marahas na pagkaubos ng maraming espésye. Ang mga selektibong pamamaraan ng pangingisda kung saan itinatapon nila ang kanilang mga nakokolekta ay patuloy at di mapigilan. Mas nanganganib ang mga organismo sa dagat na karaniwang di natin pinapansin, tulad ng ilang uri ng plankton; kinakatawan nila ang mahahalagang salik ng sirkulo ng pagkain sa karagatan, at lubusang umaasa sa kanila ang mga espésye para sa ating pagkain.

Itutuloy...

talata 31-35

31. Ang mas matinding kakulangan sa tubig ay tutungo sa pagtaas ng presyo ng pagkain at sari-saring produkto na nakadepende sa paggamit nito. Nagbabala ang ilang pag-aaral na ang matinding kakulangan sa tubig ay maaaring maganap sa susunod na ilang dekada maliban kung magsasagawa ng agarang aksyon. Makakaapekto sa bilyun-bilyong tao ang mga pag-urong-sulong ng kapaligiran; naiisip na rin na ang pagkontrol sa tubig ng mga malalaking multinasyunal na negosyo ang maging pangunahing pagmulan ng digmaan sa siglong ito. [23]

III. PAGKAWALA NG SARIBÚHAY

32. Ang likasyaman ng daigdig ay dinarambong din dahil sa maikling pagtingin sa pagtugon sa ekonomya, komersyo at produksyon. Ang pagkawala ng mga kagubatan at mga kakahuyan ay dahilan ng pagkawala ng mga espésye na maaaring mabuo bilang napakahalagang likasyaman sa hinaharap, hindi lamang para sa pagkain kundi pati na rin sa paggamot ng mga sakit at iba pang mga paggamit. Naglalaman ang iba't-ibang espesye ng mga dyins na maaaring maging susing pagkukunan ng likasyaman sa mga darating na panahon para kamtin ang pangangailangan ng tao at para sa pag-aayos ng mga problema sa kapaligiran.

33. Gayunman, hindi sapat na isiping ang iba't ibang espésye ay mga maaari lamang "pinagkukunan ng likasyaman" na maaaring pagsamantalahan, habang nakakaligtaan ang katotohanang sila mismo ay may halaga sa kanilang sarili. Taun-taon ay kapuna-puna ang paglaho ng libu-libong espésye ng mga halaman at hayop na hindi natin malalaman, na hindi na makikita ng ating mga anak, dahil habambuhay nang nangawala ang mga iyon. Naglaho na ang malaking mayorya sanhi ng mga kadahilanang may kaugnayan sa gawain ng tao. Dahil sa atin, libu-libong espésye ang hindi na makakapagpuri sa Diyos sa kanila mismong pag-iral, o kaya'y ihatid ang kanilang mensahe sa atin. Wala tayong gayong karapatan.

34. Maaaring nakagagambala sa atin ang malaman ang paglaho ng mga mamalya o ibon, dahil sila ang kadalasang nakikita. Subalit ang mabuting paggana ng ekosistema ay nangangailangan din ng mga kolatkólat, álga, uod, reptilya, at di mabilang na sari-saring mikroorganismo. Ang ilang di gaanong maraming mga espésye, bagamat sa pangkalahatan ay hindi nakikita, ang may ginagampanang kritikal na papel sa pagpapanatili ng balansa ng isang partikular na lugar. Dapat makialam ang tao pag umabot na ang heosistema sa isang kritikal na kalagayan. Subalit sa kasalukuyan, ang mga ganitong pag-aalala sa kalikasan ay nagiging mas madalas. Bilang resulta, lumitaw ang malulubhang problema, humahantong ito sa karagdagang pakikialam; nagiging palasak sa maraming lugar ang gawain ng tao, kasama ang lahat ng panganib na dulot nito. Kadalasang nagreresulta ito sa masamang sirkulo, dahil ang pakikialam ng tao upang malutas ang problema ay lalong nagpapalala sa sitwasyon. Halimbawa, maraming ibon at insekto, na maglalaho dahil sa mga sintetikong lason sa paghahalaman, ang malaki ang naitutulong sa agrikultura; ang pagkalaho nila ay dapat mabayaran sa pamamagitan ng ibang pamamaraang maaaring mapatunayang mapanganib. Dapat nating pasalamatan ang mga kapuri-puring pagsisikap na ginawa ng mga syentipiko at mga inhinyero na nakatuon sa paghahanap ng kalutasan sa mga problemang ginawa ng tao. Ngunit ang mahinahon nating pagtingin sa daigdig ay nagpapakita ng antas ng pakikialam ng tao, na kadalasang para magsilbi sa interes ng negosyo at konsyumerismo, na sa totoo'y ginagawa ang ating daigdig na hindi na gaanong mayaman at maganda, na mas limitado at malabo, kahit na patuloy ang pag-abante ng teknolohiya at ang mga kalakal ay patuloy na sumasagana ng walang katapusan. Tila iniisip nating mapapalitan natin ang hindi na mapapalitan at hindi na maibabalik na kagandahan ng isang bagay na ating nilikha.

35. Sa pagtatasa sa epektong pangkapaligiran ng anumang proyekto, karaniwang lumilitaw ang pagmamalasakit sa mga epekto nito sa lupa, tubig at hangin, gayunman kakaunti ng mga isinagawang maingat na pag-aaral sa epekto nito sa saribúhay, na animo'y tila hindi gaanong mahalaga ang paglaho ng mga espésye o pangkat ng mga hayop at halaman. Ang mahahabang lansangan, ang mga bagong plantasyon, ang mga pagbabakod ng ilang tiyak na lugar, ang pagsasaplad ng pinanggagalingan ng tubig, at katulad na pagsulong, ang pagtulak palabas sa mga likas na tahanan, at sa maraming pagkakataon, ay pinaghihiwalay sila sa paraang ang populasyon ng mga hayop ay hindi na makalilikas o malayang makagagala. Bilang resulta, nahaharap sa pagkaubos ang ilang espésye. Umiiral ang mga alternatibo na kahit papaano ay makababawas sa epekto ng mga proyektong ito, tulad ng paglikha ng biyolohikal na pasilyo, ngunit iilang bansa lamang ang nagpakita ng pagmamalasakit at pag-intindi sa kinabukasan. Kadalasan, pag ang mga tukoy na espésye ay pinagsasamantalahan sa komersyo, maliit na atensyon ang inilalaan sa pag-aaral ng kanilang reproduktibong padron upang mapigilan ang kanilang pagkaubos at sa nangyaring kawalan ng balanse ng ekosistema.

Itutuloy...

Linggo, Hunyo 28, 2015

talata 26-30

26. Marami sa mga nagtataglay ng mas maraming likasyaman at kapangyarihang pang-ekonomya o pampulitika ay tila baga nagkakasya lang sa pagtatakip sa problema o pagtatago ng sintomas ng mga ito, na simpleng nagsisikap na bawasan ang negatibong epekto ng pagbabago sa klima. Gayunman, karamihan ng sintomas nito ay nagpapahiwatig na magpapatuloy ang mga ganoong epekto kung ipagpapatuloy natin ang mga kasalukuyang modelo ng produksyon at pagkonsumo. May agarang pangangailangang magsulong mga patakaran upang, sa mga darating na taon, ay mabawasan ng husto ang pagbubuga  ng carbon dioxide at iba pang gas na matitinding makapagdumi, halimbawa, pagpapalit sa mga fossil fuel at pagpapaunlad ng pinagkukunan ng mga enerhiyang makakalikasan. Sa pandaigdigan, maliit pa ang madaling pagkukuna ng malinis at enerhiyang makakalikasan. May pangangailangan pang paunlarin ang sapat na teknolohiya ng pag-imbak. May nagawang malaking progreso ang ilang bansa, bagamat malayo pa ito sa pagbubuo ng mahabuluhang proposyon. Nagsagawa na rin ng pamumuhunan sa moda ng produksyon at transportasyon kung saan gumagamit ng kaunting enerhiya at nangangailangan ng mas kaunting hilaw na materyales, pati na mga pamamaraan ng konstruksyon at magkumpuni ng mga gusaling magpapabuti ng kahusayan ng enerhiya nila. Ngunit di pa gaanong napapalaganap ang mga magagandang gawaing ito.

II. ANG USAPIN NG TUBIG

27. Ang iba pang palatandaan ng kasalukuyang kalagayan ay matatagpuan sa pagkaubos ng ating likasyaman. Alam nating lahat na hindi mangyayaring mapanatili ang kasalukuyang antas ng pagkonsumo ng mga mauunlad na bansa at ng mayayamang saray ng lipunan, kung saan ang kaugaluang mag-aksaya at magtapon ay nakarating na sa di-matingkalang antas. Ang pagsasamantala sa planeta ay lumampas na sa katanggap-tanggap na limitasyon at hindi pa rin natin nalulutas ang suliranin sa kahirapan.

28. Ang sariwang inuming tubig ay isang usaping may pangunahing kahalagahan, pagkat lubhang kailangan ito sa buhay ng tao at para sa pagsuporta sa panlupa at pantubig na ekosistema. Ang pinagkukunan ng sariwang tubig ay kailangan para sa pangangalaga ng kalusugan, agrikultura at industriya. Ang mga tubig na panustos ay karaniwang naririyan, ngunit ngayon, maraming pook hinigitan ng pangangailangan ang palagiang panustos, nang may dramatikong kahihinatnan sa maiklian at pangmahabang panahon. Ang mga malalaking lungsod na umaasa sa mahahalagang panustos na tubig ay nakadaranas ng kakulangan, at sa mga panahong kritikal, hindi palaging napapangasiwaan ito ng may sapat na pagbabantay at kawalan ng pinapanigan. Apektado lalo na ang Aprika ng kakulangan sa tubig kung saan malalaking saray ng populasyon ang walang makuhang malinis na inuming tubig o nakadaranas ng tagtuyot na nakasasagabal sa produksyong agrikultural. Ang ilang bansa'y may mga pook na mayaman sa tubig habang ang iba naman ay nagtitiis sa matinding kasalatan.

29. Isa sa mga malubhang problema ay ang kalidad ng tubig na makukuha ng mga mahihirap. Araw-araw, ang di-ligtas na tubig ay nagbubunga ng maraming pagkamatay at ang pagkalat ng mga sakit na kaugnay ng tubig, kabilang ang mga sanhi ng mikroorganismo at mga kemikal. Ang iti at kolera, na nauugnay sa di-sapat na malinis at panutsos na tubig, ang isang makahulugang dahilan ng pagdurusa at ng pagkamatay ng mga sanggol. Nanganganib ang mga pinagkukunan ng tubig sa ilalim ng lupa dahil sa polusyong nilikha ng mga gawaing pagmimina, pagsasaka at industriyal, lalo na sa mga bansang kulang ang sapat na regulasyon at kontrol. Hindi lang iyon usapin ng basurang industriyal. Ang mga panlinis at iba pang produktong kemikal, na kadalasang ginagamit sa maraming pook sa mundo, ay patuloy na itinatapon sa ating mga ilog, lawa, at karagatan.

30. Kahit na ang kalidad ng magagamit na tubig ay patuloy na lumiliit, sa ilang mga pook ay may lumalagong kagustuhang isapribado ang yamang ito, kahit na nagkukulang, at ito'y nagiging kalakal na nakabatay sa mga batas ng merkado. Gayunman, ang pagtatamo ng ligtas na inuming tubig ay isang pandaigdigan at batayang karapatang pantao, sapagkat mahalaga ito sa kaligtasan ng tao, at sa gayon, ay isang kondisyon upang isakatuparan ang iba pang karapatang pantao. Napakaluhba na ng panlipunang utang ng ating mundo sa mga dukha na walang agarang makukuhang ligtas na tubig, sapagkat di ipinatanggap sa kanila ang karapatang mabuhay sang-ayon sa di maipagkakait na dignidad. Maaaring mabayaran ang utang na ito na sa bahagya'y sa pamamagitan ng pagpapalaki ng pondo upang makapagbigay ng malinis na tubig at serbisyong pangkalusugan sa mga dukha. Ngunit patuloy na inaaksaya ang tubig, hindi lang sa mga mauunlad na bansa kundi maging sa mga papaunlad pa lang na bansa na nag-aangkin ng maraming katubigan. Ipinakikita lamang nito na ang problema sa tubig ay usaping edukasyunal at pangkultura, bagamat may maliit pang kamalayan sa kalubhaan ng gayong pag-uugali sa loob ng konteksto ng malawak na di pagkakapantay-pantay.

Itutuloy...

Sabado, Hunyo 27, 2015

talata 21-25

21. Dapat ding makuha ang mga tala ng polusyong nilikha ng mga nalikha mula sa latak, kasama na ang mga mapanganib na basurang naroon sa iba't ibang lugar. Bawat taon, nabuo ang daan-daang milyong tonelada ng basura, na halos di-nabubulok, lubhang nakalalason at radyaktibo, mga sa mga tahanan at mga kalakalan, mula sa pook na may konstruksyon at demolisyon, mula sa pinanggagalingang pang-klinika, elektroniko at pang-industriya. Ang daigdig, ang ating tahanan, ay nagsisimula nang magmukhang napakalaking tumpok ng basura. Sa maraming bahagi ng planeta, ang mga hibik noon na ang dating magagandang tanawin ay natakpan na ng basura. Maaaring tumungo sa bayoakumulasyon (o pagkaipon ng mga materyal) sa mga organismo ng populasyon ang mga basurang pang-industriya at mga produktong kemikal na ginamit sa mga lungsod at pook pang-agrikultura, kahit na mababa ang antas ng lason sa mga lugar na iyon. Kadalasan walang hakbang na ginagawa hanggang sa tuluyan nang maapektuhan ang kalusugan ng mamamayan.

22. Ang mga problemang ito'y malapit na nakaugnay ang mga maaksayang kulturang nakaaapekto sa mga pinabayaan ng lipunan tulad ng agarang pagbabago ng mga bagay sa pagiging basura. Upang magbigay ng isang halimbawa, halos ang mga nalilikha nating papel ay itinatapon at hindi na nireresiklo. Mahirap para sa ating tanggapin na kung paano tumatakbo ang likas na ekosistema ay napakahuwaran: lumilikha ng pagkaing pampalusog ang mga halaman na pinapakain sa mga herbibora;  ang mga ito nama'y nagiging pagkain ng mga karnibora kung saan nakalilikha ng makahulugang dami ng organikong basura na pinagmulan naman ng panibagong henerasyon ng mga halaman. Ngunit ang ating sistemang industriyal, sa katapusan ng siklo nito ng produkyon at pagkonsumo, ay hindi nakapagpaunlad ng kakayahang makuha at muling magamit ang mga basura at mga sumibol mula rito. Hindi pa natin napangasiwaang magpatibay ng isang modelong sirkular ng produksyon na kayang pangalagaan ang mga likasyaman para sa salinlahi ng kasalukuyan at hinaharap, habang binabawasan hangga't maaari ang paggamit ng mga pinagkukunang hindi nagbabago (non-renewable), katamtaman lamang ang pagkonsumo, pinahuhusay ang tamang paggamit nito, muling ginagamit at muling nireresiklo ang mga ito. Ang maselang pagsasaalang-alang sa usaping ito ay magiging isang paraan upang salungatin ang maaksayang kulturang nakaaapekto sa buong planeta, ngunit masasabing napakalimitadong progreso lamang ang nagawa hinggil dito.

Ang Klima bilang pangkalahatan

23. Ang klima ay pangkalahatan, pag-aari ng lahat at sinadya para sa lahat. Sa pandaigdigang antas, isa iyong kumplikadong sistemang nakaugnay sa maraming mahahalagang kalagayan ng pamumuhay ng tao. Ipinahihiwatig ng isang napakasolidong siyentipikong kaisahan na sa ngayon ay nasasaksihan natin ang nakababahalang pag-iinit ng sistemang klimatiko. Sa mga nakaraang dekada, kasama ng pag-iinit na ito ang palagiang pagtaas ng tubigdagat at, lilitaw na, sa pamamagitan ng pagtaas ng matinding kaganapan ng panahon, maging ang mapagpasyang dahilang pang-agham ay hindi mailalapat sa bawat partikular na palatandaan. Tinawag ang sangkatauhan upang kilalanin ang pangangailangang baguhin ang estilo ng pamumuhay, produksyon at pagkonsumo, upang malabanan ang pag-iinit na ito o kaya'y ang mga dahilang pantao na lumikha o nagpalala nito. Totoo na marami pang ibang salik (tulad ng galaw ng bulkan, ang pagbabagu-bago ng orbita at aksis ng daigdig, ang siklo ng araw), gayunman ipinahihiwatig ng syentipikong pag-aaral na ang maramihang daigdigang pag-iinit sa mga nakaraang dekada ay dahil sa napakalaking konsentrasyon ng greenhouse gases (carbon dioxide, methane, nitrogen oxides at iba pa) na lumitaw bilang agarang resulta ng aktibidad ng tao. Nakakonsentra sa atmospera, di pinapayagan ng mga gas na ito na maikalat sa kalawakan ang init mula sa sinag ng araw na tumatama sa daigdig. Pinalala pa ang problema ng isang modelo ng pag-unlad na nakabatay sa matinding paggamit ng mga fossil fuel o panggatong mula sa labi ng mga sinaunang organismo, na nasa puso ng daigdigang sistema sa enerhiya. Ang isa pang tukoy na salik ay ang paglaki ng pagbabagong gamit ng lupa, lalo na ang deporestasyon o pagpatag ng mga kagubatan at pagpuputol ng mga puno para sa layuning pang-agrikultura. 

24. May mga epekto ang pag-iinit sa siklo ng karbon. Lumilikha ito ng mapanirang siklo na nagpapalala pa ng kalagayan, na nakaaapekto sa pinagkukunan ng mahahalagang likasyaman tulad ng maiinom na tubig, enerhiya at produksyong agrikultural sa mga maiinit na rehiyon, at tumutungo sa pagkalipol ng bahagi ng saribúhay ng planeta. Ang paglusaw sa mga polar ice cap (o matataas na rehiyong natatakpan ng yelo) at sa matataas na kapatagan ay maaaring tumungo sa mapanganib na pagpapakawala ng methane gas, habang ang pagkabulok ang mga nagyelong organikong materyal ay maaaaring magpalaki pa ng pagbubuga ng carbon dioxide. Lalo pang lumubha ang kalagayan sa pagkawala ng mga kagubatang pantropiko na maaari pang makatulong sa pagbabawas sa pagbabago ng klima. Ang polusyon ng carbon dioxide ay magpapalaki sa pagkaasido ng mga karagatan at nalalagay sa kompromiso ang siklo ng pagkaing dagat. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran, masasaksihan ng siglong ito ang ekstraordinaryong pagbabago ng klima at ang di-pa-nangyayaring pagkawasak ng ekosistema, ng may malubhang kahihinatnan para sa lahat sa atin. Ang pagtaas ng tubig-dagat, halimbawa, ay makalilikha ng napakalubhang kalagayan, kung isasaalang-alang natin ang sangkapat ng populasyon ng daigdig na nananahan sa mga dalampasigan o kalapit nito, at ang mayorya ng ating mga malalaking lungsod na naroroon sa mga baybay-dagat.

25. Ang pagbabago sa klima ay isang pandaigdigang suliraning may malubhang implikasyon: pangkapaligiran, panlipunan, pang-ekonomya, pampulitika at para sa pamamahagi ng mga kalakal. Kinakatawan nito ang isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng sangkatauhan sa kasalukuyan. Ang pinakamalubhang epekto nito'y maaaring danasin ng mga papaunlad na bansa sa mgadarating na dekada. Karamihan ng mga dukha'y naninirahan sa mga pook na apektado ng mga palatandaang kaugnay sa pag-iinit, at ang kanilang pamamaraan ng ikinabubuhay ay halos nakasalalay sa likasyaman at serbisyo ng ekosistema tulad ng agrikultura, pangingisda at pangkagubatan. Wala silang ibang pinagkakaitaan o pinagkukunan kung saan makaaangkop sula sa pagbabago ng klima o sa pagharap sa mga natural na kalamidad, at limitado lamang ang kanilang madaling pagkuha ng serbisyong panlipunan at proteksyon. Halimbawa, pagbabago sa klima, kung saan hindi makaangkop ang mga hayop at halaman, ay nagtutulak sa kanilang lumipat ng lugar; dulot nito'y naaapektuhan ang kabuhayan ng mga dukha, na natutulak namang iwan ang kanilang mga tahanan, nang walang katiyakan ang kanilang kinabukasan at ng kanilang mga anak. Lubhang tumataas ang bilang ng mga migranteng tumatakas sa papalalang kahirapang dulot ng pagkawasak ng kapaligiran.  Hindi sila kinikilala ng mga pandaigdigang kasunduan bilang refugee o nagsilikas; tintiiis nila ang pangkawala ng mga buhay na kanilang iniwanan, nang hindi napapalang anumang proteksyong ligal. Ang nakalulungkot, laganap ang pagwawalang-bahala sa mga pagdurusang ito, kung saan maging sa ngayon ay nagaganap sa maraming panig ng daigdig. Ang kakulangan natin sa pagtugon sa mga trahedyang ito kasama ang ating mga kapatid ay tumutukoy sa pagkawala ng kahulugan ng pananagutang iyon para sa ating kapwa kung saan nagsimula ang lahat ng lipunang sibil.

Itutuloy...

Biyernes, Hunyo 26, 2015

talata 16-20

16. Bagamat ang bawat kabanata ay may kani-kanyang paksa at ispesikong dapat pag-usapan, kinukuha din nito at muling sinusuri ang mahahalagang mga katanungang dati na nitong nakaharap. ito ang partikular na kaso sa ilang mga temang muling lilitaw habang inilalahad ang Ensikliko. Bilang mga halimbawa, aking tutukuyin ang matalik na ugnayan sa pagitan ng mga dukha at ang pagkamarupok ng planeta, ang matibay na paniniwalang magkakaugnay ang lahat ng bagay sa daigdig, ang pagpuna sa mga bagong paradaym at mga anyo ng kapangyarihang kinuha mula sa teknolohiya, ang panawagang maghagilap ng mga bagong pamamaraan ng pag-unawa sa ekonomya at sa progreso, ang tamang pagpapahalaga sa bawat nilalang, ang kahulugang pantao ng ekolohiya, ang pangangailangan para sa tahasan at matapat na debate, ang maselang pananagutan ng pandaigdigan at lokal na patakaran, ang kulturang mapag-aksaya at ang panukala para sa bagong estilo ng pamumuhay. Ang mga usaping ito ay hindi nilulutas upang matapos na, kundi muling binabalangkas at pinagyayaman ng paulit-ulit.

UNANG KABANATA

ANO ANG NANGYAYARI SA ATING TAHANAN

17. Ang teolohikal at pilosopikal na pagninilay hinggil sa kalagayan ng sangkatauhan at ng daigdig ay tila alingawngaw na na nakapapagod at mahirap unawain, maliban na lang kung sila'y nakatuntong sa bagong pagsusuri ng ating kasalukuyang sitwasyon, kung saan sa maraming pagkakataon ay hindi pa naisasagawa sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kaya, bago natin isaalang-alang kung paanong ang pananampalataya ay nagbibigay ng bagong insentibo at pangangailangan hinggil sa daigdig na bahagi tayo, saglit muna akong tutungo sa kung ano ba ang nangyayari sa ating tahanan.

18. Ang patuloy na paspasang pagbabagong nakaaapekto sa sangkatauhan at ang planeta 'y kakabit ngayon ng mas maigting na hakbang ng buhay at gawain na maaaring tawaging "radipikasyon" o "paspasan". Bagamat ang pagbabago'y bahagi ng pagkakayari ng mga kumplikadong sistema, ang bilis ng kung paano sumulong ang aktibidad ng tao ay salungat sa likas na mabagal na hakbang ng ebolusyong biyolohikal. Bukod dito, ang mga layunin ng mabilis at palagiang pagbabagong ito ay hindi kinakailangang nakatuon sa kagalingan ng lahat o sa buo at sustenableng pagsulong ng tao. Minsan kanais-nais ang pagbabago, ngunit nagiging ugat ito ng pagkabalisa kapag nagdudulot ito ng pinsala sa daigdig at sa kalidad ng buhay ng mayorya ng sangkatauhan.

19. Kasunod ng yugto ng di-makatwirang tiwala sa progreso at kakayahan ng tao, ang ilang saray ng lipunan ay gumagamit na ngayon ng mas kritikal na pamamaraan. Nakikita natin ang lumalawak na pagpapahalaga sa kapaligiran at ang pangangailangang protektahan ang kalikasan, pati na ang lumalawak na pagmamalasakit, na kapwa totoo at nakakabalisa, kung ano nang nagyayari sa ating planeta. Repasuhin natin, gaanuman kadali, ang mga usaping nakababagabag sa atin sa kasalukuyan at hindi na natin maitatago sa ilalim ng basahan. Ang layunin natin ay hindi ang makapagtipon ng impormasyon o matugunan ang pagkamausisa, ngunit sa halip ay taimtim na matalos, na lakasloob na ibaling kung anong nangyayari sa daigdig tungo sa atiing sariling pagdurusa, at sa gayon ay matuklasan kung anong magagawa ng bawat isa sa atin hinggil doon.

I. POLUSYON AT PAGBABAGO SA KLIMA

Polusyon, basura at maaksayang kultura

20. May ilang anyo ng polusyon na bahagi ng pang-araw-araw na karanasan ng tao. Ang pagkalantad sa dumi mula sa atmospera ay nagbibigay ng malawak na antas ng panganib sa kalusugan, lalo na sa mga dukha, at nagiging sanhi ng milyun-milyong maagang pagkamatay. Halimbawa, nagkakasakit ang mga tao kapag nakakasinghot ng matinding usok mula sa mga langis na ginagamit sa pagluluto o pagpapainit. Mayroon ding polusyong nakakaapekto sa lahat, na idinudulot ng mga sasakyan, usok sa mga industriya, mga sangkap na nakapag-aambag sa pag-aasido ng lupa at tubig, abono, pamatay-kulisap, pamatay ng halamang singaw at mga halaman, at lason sa paghahalaman sa pangkalahatan. Ang teknolohiyang nakaugnay sa interes ng kalakalan, ay inihahapag bilang natatanging pamamaraan ng paglutas ng mga problemang ito, sa katunayan ay pinatutunayang walang kakayahang makita ang misteryosong lambat ng ugnayan sa pagitan ng mga bagay at kaya minsan ay nakalulutas ng isang problema upang makalikha muli ng panibagong problema.


Itutuloy...

Huwebes, Hunyo 25, 2015

talata 11-15

11. Tinutulungan tayo ni Francisco na makitang ang panloob na ekolohiya ay nananawagan ng pagiging bukas sa mga kategoryang lampas pa sa wika ng matematika at biyolohiya, at dinadala tayo sa puso kung paano ba maging tao. Tulad ng kung paano tayo umibig sa isang tao, na kapag napatingin siya sa araw, sa buwan o sa pinakamaliit mang hayop, ay bigla siyang aawit, inaakit ang iba pang nilalang sa kanyang pagpuri. Nakikipagniig siya sa lahat ng nilalang, maging sa mga bulaklak ay nangangaral, at inaanyayahan ang mga itong "purihin ang Panginoon, na animo'y may sarili silang pag-iisip". [19] Ang kanyang tugon sa daigdig na nasa kanyang paligid ay higit pa sa intelektwal na pagpapahalaga o pang-ekonomiyang kalkulus, dahil para sa kanya ang bawat nilalang ay kanyang kapatid na kaisa niya sa pagmamahalan. Ito ang dahilan kung bakit dama niyang tinawag siya upang pangalagaan ang lahat ng nabubuhay. Ang kanyang alagad na si San Buenaventura ay nagsabi sa atin na, "mula sa pagninilay hinggil sa pangunahing pinagmumulan ng lahat ng bagay, na puno ng mas masaganang kabanalan, tatawagin niya ang mga nilalang, gaano man ito kaliit, sa pangalang "kapatid". Ang paniwalang tulad nito'y di dapat balewalain bilang walang muwang na romantisismo, pagkat nakaaapekto ito sa mga pagpipiliang nagtatakda ng ating pag-uugali. Kung ang pakikitungo natin sa kalikasan at kapaligiran ay wala ng pagiging bukas na ito sa pagpapakundangan at pagkamangha, kung hindi na tayo magsasalita ng wika ng pagkakapatiran at kagandahan ng ating pakikipag-ugnayan sa daigdig, ang ating asal ay tulad ng mga amo, mga tagakonsumo, mga walang awang mapagsamantala, na di kayang magtakda ng limitasyon sa kanilang mga kagyat na pangangailangan. Sa kabaligtaran, kung dama nating tapat tayong kaisa ng lahat ng nabubuhay, ang kahinahunan at pangangalaga ay kusang lilitaw. Ang karukhaan at katipiran ni San Francisco ay di lamang paimbabaw na asetisismo, kundi isang bagay na mas radikal; isang pagtanggi na ang reyalidad ay maging bagay na magagamit lamang at makokontrol.

12. Higit pa riyan, inaanyayahan tayo ni San Francisco, na matapat sa Banal na Kasulatan, na masdan ang kalikasan bilang isang maringal na aklat kung saan nakikipagtalastasan sa atin ang Diyos at ipagkaloob sa atin ang isang sulyap ng kanyang walang katapusang kagandahan at kabutihan. "Dahil sa kadakilaan at kagandahan ng mga nilalang ay makikilala nila ang lumikha sa kanila pamamagitan ng paghahambing" (Wis 13:5) kaya, "ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay kinilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa mula pa ng likhain ang daigdig" (Rom 1:20). Sa ganitong kadahilanan, hiniling ni Francsico na ang bahagi ng hardin ng seminaryo ay iwanan laging hindi nagagalaw, upang ang mga ligaw na bulaklak at yerba ay magsitubo roon, at yaong mga nakakita sa kanila ay taasan ang kanilang pag-iisip sa Diyos, ang lumikha ng gayong kagandahan. [21] Imbes na isang suliraning dapat malutas, ang daigdig ay isang masayang misteryo na dapat pagnilayan ng may kagalakan at pagpuri.

Ang aking apila

13. Ang agarang hamon upang protektahan ang tahanan nating lahat kabilang ang pag-aalalang dalhin ang buong pamilya ng tao ng sama-sama upang maghanap ng isang sustenable at mahalagang pag-unlad, dahil alam nating nagbabago ang mga bagay. Di tayo iniwan ng Lumikha; hindi niya pinabayaan ang kanyang sintang balak o magsisi sa pagkakalikha sa atin. May kakayahan ang sangkatauhan na magkakasamang magtrabaho upang buuin ang tahanan nating lahat. Dito'y nais kong kilalanin, hikayatin at magpasalamat sa lahat ng mga nagsisikap sa di mabilang na pamamaraan upang tiyakin ang pangangalaga sa tahanang ating pinagsusunuan. Partikular na pagpapahalaga ay utang sa mga taong walang kapagurang maghanap upang malutas ang kalunos-lunos na epekto ng marawal na kalagayan ng kapaligiran sa buhay ng pinakamahihirap sa daigdig. Nananawagan ang mga kabataan ng pagbabago. Namamangha sila kung paanong ang mga tao ay nagbubuo ng mas magandang kinabukasan nang hindi iniisip ang krisis sa kapaligiran at ang pagdurusa ng mga binabalewala.

14. Kaya kagyat akong umaapila para sa isang panibagong pag-uusap hinggil sa paano natin uugitin ang kinabukasan ng ating planeta. Kailangan natin ng pag-uusap na kasama lahat, pagkat ang hamon ng kapaligirang ating kinakaharap, pati ang pinagmulang tao, ay nakapag-aalala at nakakaapekto sa ating lahat. Malaking progreso na nagawa ng pandaigdigang kilusang ekolohikal at tumungo sa pagtatatag ng maraming mga samahang nakatuon sa pagpapataas ng kamulatan hinggil sa ganitong mga hamon. Sa kasamaang-palad, napatunayang hindi epektibo ang maraming mga pagsisikap na maghanap ng kongkretong kalutasan sa krisis sa kapaligiran, hindi pa dahil sa makapangyarihang oposisyon kundi dahil sa mas malawak na kawalan ng interes. Ang ugaling mapaghadlang, kahit na sa hanay ng mga mananampalataya, ay sumasaklaw mula sa pagkaila ng mga problema hanggang sa kawalang-malasakit, wala sa loob na pagbibitiw, o bulag na pagtitiwala sa mga solusyong teknikal. Kinakailangan natin ng isang bago at unibersal na pagkakaisa. Tulad ng tinuran ng mga obispo ng Katimugang Aprika: "Kinakailangan ang talino at paglahok ng lahat upang lunasan ang pinsalang dulot ng pang-aabuso ng tao sa nilikha ng Diyos". [22] Lahat tayo'y maaaring magtulungan bilang instrumento ng Diyos upang pangalagaan ang sangnilikha, na bawat isa'y batay sa kanyang sariling kultura, karanasan, paglahok at talino.

15. Inaasahan kong ang Liham Ensiklikong ito, na nadagdag na sa salansang ng panlipunang katuruan ng Simbahan, ay makatutulong sa atin upang kilalanin ang apila, malawak, at kakagyatan ng kinakaharap nating hamon. Magsisimula ako sa dagliang pagrepaso ng iba't ibang aspekto ng kasalukuyang krisis ekolohikal, na may layuning makahalaw sa mga resulta ng pinakamahuhusay na pananaliksik sa agham na mayroon na sa kasalukuyan, na hinahayaan silang hipuin tayo ng malalim at magbigay ng kongkretong pundasyon para sa sumusunod na itineraryong etikal at ispiritwal. Isinasaalang-alang ko ngayon ang ilang mga prinsipyong hinalaw mula sa tradisyong Judaeo-Kristyano na maghahatid ng mas maliwanag ng ating pangako sa kapaligiran. Susubukan ko na ring makarating sa ugat ng kasalukuyang kalagayan, upang isaalang-alang di lamang ang mga sintomas nito kundi pati na rin ang mga napakalalim nitong mga dahilan. Makatutulong ito sa paglalaan ng pamamaraan sa ekolohiya nang gumagalang sa ating natatanging pwesto bilang tao sa daigdig na ito at sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapaligiran. Dahil sa pagninilay na ito, isinusulong ko ang ilang mas malawak na panukala para sa pag-uusap at pagkilos kung saan kasangkot ang bawat isa sa atin bilang indibidwal, at makaaapekto rin sa pandaigdigang patakaran. Panghuli, kumbinsido akong imposible ang pagbabago kung walang motibasyon at isang proseso ng edukasyon, magbibigay ako ng ilang inspiradong patnubay para sa pag-unlad ng tao na matatagpuan sa yaman ng Kristyanong karanasang ispiritwal.

Itutuloy...

Miyerkules, Hunyo 24, 2015

talata 6-10

6. Ang hinalinhan ko, si Benedicto XVI ay nagmungkahi ring "alisin ang mga kadahilanang istruktural ng mga mabuway na pagtakbo ng pandaigdigang ekonomya at ang winawastong modelo ng pag-ulad na napatunayang walang-kakayahan sa pagtiyak ng paggalang sa kapaligiran". [10] Napagtanto niyang hindi masusuri ang mundo kapag inihiwalay lamang ang isa sa mga salik nito, yayamang "ang aklat ng kalikasan ay iisa at di mapaghihiwalay", at kasama na rito ang "kapaligiran, buhay, sekswalidad, ang pamilya, panlipunang ugnayan, at iba pa. Sumunod dito'y "ang pagkasira ng kalikasan ay malapit na kaugnay sa kulturang umukit sa sabayang pag-iral ng tao". [11] Hinilingan tayo ni Papa Benedicto na kilalanin na ang likas na kapaligiran ay lubhang nasira ng ating iresponsableng pag-uugali. Ang Nasira rin ang panlipunang kapaligiran. Sa huli'y kapwa ito dahil sa magkaparehong kasamaan: sa paniwalang walang hindi mapag-aalinlanganan mga katotohanan upang gabayan ang ating buhay, at dahil dito ang kalayaan ng tao'y walang hanggan. Nakalimutan nating ang "tao'y hindi lamang ang kalayaang nilikha niya para sa kanyang sarili. Hindi nilikha ng tao ang kanyang sarili. Siya ay kaluluwa at kalooban, kundi kalikasan din". [12] May pag-aalalang tulad ng ama, hinihikayat tayo ni Benedicto na mapagtantong ang nilikha ay nasisira "kung saan tayo ang may huling pananalita, kung saan ang lahat ay simpleng pag-aari natin at ginagamit natin iyon sa ating sarili lamang. Ang maling paggamit ng mga niliha ay nagsisimula kapag hindi na natin kinikilala ang anumang mas mataas na kairalan kaysa atin, kung saan ang nakikita lang natin ay ang ating sarili". [13]

Nagkakaisa sa kaparehong inaalala

7. Ang mga pahayag na ito ng mga Papa ay pag-uulit ng mga pagninilay ng maraming mga siyentipiko, pilosopo, teologo, at pangkat sibiko, na lahat sila'y nagpahayaman sa kaisipan ng Simbahan hinggil sa mga ganitong usapin. Sa labas ng Simbahang Katoliko, ang iba pang Simbahan at pamayanang Kristyano - pati na iba pang relihiyon - ay nagpahayag ng matinding pag-aalala at nagbigay ng mahahalang pagninilat sa mga isyung nakikita nating nakababahala. Para magbigay ng isa lang na kapuna-punang halimbawa, tutukuyin ko sa mga pahayag na ginawa ng kaibig-ibig na Ekumenikong Patriyarkang si Bartolome, kung saan magkakasama tayong umaasa sa ganap na komunyong pansimbahan.

8. Partikular na ipinahayag ni Patriyarka Bartolome ng pangangailang ang bawat isa sa atin ay magsisi sa ating mga pamamaraang ikinasira ng ating planeta, kung saan "yayamang lahat tayo'y nag-ambag ng maliliit na kapinsalaan sa ekolohiya", tinatawag tayo upang kilanlin "ang ating mga ambag, maliit man o malaki, sa pagpapapangit at pagkawasak ng sangnilikha. [14] Madamdamin at mapanghikayat siya itong ipinahahayag ng paulit-ulit, hinahamong tayong kilalanin ang ating mga kasalanan sa sangnilikha: Para sa mga tao... ang sirain ang biyolohikal na saribuhay ng nilikha ng Diyos; para sa mga taong pinasasamâ ang integridad ng daigdig sa pamamagitan ng pagdulot ng pagbabago sa klima nito, sa pag-aalis sa daigdig ng mga likas na kagubatan nito o pagwasak sa mga katubigan nito; para sa mga taong nagpadumi sa katubigan ng daigdig, sa lupa nito, sa hangin nito, at sa buhay nito - ito'y mga kasalanan". [15] Kung saan "ang makagawa ng krimen laban sa likas na daigdig ay isang kasalanan laban sa ating sarili at isang kasalanan laban sa Diyos". [16]

9. Kasabay nito, napansin si Bartolome dahil sa etikal at ispiritwal na ugat ng problema sa kapaligiran, na nangangailangan g maghanap tayo ng solusyon hindi lamang sa teknolohiya kundi sa pagbabago ng sangkatauhan; kung hindi'y nahaharap lamang tayo sa mga sintomas. Hinihilingan tayong palitan ang pagkonsumo ng sakripisyo, ang pagkaganid ng pagiging bukas-palad, ang pag-aaksaya ng diwa ng bahaginan, ang asetisismo o matinding pagpepenitensiya na "nangangailang matutong magbigay, at di simpleng sumuko. iyo ay pamamaraan ng pagmamahal, ang unti-unting paglayo mula sa aking nasa tungo sa kung ano ang pangangailangan ng daigdig ng Diyos. Iyon ay paglayà mula sa takot, pagkaganid at pamimilit". [17] Bilang Kristyano, tinawag din tayo upang "tanggapin ang mundo bilang sakramento ng komunyon, bilang pamamaraan ng pagbabahagi sa Diyos at sa ating mga kapitbahayan sa pandaigdigang antas. Ito ang mapagkumbaba nating paniniwala na ang banal at ang tao ay maghaharap sa isang bahagyang detalye sa hindi tinahing kasuotan ng nilikha ng Diyos, sa huling mantsa ng alikabok sa ating planeta". [18]

Si San Francisco ng Assisi

10. Ayokong sulatin ang Ensiklikong ito nang hindi lumilingon sa kaakit-akit at makabagbag-damdaming taong iyon, na ang pangalan ay ginawa kong gabay at inspirasyon nang ako'y mahalal bilang Obispo ng Roma. Naniniwala ako na si San Francisco ang halimbawa ng tunay na napakahusay (par excellence) sa pagkalinga sa mga mahihina at ng panloob na ekolohiyang lumabas ng masaya at totoo. Siya ang santong padron ng lahat ng nag-aaral at gumagawa sa larangan ng ekolohiya, at siya'y labis ding iniibig maging ng mga di-Kristyano. Natatangi niyang pinagmamalasakitan ang mga nilikha ng Diyos at para sa mga dukha at mga pinabayaan. Iniibig siya, at taimtim siyang iniibig dahil sa kanyang saya, sa kanyang bukas-palad na pag-aalay ng sarili, ang kanyang pagiging bukas-puso. Siya'y isang mistiko at manlalakbay na nabubuhay ng payak at ng may kahanga-hangang pakikipagkaisa sa Diyos, sa kapwa, sa kalikasan at sa kanyang sarili. Ipinakikita niya sa atin ang di-maibubukod na bigkis sa pagitan ng pagmamalasakit sa kalikasan, katarungan sa mga dukha, pangako sa lipunan, at panloob na kapayapaan.

Itutuloy...